Press Release
November 11, 2016

Grace Poe's Interview Transcript News To Go with Kara David

Kara David: Magandang umaga po Ma'am!

Sen. Grace Poe: Hi, magandang umaga Kara at sa lahat ng nanonood at nakikinig, magandang umaga po!

David: Ma'am ano po ang reaksyon niyo kasi po sinabi po ni Pangulong Duterte sa kanyang pagbalik mula sa Malaysia na handa raw niya ipagtanggol yung mga pulis na nag-serve ng search warrant kay dating Albuera Mayor Rolando Espinosa. What is your reaction to this kasi sabi niya this point ang pakikinggan daw niya ay ang bersyon ng mga pulis?

Poe: Alam mo para sa akin Kara, napakinggan na natin yung mga testimonya ng ating mga inimbitahan na pulis. Siguro taliwas ito sa sinasabi ng ating Pangulo noon na kung kahit ikaw man ay nasa gobyerno, kahit ikaw ay pulis kung mali ang ginagawa mo ikaw ay dapat managot. Mas lalo pa kung ikaw ay isang alagad ng batas o isang kawani ng gobyerno. Sapagkat mas mataas pa dapat ang standard para sa iyo. Mismo na ang Pangulo na ang nagsabi niyan. Kaya siguro mabuti na pag-aralan ng mabuti itong mga ebidensiya na ilalahad sapagkat makikita naman talaga na maraming hindi gumawa ng naayon sa kanilang trabaho ang nangyari dito sa raid dito sa kulungan.

David: Sinabi rin niya na kung meron daw dapat sisihin ay siya daw iyon dahil daw sa kanya daw itong kampanya kontra droga at sinasabi niya na he pushed the police to the limits. May sinabi pa siya na kung merong dapat makulong siya daw iyon. Your reaction on this, Ma'am.

Poe: Siguro iyong ating Pangulo talagang tinutulak niya ang kanyang kampanya pero sa tingin ko pag may oras na siya pwede niya tingnan yung mga kaganapan na talagang nangyari doon. Tayo man ay suporta bilang mga magulang na talagang dapat maalis na yung problema ng droga pero sa pagkakataon na ito ang aming nararamdaman dito ay pinoprotektahan lamang ng ilang pulis, hindi ko sinasabing lahat...

David: Opo.

Poe: Pinoprotektahan nila ang kanilang interes at kanilang sarili. Unang-una di umano may mga nakalista na doon sa affidavit ni Mayor Espinosa na mismong miyembro ng CIDG. So, meron talagang dahilan kung bakit gusto nilang patayin ito para hindi magkaroon ng testimonya laban dito sa mga tiwaling pulis. Alam mo hindi naman mangyayari ang pagsulong ng isang drug trade sa isang probinsya kung walang tumutulong na mga nakakataas. Tulad niyan yung Mayor, sangkot yung anak ng Mayor. Sabi nila, mismo ang ating Pangulo sinabi sangkot ang ibang barangay captain, sangkot ang ibang pulis kaya nga dapat kasama sa kampanya sa droga mapanagot ang mga ito dahil hindi naman nangangahulugan na alagad ng batas lahat ay matino. Kaya nga nililinis natin ang ating hanay dahil kahit na ikaw pa ay nasa gobyerno meron ka pa ring pananagutan sa batas.

David: Opo, opo. Alam ko po hindi pa ito yung huli ng mga pagdinig tungkol dito sa isyung ito pero initially po ano ang inyong assessment. Kayo po ba ay nakumbinsi sa pahayag ng CIDG with their presentation yesterday tungkol doon sa insidente?

Poe: Well unang-una napakaraming mga anomalya o mga inconsistencies. Diba nga yung sinabi ni Senator Gordon at ni Senator Lacson tumawag na sa SOCO hindi pa nangyayari yung crime. Pangalawa yung...yun nga yung sinasabi, ang mismong CIDG na nagreport na sira daw ang CCTV camera na hindi naman sila nagpapatakbo ng kulungan diba. Tapos sinabi mismo ng jail warden, hindi, ang amin gumagana yan kaya nga lang biglang nawala yung hard drive. So, makikita mo na dun pa lang meron ng inconsistencies tapos nandoon na nga sa kulungan, bakit pa kailangan ng search warrant para sugurin at halughugin yung mga kagamitin nung Mayor at mismong sinabi ng isa ring inmate na narinig niya ang Mayor na nagsasabing wala siyang baril na parang nagmamakaawa doon sa mga pulis tapos after a few minutes nagputukan na. Kaya nga ang sabi ko mismong dapat yang saksi na yan na preso dapat mailagay sa kustodiya. Kasi siya ang magpapatunay na talagang walang kalaban-laban yung mga nandoon sa preso na (tila lumalabas) pinatay ng CIDG.

