Press Release
August 31, 2016

GRACE POE'S INTERVIEW TRANSCRIPT
Umagang Kay Ganda

Anthony Taberna: Senator, umagang kay ganda po sa inyo!

Sen. Grace Poe: Hi, umagang kay ganda Anthony!

Taberna: Kamusta po kayo?

Poe: Magandang umaga sa inyong lahat.

Taberna: Una po Senator bakit po ninyo kinansel yung hearing po kahapon tungkol sa emergency powers?

Poe: Sapagka't yung huling hearing po namin, sila na mismo nagsabi, ibig sabihin yung mga representatives ng DOTr na kailangan po nila ng dalawang linggo para ma-isumite ang plano. Ngayon para sa akin, importante na yung mga pagdinig natin ay meron namang saysay. Ano pa yung ating didinggin doon kung hindi naman natin alam ang mga konkretong plano ng DOTr, kung ano ang kailangan nilang gawin, anong mga kailangan nila sa atin para mabigyan sila ng emergency powers. Nagiging ano lang po eh, parang drawing lang yung mga pag-uusap natin hangga't hindi naman talaga maayos yung kanilang mga plano. Ngayon, sa ating mga kababayan, lahat tayo talaga ay biktima na nitong traffic at tayo'y sawang-sawa na. Gusto na nating matapos at maibsan ang problemang ito. Kami po ay nais ng ibigay yang emergency powers na iyan kung makakatulong talaga sa kanila. Kaya lang ang nais nating siguraduhin, alam natin kung ano ang mga proyekto dahil hindi naman natin pwedeng bigyan lang sila ng isang blankong cheke na bahala nq lang sila kung anong gagawin nila eh baka naman unang-una upuan lang nila, masayang. Pangalawa, kasama rin kami sa nais naming malaman ano ba ang mga konkretong plano ninyo?

Taberna: Ang tinutukoy po ninyong plano yung mga specific projects po ba Senator?

Poe: Opo. Katulad niyan, maaaring hindi madetalye lahat ng bagay pero siguro naman, tulad ng saan magdadagdag ng kalsada, saan magdadagdag ng train, yung atin bang mga lugar o istasyon ng mga bus ito ba'y magiging intermodal? Ibig sabihin pagbaba mo ng bus galing sa probinsya may mga train na ba na kokonekta diyan, merong mga jeep na sasakyan ng ating mga magsasaka na may dalang mga kaing na hindi naman pinapayagan sa mga metro buses, mga city buses. Yung mga bagay na iyan dapat kasama iyan sa kanilang mga plano para alam naman natin, ang sabi naman natin sa ating mga kababayan, o ito ang plano ng DOTr gusto nating bigyan ng emergency powers yung presidente para hindi naman sila mahirapan sa iba't ibang mga bagay at proseso. Kaya nga ang sinasabi ni Secretary Tugade, yung iba, iniisip magiging martial law ito, iyan po ay ating iniiwasan. Ang ibig sabihin, ako na ang una pang nagsasabi sa ating mga kababayan na ito ay time-bound. Ibig sabihin...kailangan matapos ito ng dalawa o tatlong taon. Pangalawa, dapat FOI-compliant ang mga kontrata po ng gobyerno na nais nating gawin, dapat pwedeng mabusisi ng ating mga kababayan at pangatlo, dapat fiscally responsible. Ibig sabihin, hindi naman sobrang mahal na habang buhay na lang sa susunod na henerasyon ay kailangan pang bayaran itong mga uutangin ng gobyerno.

Taberna: Opo. Ang binabanggit po naman nila, total na mention niyo na rin, yung tungkol po sa pagpapaikli yata ng mga proseso ano. Kapagka po ba may emergency powers wala ng bidding?

Poe: Pwede po kasi silang magkaroon ng option na direct source procurement. Ibig sabihin, kung meron silang supplier o contractor na sa tingin nila magaling, pwedeng iyon na lang ang kukunin nila. Ako naman Ka Tunying, okay lang naman iyon. Halimbawa, hindi naman ako doon sa pinakamurang supplier basta lang may kalidad ang kanilang ibibigay at ang kontrata ay maayos. Sabi ko ngang example ang isang kalsada, kung bawat kilometro ng kalsada ay sampung milyon ang normal na ginagastos sa industriya, kung tumaas man sila ng 15 million pero yung guarantee doon ay matatapos sa mas maikling panahon, kailangan kasi mag overtime ang mga trabahador bakit hindi basta nasa lugar lang at meron talagang tamang rasonable ang mga hilingin nila. Taberna: Kailan po ninyo itututloy yung hearing Senator?

Poe: Si Ginoong Tugade, yung kanyang mga kasamahan nung umpisa, si Usec. Kintanar sabi in two weeks nila masa-submit so siguro by next (week), pero si Ginoong Tugade sabi niya masyadong matagal iyon baka by the end of this week o baka bukas. Kapag natanggap na natin iyon, siyempre bibigyan natin ng kopya yung mga resource persons natin para mapag-aralan nila. Tapos siguro by next week matutuloy na kaagad naman yung hearing. Kasi, alam niyo Ka Tunying, ang gridlock kung sasabihin natin, ang bottleneck hindi po sa Senado. Kami po sa Senado mabilis lang yung trabaho ko, nag-umpisa na kami ng hearing. Yung DOTr hindi pa nagsu-submit ng plano, nag-hearing na kami. Yung atin pong mga counterpart sa Kongreso hindi pa nga po narerefer kung saang Committee didinggin ito, kaya para sa akin, hindi po kami nagbabagal-bagalan dito. Kami nga ay nagmamadali at maaasahan ninyo na matatapos natin ito sa lalong madaling panahon.

