Press Release
May 3, 2018

MENSAHE NG PAKIKIISA SA "DASAL AT AYUNO"

Isang mapagpalayang araw sa lahat ng nakikiisa sa "Dasal at Ayuno" para sa Katotohanan at Katarungan!

Sa loob ng sampung araw, ilalarawan ng pagtitipong ito ang mga pangunahing problema na hinaharap ng ating bansa ngayon sa ilalim ng rehimeng Duterte. Mga isyu ito na sa halip na tugunan ng gobyerno ay kanilang pinagtatakpan, kundi man lalo pang pinalulubha ang sitwasyon; sa halip na pakinggan ng ating mga pinuno ay kabaligtaran pa ang ginagawa.

Kaya naman buo ang aking suporta sa mga narito ngayon para sa panawagan na itigil na ang pag-abuso at simulan na ang tunay na serbisyo sa mga Pilipino. Sa mga pinuno at alagad ng simbahan na nanguna para magbuklod tayo ngayon, kina Pastor Caloy M. Diño at Fr. Robert Reyes, at sa mga kapwa nating nagsasakripisyo at nag-aayuno ngayon para imulat ang marami pa nating kababayan sa katotohanan, isang taos-pusong pasasalamat po sa inyong lahat.

Naaangkop nga lang po na nasa Padre Faura ang pagtitipong ito ngayon, upang ipanawagan sa Korte Suprema na tugunan ang mga pagyurak sa batas ng rehimeng Duterte. Isang malinaw na halimbawa ang ginagawa nitong politikal na panggigipit sa kanilang mga kritiko. Ang mas masama pa, nakikipagsabwatan ang gobyernong ito sa mga tunay na tiwali at kriminal para sirain ang kredibilidad ng mga nagnanais na itama ang baluktot nilang mga polisiya. Inaabswelto ang mga sangkot sa krimen at ilegal na transaksyon kahit pa may matibay na ebidensya, habang ipinakulong at sinasampahan naman ng mga imbento at gawa-gawang kaso ang mga nasa oposisyon tulad ko.

Patunay ito: Ayaw ni Duterte ng tutol sa kanya. Takot si Duterte sa mga naninindigan para sa karapatang pantao na nilalabag ng kanyang gobyerno. Walang pakialam si Duterte sa diwa ng demokrasya kung saan ang bukal ng kapangyarihan ay ang taumbayan, hindi iisang tao o iilang mapagsamantala sa kapangyarihan.

Patuloy lang po sana nating ipagdasal ang ating bayan, at ang lahat ng nakikipaglaban para sa katarungan, katotohanan, karapatang pantao at demokrasya. Sa panahon ng kadiliman at pagdurusa, ang sama-sama nating panalangin at pagkakaisa ang magdadala ng tunay na liwanag at pag-asa sa ating minamahal na Inang Bayan.

LEILA M. DE LIMA

Custodial Center, Camp Crame
3 Mayo 2018

News Latest News Feed