Press Release
July 6, 2016

10 pinakamahirap na probinsya dapat na unahin
SEN. JV SINUPORTAHAN SI DA SEC. PIÑOL SA MAS MASIGLANG
FOOD PRODUCTION

NAGPAHAYAG ng suporta si Senador Joseph Victor G. Ejercito sa plano ng bagong Department Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na pomukus sa 10 pinakamahirap na bansa ang gobyernong Duterte upang itaas ang food production at mabawasan ang kahirapan sa bansa.

Sinabi ni Senador JV na napakainam ang ganitong pokus ng gobyernong Duterte upang malaman ang kahinaan ng 10 pinakamahirap na bansa, ang potensyal nila sa food production at pagsasagawa ng livelihood programs para sa mga mamamayan nito.

"Nakatutuwa na nasa tamang landas ang gobyernong Duterte, partikular ang Department of Agricuture sa pamumuno ni Sec. Manny Piñol. Wasto na dapat unahin ang 10 pinakamahirap na probinsya sa bansa upang pag-aralan kung bakit kinakapos ang mga lugar na ito. Sa Samar na lamang, batid kong napakayaman nito sa yamang-dagat at magagandang dalampasigan na maikukumpara sa Boracay at Bohol. Panahon na pag-usapan natin ang food production at pagpapabuti pa ng serbisyo sa taumbayan at pagbibigay ng mga livelihood programs," sabi ng senador.

Sa kabilang banda, minungkahi naman ni Senador JV na upang iangat ang kabuhayan sa 10 pinakamahirap na probinsya sa bansa, nararapat lamang na pag-aralan kung paano ang naging pagpapatupad ng repormang agraryo sa mga lugar na ito.

"Kailangang pag-aralan nina DA Sec. Manny Piñol at Department of Agrarian Reforms (DAR) Sec. Rafael Mariano kung paano ipinatupad ang repormang agraryo, particular ang pamamahagi ng lupa, sa mga lugar na ito. Naniniwala akong may kinalaman ito kung bakit patuloy na naghihirap ang kanilang mamamayan. Susi sa food production ng bansa kung masaya ang mga magsasaka at tunay na sinusuportahan sila ng pamahalaan," paliwanag ni Senador JV.

Idinagdag pa ng senador na dapat samantalahin ng bagong gobyerno na pag-aralan din kung paano binadyet at ginastos ng nakaraang gobyerno, partikular sa agrikultura, ang pondo sa mga probinsiyang ito.

"Sa ngalan ng maayos na pangangasiwa at tapat na paglilingkod sa taumbayan na ipinangako ni Pangulong Duterte, hindi masamang balikan at pag-aralan kung paano naglaan ng badyet at paano ito ginastos ng gobyernong Aquino sa 10 pinakamahirap na mga probinsiya sa bansa. Sa pamamagitan nito malalaman kung may tamang programa at proyektong dapat na ituloy, kahinaang dapat na pangibababawan at kamaliang dapat na iwasto," sabi ni Senador JV.

Tinukoy ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang sampung probinisyang may highest poverty incidence kada pamilya.

Ito ay ang Lanao del Sur (67.3 porsiyento), Eastern Samar (55.4), Apayao (54.7), Maguindanao (54.5), Zamboanga del Norte (48), Sarangani (46), North Cotabato (44.8), Negros Oriental (43.9), at Northern at Western Samar (na may parehong 43.5 porsiyento).

News Latest News Feed