Press Release
September 21, 2017

MENSAHE SA KILOS PROTESTA SA IKA-45 NA ANIBERSARYO NG DEKLARASYON NG BATAS MILITAR

Tama si Duterte. Kapag nanalo siyang Pangulo, darating ang pagbabago--pagbabagong kumitil ng mahigit 13,000 Pilipino, kabilang ang mga inosente at batang walang kalaban-laban. Pagbabagong pinapalaya ang mga politikong may matibay na kaso ng pandarambong. Pagbabagong sinasagasaan ang ating karapatan, pinatatahimik ang mga kritiko ng gobyerno, naghahasik ng kasinungalingan, sinusupil ang media, at tino-Tokhang ang katarungan.

Magdiretsahan tayo, Ginoong Duterte. Yung isang tanong, at walang paliguy-ligoy na sagot. Huwag mo kaming daanin sa biro, sa mura, sa pananakot at pagbabanta. Hindi lahat ng Pilipino, natutuwa sa iyong kapritso.

Bakit winawalang-bahala mo lang ang 6.4 bilyong pisong shabu na galing China at pinalusot sa Customs? Bakit nababahag ang buntot mo sa pagtatanggol ng ating teritoryo sa West Philippine Sea? Kung wala kayong itinatago, bakit ayaw mong pagsalitain ang anak mong si Polong sa Senado? Kung ipinakita mo yung tattoo mo na wala namang interesado, sabihan mo nalang din si Polong na gumaya sa'yo. Pinalalabas mong wala kang kinatatakutan pero halata namang naduduwag ka sa mga babaeng kumokontra sa iyong baluktot na patakaran.

Lalong lumilinaw sa lahat: Duwag, walang modo, mamamatay-tao, sinungaling, diktador, at may utak kriminal ang Pangulong mayroon tayo ngayon. Lahat ng kabulastugan, karahasan at mga patayang naganap sa nakalipas na mahigit isang taon, nangyari nang wala pa raw Martial Law. Isipin niyo nalang kung saan dadalhin ni Duterte ang bansa oras na may Batas Militar na sa buong Pilipinas.

Kaya naman ituloy natin ang ating paninindigan para sa demokrasya. Ibinalik man ni Duterte sa madilim na kabanata ang ating bansa, nasa alab pa rin ng ating pagkakaisa ang panunumbalik ng liwanag at pag-asa.

LABAN PILIPINO! LABAN PILIPINAS!

News Latest News Feed