Press Release
February 16, 2018

Mensahe ng Pakikiisa sa United Bulacan Relocation and Resettlement Leaders' Association (UBRRA)

Mainit na pagbati ng pakikiisa mula rito sa Camp Crame Custodial Center!

Nais kong ipaabot ang aking pagsaludo sa mga kasapi ng United Bulacan Relocation and Resettlement Leaders' Association o UBRRA para sa tuloy-tuloy ninyong pagkilos upang ipaglaban ang mga karapatan ng maralitang sektor. Ang inyong ginagawa ay hindi lamang nag-aambag sa kagalingan ng mga taga-Bulakan kundi ng lahat ng mahihirap at aping sektor sa lipunan.

Hindi po lingid sa aking kaalaman na ang UBRRA ay isa sa mga pangunahing nagtayo ng Homeowners' Federation of Northville and Southville, Inc. (HFNSI) na syang naka-partner ng aking opisina upang maisulong sa Senado ang Resolusyon Blg. 535 na naglalayong imbestigahan ang kalagayan ng pamumuhay sa mga nasabing relokasyon at ang napaulat na problema sa pagbabayad ng amortisasyon ng mga residente.

Naisagawa na po ang unang pagdinig sa resolusyong ito nito lamang ika-5 ng Pebrero sa pamumuno ng Chairperson ng Housing Committee na si Sen. JV Ejercito at masusundan pa ng mga technical working group (TWG) meetings kung saan kukunin ang malinaw na commitment ng NHA at iba pang mga ahensya hinggil sa mga problema sa Northville at Southville.

Sa tulong din po ninyo ay nagbabalak pa ang aking opisina na maghain o sumuporta sa mga panukalang batas na tutugon sa mga suliranin sa pabahay at magtataguyod sa karapatan ng mga urban poor. Sa ngayon po ay malaking problema pa rin natin ang polisiya at praktika ng NHA na off-site relocation at ang "business orientation" ng nasabing ahensya. Dagdag pa rito ang katotohanang sa NHA napupunta ang pinakamalaking parte ng budget ng gobyerno para sa pabahay.

Naniniwala po akong kung nais nating maisulong ang karapatan at empowerment ng mamamayan sa usapin ng pabahay, kailangang igiit ang partisipasyon ng maralitang sektor sa lahat ng antas ng pagdedesisyon sa nasyunal at lokal. Ilang halimbawa po nito ang people's planning na dati nang isinulong noon ng yumaong Sec. Jesse Robredo at aktibong pakikilahok ng ating mga samahan sa mga local housing boards, development councils at iba pang mga itatayong istruktura o komite hinggil sa pabahay.

Nais ko lang din pong ipaalala na ang ating adbokasiya para sa karapatang pantao ay magkaka-ugnay. Itinutulak po natin ang sapat at maayos na pabahay para sa lahat sa ilalim ng isang kontekstong ang kasalukuyang gobyerno ay walang pag-respeto sa dignidad at karapatan ng mamamayan. Kitang-kita po ito sa mga libu-libong pinatay at karamihan sa kanila ay mga maralita rin, sa ilalim ng kampanya laban sa iligal na droga. Malinaw rin pong walang paggalang at pasensya si Pangulong Duterte sa mga proseso ng demokrasya at rule of law. Patunay po dyan ang di-makatarungang pagpapakulong sa akin dahil maingay kong tinutulan ang mga patayang nabanggit.

Ibig lang pong sabihin nito ay kailangan nating lalong magkaisa, tayong mga nagtataguyod ng karapatang pantao dahil mas malaking hamon ang hinaharap natin sa ilalim ng administrasyong ito. Kaya po umaasa rin akong ang ating tulungan o partnership ay hindi lamang malilimitahan sa usapin ng pabahay kundi pati sa mga usapin at gawaing magpapalalim sa pag-unawa at pagyakap ng sambayanang Pilipino sa mga prinsipyo ng karapatang pantao.

Maraming salamat po.

News Latest News Feed