Press Release
September 7, 2016

SEN. GRACE POE'S DZMM INTERVIEW TRANSCRIPT
With Kabayan Noli De Castro

Noli De Castro: Nasa linya po natin si Senator Grace Poe ang chairperson ng Committee on Public Services sa Senado. Senator, Magandang Umaga po!

Sen. Grace Poe: Hi Magandang Umaga po, Kabayan at sa lahat po ng nakikinig!

De Castro: Yun hong hinihingi ninyo sa Department of Transportation, ang balita namin isinubmit na po iyung mga projects at tungkol sa emergency power na kinakailangang tugunan ng Department of Transportation sa krisis ho natin sa transportasyon, air, sea and especially land.

Poe: Tama.

De Castro: Kayo po ba ay satisfied na dine?

Poe: Unang-una kami ay nagpapasalamat na ito'y na-isumite. Na-isumite na ito noong Biyernes. Siyempre noon ko pa naman sinabi kung gumagawa tayo ng plano minsan kailangan din natin ng konting allowance dito sa DoTr na sinabmit nila sa amin ng mga plano meron silang nakadetalye dito pero siyempre kailangan pang pag-usapan ng iba dito sapagkat wala pa ring costing, kung magkano o kung ano yung estimate dito. Tapos may ibang katanungan rin tayo na kung ano ba talaga ang kailangan ng emergency powers sa ibang mga proyekto na ito sapagkat meron namang mga iba (proyekto) na hindi na rin kailangan (ng emergency powers) pero meron din at marami pa rin kailangan talaga ng emergency powers. So, andun naman yun, Kabayan, napakahaba nga 64 pages talaga.

De Castro: Isa yata sa iniiwasan nila dito ang bidding-bidding sa proseso.

Poe: Opo. Iyon po, iyong bidding kasi napakatagal kasi nakita natin noon. Isang taon at kalahati minsan sa isang proyekto. Hindi lamang po yung bidding, pati yung right of way acquisition kasi po alam mo may kailangan na daanan na right of way tapos may mga utilities doon na hindi matanggal ng may-ari. Ang may-ari pa naman doon ay mga pribadong sektor. Meron namang relocation po ng informal settlers natin o yung mga iba namang private homeowners siguro na kailangang i-cut. 'Yun mga bagay na kailangan din natin sa acquisition. Pangatlo po, alam niyo pag meron mga proyekto minsan may mga nagkwe-kwestyon yan sa korte kaya isang tambak na mga TROs. So, nagkanda-ubos na oras natin sa TRO. Isa pa po yan na kailangan na maialis siguro sa pagkakataon na ito. Basta naman po Kabayan di pa po kami ganun ka ka-kumpleto dito sa ating mga nais tanungin sa kanila. Pero gusto ko nga sa Senado at least matapos namin itong deliberasyon na ito by December. Kaya nga tinawag na emergency crisis na nga ito para ibigay na agad.

De Castro: Papaano ho yan kinakailangan bago mag-December break ay tapos na.

Poe: Iyon ang akin gusto. Alam niyo naman Kabayan...

De Castro: I understand.

Poe: Diba tapos meron pa tayong counterpart sa Kongreso.

De Castro: Hindi naman kayo mag-isa sa committee. Siyempre hindi naman kayo lang ang magdedesisyon mag-isa din, di ho ba?

Poe: Iyon na nga. Pero sa tingin ko naman malakas naman yung mga...marami naman kaalyado ang ating Pangulo sa layunin na yan.

De Castro: Okay. Sa projects ho ba napakarami ba?

Poe: Marami po, bigyan ko po kayo ng example: iyung pagpapatayo ng Bus Rapid Transit System.

De Castro: Naririnig ho namin yan. Alam niyo itong rapid bus transit na ito Senator, di ho ito bago.

Poe: Hindi nga ho.

De Castro: Bago naitayo ang MRT-LRT ay pinopropose na ito.

Poe: ...Ang alam ko sa Cebu meron na silang proposal. Iyon nga po Bus Rapid Transit, ang magiging problema po doon pag walang emergency powers kailangan may dedicated na linya yan sa kalsada. Aalisin diyan yung public buses, merong mga panukala na pag nagkaroon ng bus rapid transit system, yung mga public buses na dumadaan sa EDSA yung mga city buses magiging redundant na ang ibig sabihin po ay...

