Press Release
February 1, 2018

MENSAHE NG PAKIKIISA PARA SA NATIONAL DAY OF ACTION FOR EDUCATION, FREEDOM AND DEMOCRACY

Lubos akong nakikiisa, sa abot ng aking nakakaya, sa pagtitipon at pagkilos na ito para sa pagsusulong ng edukasyon, kalayaan, at demokrasya sa ating bansa.

Kayong mga kabataan ang mamumuno sa ating bayan sa mga susunod na panahon. Pero ang tanong natin: Anong klaseng pamahalaan at kinabukasan ang inyong dadatnan, kung ngayon pa lang, kinukunsinte -- kundi man tahasang inuudyukan -- ang patayan, karahasan, kasinungalingan, pagsikil sa mga karapatan, at pagyurak sa demokrasya?

Ano nga ba ang ipinapakita ng gobyernong ito sa ating kabataan? Na ayos lang pumatay ng 30 katao kada araw, kabilang ang mga estudyanteng sina Kian delos Santos, Carl Arnaiz at Kulot de Guzman para tumahimik ang lipunan? Na tama lang magpakulong ng inosente, magtanggal sa puwesto ng mga kritiko, at gipitin ang mga may ebidensya laban sa Pangulo, habang pinapalaya at pinoprotektahan naman ang mga tiwali sa gobyerno? Na okay lang ang fake news--na may parangal pa ang nagpapakalat nito--gayundin ang mga panlilihis sa tunay na isyu? Na dapat lang bastusin ang mga babae, kasi joke lang naman daw? Na walang masama sa pagpapabaya at pagsuko sa ating mga teritoryo kasi wala naman daw kakayahan ang Pilipinong magsaliksik at pagyamanin ang mga ito?

Palibhasa, kung anong tapang magsalita at magbanta ni Duterte sa harap ng publiko, kung paano niya apihin ang mga maralita, kung paano niya patahimikin ang media at mga kritiko, siya namang pagkaduwag nito kapag nagsalita na ang China. Samahan pa ng mga kaalyado ng Pangulo na kung umasta, akala mo, pagmamay-ari nila ang Pilipinas at sariling bulsa nila ang kabang-bayan.

Kaya napakahalaga ng ganitong mga pagkilos na mismong mga kabataang tulad ninyo ang nangunguna, hindi lamang sa social media, kundi maging sa pagmartsa at sa iba pang pagkilos para labanan ang mga kasinungalingan at pag-abuso, at sa paggiit nating lahat na tugunan ng gobyerno ang mga talagang kailangan: patas at mataas na antas ng edukasyon para sa kabataan, tiyak na trabaho at sapat na sweldo ng manggagawa, at tunay na kaayusan at kabuhayan sa mga pamayanan.

Ang inyong ginagawa ay malinaw na pahayag: Mulat ang maraming kabataan. May pakialam ang kabataan. Nagkakaisa, lumalaban ang kabataan, at ang bawat marangal na Pilipino.

Isang mapagpalaya at makabuluhang pagkilos sa ating lahat!

LEILA M. DE LIMA

Custodial Center, Camp Crame
1 Pebrero 2018

News Latest News Feed