Press Release
December 31, 2017

MENSAHE SA PAGDIRIWANG NG BAGONG TAON

Isang napakagandang biyaya ang maipagdiwang ang Bagong Taon, lalo na ang salubungin ito kasama ang ating pamilya. Nagpapasalamat tayo sa mga nakamit nating tagumpay, sa mga nalampasang mga pagsubok, at higit sa lahat, sa pagkakataong paghandaan ang panibagong kabanata sa ating buhay.

Naiiba ang pagdiriwang ng aming pamilya ngayon sa pagsapit ng Bagong Taon dulot ng napakabigat na pagsubok na aming kinakaharap. Ipinakulong ako sa mga inimbentong kaso, siniraan ang aking pangalan, at hindi pa nakuntento, patuloy pang niyuyurakan ng rehimeng ito ang aking mga karapatan. Sa kabila nito, patuloy akong nagdarasal at nagpapakatatag para sa aking pamilya--sa ngalan ng aking yumaong ama, para sa aking ina, mga kapatid, sa aking mga anak, at mga apo. Sa panggigipit sa akin, lalo lang nilang pinalalakas ang aking loob para ipaglaban ang aking mga adbokasiya at igiit ang kapakanan ng mas nakakarami, lalo na ng mga naisasantabi at mga inaapi.

Hindi na magagawang makapagdiwang pa ng Bagong Taon ng libo-libong Pilipino, kabilang na ang mga batang walang muwang, na pinatay ng War on Drugs. Gayundin, malamang ay matamlay at puno ng pangamba ang pagsalubong sa 2018 ng napakaraming naulila, nabalo at nakaranas ng dahas sa malagim na kampanya. Saan sila kukuha ng pag-asa? Saan sila huhugot ng determinasyong harapin ang Bagong Taon?

Samahan ninyo po sana akong manalangin para sa mas maaliwalas na bukas para sa lahat -- hustisya para sa mga biktima, kaligtasan para sa mga naiwan, at pagdadamayan ng mga Pilipino saanmang sulok ng mundo. Maging tunay na simula sana ang Bagong Taon para sa pagbabalik ng katinuan sa ating gobyerno, para sa pagkilala sa dignidad ng bawat Pilipino, at para sa pangingibabaw ng katotohanan at katarungan sa ating minamahal na bayan.

Isang ligtas, mapayapa at mapagpalayang Bagong Taon sa ating lahat!

LEILA M. DE LIMA

Custodial Center, Camp Crame
1 Enero 2017

News Latest News Feed