De Castro: ...di na sila kailangan parang ganun.

Poe: Naku alam ko maraming matatakot dito Kabayan maraming aangal pero mababawasan yung ibang mga ruta nila. Tapos yung isa pa po yung pagkakaroon ng intermodal transport system katulad ng dito po sa may Coastal road sa Paranaque 'yan po ay temporary pa lang 'yun. So, magpapagawa na sila ng isang terminal doon.

De Castro: Ang alam po namin pero sa FTI ginagawa naman ng Ayala.

Poe: Tama po sa FTI meron rin po sa North. Ang ibig sabihin po ng intermodal sa ating mga kababayan, dapat pagbaba ninyo diyan galing sa North o sa South meron na kayong malilipatan na sasakyan kung train man yan, parking ng jeepney o kaya ng mga taxi. Lahat po yan dapat meron pong nakaabang doon kasi yung ibang magsasaka natin hindi naman pwedeng sumakay sa city buses dahil kailangan pang umupa ng pribadong sasakyan o kaya taxi kaya tumataas din ang presyo ng bilihin dahil malaki rin ang gastos nila dahil hindi rin nila pwedeng dalhin ang mga kaing nila sa mga bus na nagbabiyahe sa Metro kaya po iyon-yung mga bagay na ganyan na iilan-ilan lamang po yan na extension ng tren, pagbili.

De Castro: Yung pinag-usapan natin ay land ngayon naman ay train, ang alam ko ho malinaw lang dito ay MRT-7. Yung sa San Jose Del Monte.

Poe: Opo.

De Castro: MRT-7.

Poe: Tapos yung LRT extension naman po papuntang Cavite.

De Castro: Matagal na rin yang pinag uusapan...

Poe: Opo, yung isang LRT extension na papuntang Antipolo. Iyon yung mga nababanggit din sa train system natin.

De Castro: Ginagawa na yung sa Antipolo pero seryoso ba sila sa subway?

Poe: ...Siguro ang iniisip nila iyung immediate relief pero alam mo Kabayan kaya nga may mga iba ngang nabanggit dito na siguro hindi immediate kundi long-term pero dapat umpisahan na. So sabi ko nga sa aming mga susunod na pagdinig kailangang talakayin. Gusto ko nga talaga itong subway kasi alam mo isa yan sa plataporma natin sapagkat pag sinabi nila, alam mo di pwedeng subway kasi bahain ang Pilipinas ganito ganyan. Diba yung ibang train nga sa ibang bansa sa ilalim ng bundok tumatahak, diba.

De Castro: Ilalim ng bundok...

Poe: Ilalim ng bundok. Kailangan lang po natin ng magagaling na enhinyero na kahit sabihin mo pa na earthquake prone ito, sa Japan ganun din naman. Kasi para sa akin iyon po ang pinaka-minimal disturbance sa atin. Hindi tayo mabubulabog sapagkat sa ilalim ang trabaho nito. Isa po yan sa tatanungin po natin sa September 22...

De Castro: Yung air transport po...

Poe: Isa pa po iyon.

De Castro: Napakalaking problema natin.

Poe: Madami po kasing kailangan ng night landing light sa maraming airport sa Isabela, sa Pagadian, Ozamis...

De Castro: Di ka makalipad, di ka makababa ng gabi dahil walang ilaw.

Poe: Iyon po diba, siyempre sa ating mga kababayan kung may ilaw na doon sa airport na iyon hindi na nagmamadali na umalis ng alas-singko ng hapon ang ibig sabihin pwedeng lumipad papuntang NAIA o Clark o kung saanman na kahit anumang oras sa gabi na hindi na magta traffic, hindi nagsasabay-sabay ang landing sa Manila na mga galing sa probinsiya.

De Castro: Napag-usapan ba po ba ang Clark at saka ang Subic, Senator?

Poe: Napag-usapan pero wala pong detalyadong plano, kasi nga siguro nagmamadali din. Ilang araw pa lang sila dyan. So, tatanungin natin ngayon pagdating po ng September 22. September 22 yung susunod nating pagdinig, kasama po dyan aside from si Sec. Tugade na ating iimbitahan, lahat po ng mga mayors dito sa Metro Manila at doon sa mga metro places katulad ng Cebu, Cagayan de Oro, Davao. Bakit? Dahil matatanggal na sa kanila ang kapangyarihan ng pagpapatupad ng mga batas trapiko. Ito po'y malilipat na sa DOTr. Pati ang MMDA, LTFRB, at LTO wala na rin kaya kailangan mag-usap. Kaya magiging interesting 'yan, Kabayan, sapagkat alam mo naman lahat ng ating mga mayor ay may kanya-kanyang personalidad din. So, pagsasabay-sabayin natin sila doon.

