Press Release
August 29, 2017

SEN. JOEL VILLANUEVA'S DZRH INTERVIEW TRANSCRIPT ON 4-DAY WORKWEEK

Sen. Joel Villanueva: Sa lahat ng ating masugid na tagasubaybay, isang mapagpalang umaga po sa ating lahat.

Milky Rigonan: Magandang Umaga, Senator Joel. Ano nga ba itong proposal niyo sa Senado na Compressed Workweek para sa ating manggagawa?

SJV: Tama po kayo, Ma'am Milky. Naipasa na po ito sa Kamara on first reading at final reading, at ngayong araw ay nakatakda po tayong maghain ng batas na magsusulong po ng tinatawag natin na "flexible working arrangements" kasama po dito itong compressed workweek, kasama din po diyan ang "flexi-time" at kasama din po ang tinatawag na "flexible holiday schedule". Ang 4-day workweek scheme po ay isa lamang sa tinatawag nating "flexible working arrangements". Kung natatandaan niyo po Ma'am Milky, naipasa na natin on third and final reading ang tinatawag po nating "telecommuting". Ito naman po yung work-from-home scheme, isang klase rin po ng flexible work arrangement.

MR: So, isang buo po itong bill na ito, Senator Joel?

SJV: Opo. This is another additional working arrangement for our workers. Kaya po uulitin ko po at bibigyang diin ko po na ito po ay optional. Hindi po ito mandatory at hindi po ito sa ayaw at sa gusto ng ating manggagawa at ng ating mga employer.

MR: Ito bang bill na ito Senator Joel ay applicable sa lahat ng sector? Kasi yung iba ay office work at yung iba naman po ay sa pabrika. Ito ba ay applicable sa lahat ng sector ng manggagawa natin?

SJV: Magandang katanungan po yan. At yan po yung gusto nating balangkasin sa darating na mga lingo. September 13 ay meron na tayong committee hearing at gusto nating busisiin kung saang mga industriya at line of work pwede ang polisiya ng "flexible working arrangement". For example, ang doctor, hindi po pwedeng hindi pumasok ang doctor. Hindi po pwede ang nurse, kung sasabihin natin ay magpapahinga siya kung emergency. Hindi po pwede yun.

MR: Senator, sa media na lang. Wala kaming holiday, 'pag may bagyo, nandun kami sa trabaho mismo. Ang day off lang mismo ng media ay isang araw eh. Maraming sector na hindi applicable yung apat na araw lang na pagtatrabaho.

SJV: Opo. Pero sa media, meron pong mga flexi programs na nakikita. Halimbawa po yung "flexible holiday". Maaring gamitin ng isang empleyado ang holiday sa ibang araw. Kunwari po, kahapon Ma'am Milky, pinili niyo pong pumasok kahit National Heroes' Day upang makaliban sa ibang araw na ikaw naman ay may lakad. Ang tawag naman po natin dito ay "flexible holiday". Ang isa naman po ay "Flexi-Time", yun naman po, maari po pumasok o umalis ang empleyado sa oras na kanyang nais sa kondisyon na makukumpleto po niya ang itinakdang bilang ng oras ng paggawa sa isang araw. Halimbawa po, sa araw na ito, pumasok ang empleyado ng alas-nuwebe ng umaga, siya po ay maaring umuwi ng 5 in the afternoon. Pero kung ang isang empleyado naman po ay pumasok ng alas-siyete ng umaga, maari na po siyang umuwi ng alas-kwatro ng hapon. Yun po yung "Flexi-time". At yung pangatlo naman po ay yung tinatalakay natin mismo ngayon, "Compressed Workweek". Ito po ay ang pagbabawas ng araw ng pasok ng isang manggagawa sa piling trabaho po. Ulitin natin, sa piling trabaho lang po. Hahabaan na lang po ang oras ng paggawa sa isang araw. Maaring apat na araw na lamang papasok ang isang manggagawa sa halip na lima o anim na araw. Pero ang oras po ng kanilang pamamalagi, ito po ay 40 hours o 48 hours, ganun pa din po yung mangyayari. For example, yung mga BPO companies po, magbigay na po tayo ng example, yung Convergys po, nagpapatupad na po sila ng compressed workweek scheme. Hindi lang po ito malaking tipid sa pamasahe dun po sa empleyado, nagkakaroon din po ng mahabang oras ang ating mga empleyado sa kanilang pamilya. At the same time, yun din pong mga BPO companies ay nakikinabang din po dahil hindi na nila kailangan ng mas malaking espasyo o sa renta po nila, hindi na po nila kailangan ng mas malaking opisina dahil konti na lang po ang pumapasok sa ganitong araw at 'yung iba naman ay telecommuting, at 'yung iba naman ay flexi holiday schedule. 'Yung iba naman ay next shift pa. Hindi na po ito bago sa buong mundo. Ito po ay world wide recognized scheme.

