Press Release
February 23, 2017

[Transcript] Press conference of Sen. Leila M. de Lima

Magandang gabi po sa inyong lahat. Katulad po ng napabalita, may nilabas na, na order of arrest and corresponding warrant of arrest ang RTC Muntinlupa. Pero sa ngayon po, wala pa ho sa akin sine-serve, bagama't kuwestiyonable ang pagkaka-issue ng warrant of arrest or ng order of arrest. Kuwestiyonable ho dahil dapat ho bukas ay didinggin muna yung inihain ng aming mga abogado na motions to quash doon sa tatlong kaso.

Sa katunayan yung prosecution nga po, specifically DOJ ay nagpa-postpone pa nga, nagpa-reset po ng hearing bukas for March 3. Kaya po nagulat po kami lahat na biglang in-issue yung order of arrest and warrant of arrest. Katulad po ng nasabi ko na dati, wala po akong balak takasan yang mga kaso ko. Wala po akong balak magtago dahil haharapin ko po ang mga kaso na yan.

Since sa ngayon po, at this very moment, 7:20 [p.m.], wala pa naman po nagse-serve ng warrant of arrest sa akin. Ninanais ko muna po na umuwi muna para makapiling ko na muna po ang aking pamilya at para kunin ko na po yung mga dadalhin kong gamit sa kulungan.

So uuwi po ako ngayong gabi, at babalik po ako dito bukas ng umaga, at dito ko po sa Senado hihintayin ang arresting team. Hihintayin ko po sila. Kusa po ako na susuko sa kanila. Pero sa ngayon po, gusto ko na muna po makapiling ang aking pamilya sa bahay. Babalik po ako bukas ng umaga. Nagpapasalamat po ako sa mga kasamahan ko sa Liberal Party, Sen. Frank Drilon, Sen. Kiko Pangilinan, Sen. Bam Aquino, at Sen. Risa Hontiveros--nandito po siya kanina--sa kanilang suporta.

Sa inyo pong lahat, humihingi lang po ako ng inyong dasal na sana maging safe and secure po ako saan man nila ako dadalhin, saan man nila ako ikukulong. Alam niyo naman po na yung mga so-called charges na finile sa akin ay non-bailable. Bahala na po ang aking mga abogado kung ano po ang legal remedy na gagawin nila diyan sa kuwestiyonable nga pong pagkaka-issue ng order of arrest and warrant of arrest ngayon.

Tuloy po ang laban ni Leila de Lima. Maraming salamat po.

News Latest News Feed