Press Release
May 6, 2016

GRACE POE INTERVIEW TRANSCRIPT
State of the Nation with Jessica Soho

Jessica Soho: Sa punto pong ito, makakapanayam natin si Sen. Grace Poe. Magandang gabi po Sen. Poe.

Sen. Grace Poe: Hi, magandang gabi Jessica at sa lahat po ng nanonood, magandang gabi po.

Soho: Una muna po, ano ang reaksyon ninyo doon sa panawagan sa inyo ni Sec. Roxas, name your time and place, siya raw ang mag-aadjust at kailangan ninyo raw ho mag-usap. Nanawagan daw po siya for democracy, for the rule of law. Dahil ayaw daw niyang magtagumpay ang isa na namang diktadurya. Ano pong reaksyon ninyo diyan?

Poe: Alam mo Jessica, nagulat ako sapagkat magkaibigan naman kami ni Sec. Mar. Madali naman akong maabot, pwede naman akong tawagan, pwede akong i-text, dinaan niya sa media. Subalit, kung ang kanyang pakay ay para sa kabutihan ng ating bayan, wala naman akong problema, pwede talaga tayo mag-usap.

Soho: Okay, mayroon pong balitang nakarating sa amin na kagabi daw po ay magkatext kayo ng pangulo?

Poe: Totoo, mayroon akong ipinahayag sa kanya sapagkat may narinig ako sa isang grupo na mayroon siyang ipinarating na mensahe para sa akin. At sabi ko naman natanggap ko na iyon. Pero doon kasi sa mensahe na iyon ay parang ganoon din na magsama-sama, mag-usap. So bakit naman hindi? Basta Jessica, ito lamang ang nais kong malinawan, ayokong paglaruan ang damdamin ng ating mga kababayan, lahat kami ay kandidato.

Sa halalan lang pantay-pantay tayo na pwede tayo makapili. Hindi dapat dinidesisyunan ng iilan kung sino ang karapat-dapat na tumakbo. Kaya para sa akin, mag-usap tayo kung ano makakabuti para sa bayan pero pagdating sa kung sinong nararapat, siguro kung bukas sa loob na makipagsanib sa amin, maraming salamat.

Pero para sa akin, ako'y determinado na ipagpatuloy ang ating laban lalong-lalo na pagdating sa mga pangarap ng ating mga kababayan, yung kanilang pagkadismaya sa kulang rin na tulong na kanilang natatanggap mula sa gobyerno. Iyan ang nais nating mabago.

Soho: Didiretsuhin ko na po, Senator Poe, kung inyo pong mamarapatin. So what kind of condition ang inyong ise-set kung saka-sakali man po para kayo po'y makipag-usap kay Sec. Roxas?

Poe: Alam mo Jessica, wala namang kondisyon, pwede kaming mag-usap, pwede niyang sabihin kung anong nasa isip niya. Malaya naman kaming ihayag iyon sa isa't-isa. At sana din respetuhin din namin kung anuman ang magiging pasya. Sapagkat para sa akin hindi ko nga alam, ano ba itong unity na sinasabi niya?

Pareho naman kami ng hinahangad, na magkaroon ng mas mabuting kinabukasan siguro ang ating mga kababayan. Basta ako alam ko iyan ang gusto ko. Alam ko maraming problema ang ating bayan, alam ko dismayado ang ating mga kababayan sa serbisyo ng gobyerno. Yun ang nais nating mabago.

Soho: Opo, bottomline makikipag-usap po ba kayo sa kanya kung sakaling hihingiin niya na kayo ang ma-give way sa kanya? Makikipag-usap po ba kayo sa kanya o non-negotiable na?

Poe: Jessica, ako ay hindi susuko sa laban na ito, lalong-lalo na malakas ang aking kumpyansa na may tiwala naman sa atin ang ating mga kababayan. Pero pwede akong makipag-usap sa kanya. Baka naman meron pa siyang mga ibang nais sabihin. Hinihintay ko lang naman ang tawag niya.

Nagulat na lang ako na inihayag na ito sa isang media platform, imbes na tinawagan na lang niya ako madali naman yun. Basta wala akong itatago sa ating mga kababayan, ayokong laruin ang damdamin ng ating mga kababayan lalon- lalo na yung mga naniniwala at patuloy na sumusuporta sa atin.

Soho: So at this stage Senator Poe, hindi po kayo aatras? Kahit iyon po ang hingiin ng pangulo sa inyo o ni Secretary Roxas?

Poe: Jessica nasa paniniwala yan kung ano ang pwede nating gawin para sa bayan, noon pa man ako'y inimbitahan na maging bise nila, pero dahil hindi ako naniniwala sa estilo ng liderato, hindi naman ako, hindi ako bumigay. Ngayon pa kaya, na ako'y nag-iikot, na nakita ko ang kahirapan ng ating bansa, na marami nang talagang napapabayaan, ngayon pa ba ako susuko?

Soho: Maraming-maraming salamat po Senator Grace Poe. Salamat po sa pag-unlak ninyo sa interview na ito.

Poe: Salamat din Jessica.

News Latest News Feed