MR: Ito patok sa BPO nabanggit niyo, tutukuyin na ba natin yung mga piling trabaho dito na puwedeng pasok sa four-day compressed workweek?

SJV: Tama po. Iimbitahan din po natin ang ilang mga sector, industriya, pati po yung mga naririnig natin na may mga angal po at mga agam-agam. Gusto natin marinig ang kanilang mga hinaing at anuman ang kanilang reservation tungkol po dito sa four-day compressed workweek scheme. Na-appreciate natin itong mga flexi working arrangements kasi po importante po ito dahil gusto natin sila bigyan ng options.

MR: Ang traffic rin natin 'di ba?

SJV: Malaking bagay po ito sa pag-decrease ng ating traffic and, at the same time, kahit hindi ito magiging single solution para po dun sa ating terible na traffic na nararamdaman ay mabibigyan po ng opportunity itong ating mga manggagawa at ibang employers na din na makapili ng kung anong mas swak dun sa kanilang trabaho.

MR: Oo. Ang concern dito ay yung mga arawan. Pano daw halimbawa four days lang silang papapasukin? Maaapektuhan po ba yung kita nila kung arawan ang sweldo.

SJV: Hindi po natin papayagan na masaling o magalaw yung kanilang karapatan, 'yung kita nila, 'yung pong overtime pay. Kung matatandaan niyo, Ma'am Milky, nu'ng ipinasa natin yung telecommuting, yung work from home, yung mga may agam-agam, ilan kasi nga po may mga complaints na po tayong nakuha na if they are working at home hindi po nila nakukuha yung mas karampatang benefits na nakukukha ng pumapasok ng arawan sa opisina. So, ito po malinaw po sa ating panukalang batas na dapat yung benefits, 'yun pong overtime pay, lahat po 'yan kasama po 'yan para siguraduhin na hindi po dehado ang ating mga manggagawa.

MR: Ang reaksyon ng ECOP dito Senator Joel ay hindi daw maganda. Magdudulot daw ng problema sa kalusugan ng mga manggagawa itong compressed workweek. Ano kaya ang gustong sabihin dito ng ECOP?

SJV: Gusto nating marinig yung kanilang agam-agam tungkol dito, 'no? Tungkol naman po sa kalusugan, una, malinaw po na ang panukalang batas ay limitado pa rin doon sa itinakdang oras sa isang linggo. Kung 40 hours a week or 48 hours a week, hindi po dapat sumobra du'n para masiguro natin na hindi din po ma-overwork ang ating mga manggagawa, and, at the same time, gusto po nating sabihin na may ilang pag-aaral din po na yung isang manggagawa, mas pabor sa kanya yung dirediretso ang kanyang trabaho at nagiging effective po siya dahil mas mahaba yung kanilang pahinga. Yung three days na, for example, three days na off siya in a week, mas malakas siya at mas ganado po siya magtrabaho.

MR: Abangan namin yung hearing niyo dito tungkol sa compressed workweek. Apat na araw ito at welcome lahat itong mga sectors na ito na posible maapektuhan Senator Joel, ano? Para matalakay ng maayos itong panukalang batas.

SJV: Tama po kayo ma'am at ang importante dito ay gusto po natin bigyang diin na gumagawa po tayo, nagki-create tayo ng maraming options, mga flexible working arrangements. Isa lang po itong compressed workweek kagaya po ng sinabi natin at na-discuss, kasama po diyan yung flexi-time, kasama din po yung flexi holiday schedule, na kung saan merong options ang ating manggagawa at ang ating employer na rin para mas marami yung pagpipilian na puwedeng gawin ng isang manggagawa na mamo-motivate po siya, mas magiging efficient po siya, mas magiging productive po siya at mas makakaproduce siya.

MR: Yung reaction dito positibo, Senator Joel Villanueva. Ang sabi po kasi nila sa traffic po ilang oras ang nilalaan natin sa daan. Papasok tayo ng trabaho, uuwi na naman tayo mata-traffic na naman. Halos ilang oras nalang na consume natin para naman sa pamilya.

SJV: Tama po 'yun at importante po yung tinatawag na work-life balance.

MR: Ang chairman ng committee on labor ng Senado, Senator Joel Villanueva. Sir, magandang umaga.

SJV: Maraming salamat, Ma'am Milky. At karangalan pong muli ang makasama po kayo. God bless you po.

MR: God bless po. Maraming salamat, Senator Joel Villanueva.

News Latest News Feed