David: Opo meron din pong mga civilian witnesses yun ang sinasabi ng CIDG, ito po sa tingin niyo ay magiging vital din ang impormasyon na kanilang ibibigay. What do you think Ma'am?

Poe: Siyempre alam mo ang isa pa nga doon iyong media witness diba? Iyong nakapirma yata doon sa warrant dalawang kagawad at isang GMA media.

David: GMA 7, oo.

Poe: Pero ang sabi naman, dinig ko kasi kailangan nating iberipika iyon. Sabi ng GMA witness, GMA-7 reporter, wala naman talaga siya doon noong nangyayari iyon. Dumating na lang daw siya ay tapos na. So, noong tinanong iyan sa CIDG, ang sagot ng CIDG: hindi, mayroon pa kaming isang media witness na naroon. Hindi lang nabanggit. E, bakit hindi nabanggit? Bakit hindi iyon? Dapat iyon ang nakapirma sa warrant kasi iyon nakasaad sa batas 9165 na dapat iyong media na representative at iyong local government representative ay present sa mga ganoong drug operations.

David: Okay.

Poe: Kaya Kara, ang gusto natin ay hindi lahat ng alagad ng batas ay ganyan. Sila nga ang nagbibigay ng masamang pangalan. Ngayon na nagkakaroon ng kampanya ang ating pangulo laban sa krimen at droga, siguro ang magandang ehemplo ay may mapanagot kahit na iyong mga nasa puwesto.

David: Opo. Ito naman pong judge na nag-issue ng search warrant. Sa tingin ninyo po ba ay mayroon din siyang impormasyon na maibibigay to shed light in this issue? Dapat din ba siyang kuwestiyunin sa kanyang ginawa?

Poe: Well, hindi ko alam kung pwede mong i-compel kasi co-equal branch din natin ang judiciary. Pero ang isang judge kasi kapag pinakitaan mo iyan ng mga ebidensiya na nagsasabing ganito mayroong lead para dito. Hindi naman nila mabubusisi ng todo iyan. Bibigyan nila in good faith siguro ng warrant, lalo na kung CIDG Regional 8 commander pa iyong humihingi niyan. Pero, tama nga dapat mayroon. Gusto nating malaman at least kung mayroong spokesperson ang hudikatura. Ano ba talaga ang kanilang batayan sa pagbigay ng warrant na iyan? Tandaan natin na mismong ang korte suprema daw ay mag-iimbestiga ng kanilang hanay tungkol dito. So, sana sa lalong madaling panahon ay magkaroon sila ng kasagutan para malinawan din at matakot din kung saka-sakali ang ibang mag-iissue basta basta ng warrant.

David: Okay, itong anak ni Mayor Espinosa na si Kerwin na itinuturing na drug lord nga ay humihingi ngayon na mapasailalim siya sa witness protection program in light to what happened to his father. What is your reaction to this, ma'am?

Poe: Ako hindi ako sang-ayon na dapat magkaroon siya ng immunity, ngayon protection, definitely. Kung maaari nga sana ay mamalagi muna siya sa kulungan sa ibang bansa sapagkat inaayos pa natin itong problema dito. Baka mamaya hindi natin masabi baka bigla na lang mamatay ay mabaon na lang sa limot lahat ng mga nangyari na iyan. Alam naman natin na hindi magkakaroon ng laganap na pagbebenta ng droga kung walang mga kasangkot din na matataas. Kailangan mapanagot sila. Pero ito si Kerwin, ang aking suhestiyon lamang ano, maaaring pakinggan, maaaring hindi. Magsusumite ako ng resolusyon na kung papayagan. Kung naayon sa prosesong legal ay baka naman puwedeng kagaya sa ibang bansa ay kunin ang kanyang testimonya by skype o video conferencing. Pwede naman siyang sumailalim pa rin dito sa ating hearing dito sa senado. Kahit wala siya, physically present at nandoon siya basta merong representative siguro ang senado na kasama niya doon. Iyong mga bagay na ganoon. Lalung-lalo na ngayon napakarami ng ating mga OFW sa ibang bansa. Kung may mga pagdinig ang senado mas okay na kahit na hindi sila makauwi, kung papayagan ang ganitong paraan ng pagkuha ng kanilang testimonya.

David: So ayaw niyo muna siyang pabalikin dito sa bansa?