De Castro: May kanya-kanyang tindig. Pero Senator, ang magaganda ang pinagusapan natin but how about pera?

Poe: Nakalagay dito, syempre diba wala namang gagana na walang pera. Yung ibang mga proyekto may presyo na katulad nung mga sinasabi nila sa FTI, sa coastal.

De Castro: Existing na kasi 'yun na ginagawa na.

Poe: Opo, hindi po ititigil 'yon.

De Castro: LRT-7, meron na 'yan.

Poe: Tama po.

De Castro: Antipolo, meron na.

Poe: Pero yung iba wala pa naman so wala silang running total na pinadala sa atin. Ngayon, kaya nga kasama rin sa mga iba pang... diba ito yung pinakaunang sinubmit nila so September 22, pagkatapos nun tuloy-tuloy na. Kailangan natin dyan ay DBM, kailangan natin ang NEDA, kailangan diba? Lahat 'yun kasi sila ang magsasabi sa atin kung papaano yung pera, saan kukunin?

De Castro: Mangungutang ba tayo o private sector? PPP?

Poe: Alam mo Kabayan, hindi tayo magkukulang sa mga nais magpahiram sa ating bansa ngayon. Ang atin lang dapat bantayan ay kung anong klaseng kontrata ang ating papassukan. Sapagkat, okay lang naman na pautangin tayo pero dapat mababa ang interes. Pangalawa, dapat ay hindi by sovereign guarantee na kahit palpak na yung trabaho ay babayaran parin.

De Castro: Oo, sasagutin pa rin ng pamahalaan at ng taumbayan.

Poe: Tama po.

De Castro: Pero kino-consider niyo din syempre dito ang private sector - PPP.

Poe: Opo, mayroong nakalagay po dyan na PPP. E, yung Japan nga e talagang interesadong tulungan tayo. For sure, ang China ay gusto rin niyang tumulong pero sabi ko nga kailangan talaga na may oversight, babantayan ang mga kontrata. Nakalagay din po kasi dun sa kanilang proposed bill, ang Kongreso't Senado ay may oversight.

De Castro: Oversight committee.

Poe: Oo, babantayan itong mga implementasyon na ito. Pero para walang masabi kasi alam mo naman Kabayan, maraming duda sa aming mga mambabatas. Sa tingin ko, pwedeng mag-imbita ng private consultant from the private sector na oversight rin. Pwede nilang tingnan ang mga kontrata, pwede din silang mag-critique, pero syempre hindi naman sila pwedeng official sa oversight kasi hindi naman sila sa legislation.

De Castro: Consultant lang.

Poe: Pwede silang consultant. Kasi sa ating mga kababayan, lahat naman ng kontrata na 'yan ang atin pong layunin lahat 'yan naka-publish sa website kasi lahat kayo...

De Castro: Edi, nakuha naman 'yan ni Sec. Tugade na magiging transparent lahat-lahat ng kontrata para hindi naman sila kukuha ng pipitsugin lang.

Poe: Oo, tama, kaya kailangan talaga ay tutukan natin mabuti kasi nandyan na nga. Kaya lang Kabayan, ito lang, hindi po masyadong nabanggit ang plano sa Cebu, Davao, Cagayan de Oro. Wala sa mga plano talaga so kailangan talaga natin busisiin 'yan.

De Castro: Okay, so September 22 ang susunod na hearing. Ang target ho ninyo ay before the Christmas break ng Kongreso?

Poe: Opo, Kabayan, at sa lahat ng nakikinig ako po ay nakikisimpatya sa inyo. Pati kami naiinis talaga dito sa traffic, gusto lang natin gawin ng maayos na hindi tayo pagnanakawan dito sa mga kontrata na ito.

De Castro: Good luck ho Senator, magandang umaga po at maraming salamat.

Poe: Magandang umaga, maraming salamat po.

News Latest News Feed