Taberna: Yun nga po actually, ang nakakapangamba po doon baka dumating ang pagkakataon na lalo pa lumala ang problema natin sa traffic at pagka nagkabatuhan ng sisi ay sabihin po ng Executive Department, Senado ang may kasalanan niyan.

Poe: Imposible, tatayuan ko ito. Unang-una, kaagad-agad ang ating pagdinig dito. Pangalawa, wala pa nga silang mga plano dininig na natin ng dalawang beses. Pangatlo, ang Kongreso nga hindi pa nag-uumpisa. At ako naman sa ating mga kababayan, malinis ang aking konsenysa, ang aking sinumpaang tungkulin ay bantayan na hindi maisahan ang taumbayan at ginagawa ko yun. Basta kung yun lang naman, kung publicity lang ang gusto ko dapat hearing ako nang hearing kahit walang katuturan yan. Hindi. Dapat nga talaga maayos ang kanilang plano. Bakit pa tayo nag-hihearing kung mga spekulasyon lang ang ating gagawin. Basta, ako, ginagarantiya ko, una sa ating mga kababayan, bilang isang nanay, sawa na rin ako na hindi ko makasama ang aking mga pamilya dahil sa sobrang tagal ng ginugugol ko sa trapiko pero ayoko rin na tayo ay madadaya dahil naging pabaya tayo sa mga kontrata at hindi natin binantayan ang papasukin ng gobyerno.

Taberna: Huli na lang po, kayo po ba, personally, tutal nakaka-ikot rin kayo, nakakausap niyo ang eksperto, mga stakeholders diyan, sa maikli po, ano po ba ang nais ninyong ipanukala para ho maibsan kahit na in the short term yung problema natin sa traffic?

Poe: Ako Ka Tunying, unang-una talaga yung pagtatayo ng bus terminal sa labas ng Metro Manila, makakatulong yan. Tapos yung paglipat ng mga pasahero kung konektado na din yung mga train. Yung north and south extension ng bypass road, dapat matapos na yun. Dapat malaman natin, ano ba talaga ang strategy doon sa north part na, ang alam ko ay Metro Pacific yung nakakuha. Tapos yung sa south naman, San Miguel. Itong mga bagay na ito kung papaano makokonekta lahat yan, malaking tulong yan na maibsan ang traffic natin at saka tanggalin natin yung mga kolorum na bus na hindi maayos, dahil nakakabara din yan. Yung mga jeep natin, bigyan natin ng tamang babaan. Ang ating gobyerno napapabayaan na rin ang mga bagay na yan. Itong mga bagay ang sa tingin ko makakatulong. At alam mo, kailangan din natin talaga ng emergency powers kasi minsan, napakabagal talaga ng proseso pagdating sa pagbili, katulad ng acquisition sa Commission on Audit. Siyempre kung gagawin talaga nila yung trabaho nila mahahabang proseso ang bidding na yan. Kung bibilisan natin pero transparent ito, sang-ayon naman ako doon pero sabihin nila, ano ba talaga ang kailangan niyo.

Taberna: Mukhang yun naman talaga ang kanilang gusto. Kung may emergency powers man, ay tiyak na matutupad din, makaka-comply din sila sa FOI executive order na kanilang binanggit. May pahabol lang po si Atty. Romy Macalintal, habang wala pa raw pong emergency powers o solusyon ang gobyerno. Pwede niyo raw po ba isulong ang 4-day workweek sa lahat ng opisina ng gobyerno at pati pribado?

Poe: Alam niyo, nais ko magpasalamat kay Atty. Macalintal. Siya talaga ay concerned citizen lalo na sa senior citizen. Yung 4-day workweek pwede natin hingin on a voluntary basis sa mga kumpanya na mag-sign up. Hindi ko alam, maaari siguro dito sa emergency powers, sabihin ng pangulo pero hindi lahat kasi ng industriya ay susundib ito. May mga iba talaga na ang trabaho, operation ay 24 hours every day katulad sa mga malls, pero pwede sigurong shifting. Pero ang isa pang pwede nating imungkahi katulad nga niyan, simpleng bagay lang, pagdating ng pasko, lahat tayo ay abala. Baka pwede naman, ang mga paaralan early part ng December, kung hindi December 12, December 8 or mas maaga pa, baka pwede wala ng pasok.

Taberna: Bakasyon na. Ayos, magandang balita sa mga bata.

Poe: Alam ko sa mga bata gusto nila, hindi ko alam kung papayag ang DepEd.

Taberna: Ang importante po ay nag-iisip ng paraan pati po ang mga ordinaryong tao dito po sa napakalaking problema natin sa traffic. Sen. Grace Poe, maraming salamat po at umagang kay ganda po.

Poe: Maraming salamat.

News Latest News Feed