Poe: Sa mga nangyayari ngayon sa tingin ko dapat muna matunton. Kung saka-sakaling uuwi siya dito, san siya ilalagay? Na definitely hindi pwede doon sa may Region 8 area. Pangalawa, sino ang mananagot sa kanyang buhay. Dapat merong isang point person diyan sa PNP na talagang tinitingala natin tulad siguro si General Magalong na magsasabing 'ako yung mag-aano ng kaniyang seguridad'. Dapat maayos muna yung mga bagay na iyon--hindi dahil sa masyadong importante at mahalaga ikumpara sa iba ang buhay nitong si Kerwin Espinosa, hindi po. Lalung-lalo na napakarami ng nabiktima dahil sa kaniyang kagagawan. Pero dahil nga sa kaniyang nalalaman mas mapapanagot pa natin ang iba. Alam niyo sa ating mga kababayan parang yan yung, ang tawag dito mga ligaw na damo, pag pinutol mo yung ibabaw nandoon pa rin yung ugat, tutubo at tutubo pa rin po yan. Kaya mas mabuti na rin siguro na makuha natin yung testimonya nito lalung-lalo na patay na yung kaniyang ama, pangalagaan natin kaya habang kailangan pa natin, yung mga impormasyon na yan siguraduhin natin na maayos ang kaniyang magiging proteksyon.

David: So maliwanag po Ma'am na sinasabi ninyo na dapat protektahan si Kerwin Espinosa pero hindi ibig sabihin nito hindi na siya mananagot.

Poe: Ay hindi, talagang dapat walang immunity. Para sa akin pagdating sa batas at pag sinabi niya e di hindi ako magsasalita. Alam mo wala na siyang...ibig sabihin there's nothing to lose dahil siya ay ikukulong na at siguro ang pwedeng sabihin sa kaniya 'alam mo hindi ka namin isasama sa general population muna kasi baka patayin nga siya doon'.

David: Opo.

Poe: Pwedeng ilagay muna siya sa isang lugar na hindi siya mapapatay dito sa kulungan. Pero kung ako sa gobyerno hindi dapat bigyan ng immunity ang mga ganyan kasi gagayahin na ng iba at sasabihin kakanta lang ako pag ako'y nahuli tapos idadawit ko ang ibang kasamahan ko, mali yun e.

David: Okay. Pagkatapos po ng imbestigasyon ng Senado ano po ang magiging rekomendasyon po ninyo at papaano po mapapanagot ang mga nagkasala dito Ma'am?

Poe: Sa ngayon, hindi pa malinaw sa akin kung tapos na itong pagdinig. Kung matutuloy pa ito gusto kong ipatawag muna yung representative ng media. Nasa batas yan gusto kong marinig ang kanilang sinasabi, gusto kong tawagin din yung kapwa preso na may mga nadinig sa nangyari. Pero sa ngayon pa lang sa aking nakikita may nakikita akong malaking hindi pagsunod sa kanilang tungkulin yung mga CIDG na nagpunta doon. At makikita natin na mukhang pinagplanuhan talaga nila na bawian ng buhay itong Mayor. Pero siyempre hangga't hindi pa natatapos, lahat ito ay kailangan pa nating humanap pa ng ibang ebidensiya para mas malakas ang ating kaso laban sa kanila.

David: Paano naman po doon sa mga pinangalanan na opisyal na sangkot sa illegal na droga na kabilang po ang kapwa niyong senador na si Senador Leila De Lima.

Poe: Kaya nga lahat yan kasama yan sa imbestigasyon. Ang mga imbestigasyon naman ay maaari namang mahati sa iba't ibang kategorya. Itong CIDG mismo yung kanilang pagtawag sa SOCO, yung pagkawala ng CCTV camera, yung anu-ano yan pwede na silang mapanagot para diyan lamang na sila ay sangkot. Ngayon, doon pa nga sa ibang bagay na sangkot ang ibang mga personalidad kailangan natin marinig mismo sa bibig ni Kerwin Espinosa kasi nga wala na ang kanyang tatay na magpapatunay ng affidavit. Ngayon, yung affidavit na yan kung official affidavit hindi ako abogado pero siguro sa korte kahit namayapa na ang Mayor kung may magpapatunay ng si Mayor ang nagsulat niyan, siya ang pumirma niyan, maaari pa rin itong matanggap sa aking paningin.

David: Okay, maraming salamat po sa inyong oras Senadora Grace Poe. Thank you Ma'am.

Poe: Maraming salamat Kara at sa lahat ng nakikinig, salamat po.

News Latest News Feed