Press Release
November 22, 2016

PAHAYAG NI SEN. LEILA M. DE LIMA UKOL SA PAGKAKAARESTO KAY RONNIE DAYAN

"Nakarating po sa akin ang ulat ukol sa diumano'y pagkakaaresto kay Ronnie Dayan sa La Union.

"Hindi na po lingid sa kaalaman ng marami na matagal nang hinahanap si Ronnie Dayan dahil sa diumano'y pagiging sangkot niya sa ilegal na droga sa Bilibid. Sa pangunguna ni Pangulong Duterte, pilit ding inuungkat ang inamin kong naging relasyon kay Ronnie Dayan upang paniwalain ang publiko na naging bagman ko raw siya.

"Gaya ng nasabi ko na, handa po akong humarap sa kahit saang hukuman para patunayan na walang katotohanan ang lahat ng ibinibintang sa akin. Wala akong tinanggap ni isang kusing mula sa kalakaran ng ilegal na droga. Sa tanang buhay ko, lalong-lalo na sa paglilingkod sa gobyerno, hindi ako nakinabang sa anumang katiwalian, dahil hindi ko po kailanman kayang talikuran ang tiwala ng sambayanan.

"Sa pagkakaaresto kay Ronnie Dayan, umaasa ako sa tamang pagtrato sa kanya ng mga kinauukulan. Ganoon na rin ang panawagan ko sa Pangulo para sa iba pang mga tetestigo laban sa akin katulad ni Kerwin Espinosa. Ako naman talaga ang habol ninyo. Huwag na ninyo silang pahirapan pa, mga kriminal man sila o hindi.

"Huwag na rin sana ninyong gawing drama pa ang paninira sa akin. Isampa na lamang ninyo ang mga kaso sa husgado at doon ko na kayo haharapin.

"Sa ating sambayanang Pilipino, nawa'y patuloy po tayong magbantay at maging mapanuri sa mga nangyayari sa ating lipunan. Umaasa akong sa huli ay lalabas din ang buong katotohanan."

News Latest News Feed