Press Release
June 22, 2018

TRANSCRIPT OF SEN. GRACE POE'S PHONEPATCH INTERVIEW
Bombo Radyo Cagayan de Oro with Bombo Junel Ucat

BOMBO JUNEL UCAT: Maayong buntag, Senadora Grace Poe.

SEN. GRACE POE: Maayong buntag po sa inyo nga tanan.

UCAT: Bali-balita at alam naman nating lahat ang tungkol sa TRAIN law, kung saan pinag-usapan sa balita ang sulat po ninyo sa mga government agencies na humihiling ng kasagutan kung nasaan yung mga tulong sa mahihirap dahil sa epekto ng TRAIN law. Basically, ano po ang latest na sagot ng mga ahensyang ito, Senadora Grace Poe?

POE: Masaya naman ako na sila ay nakinig sa atin pagkatapos ng sulat ko sa kanila. Kasi alam ninyo, alam naman natin na yung mga nakaraang araw ay talagang nagtaas ang presyo ng mga bilihin pati na rin ang gasolina. Maraming mga kababayan natin ang umaray dito, pati na ang presyo ng bigas. Kaya sabi namin, ang TRAIN law, ang hangarin nito ay para makabuo ng mas maraming proyekto pero huwag nating kalilimutan ang mga pinakamahihirap nating kababayan na naghihirap ngayon. Kaya nga sabi ko, nasaan na ang tulong na kaakibat nitong tax na ito? Ang ibig sabihin niyan, yung mga vouchers na ibibigay sa mga operator ng public utility jeep, yung mga tulong para sa pagtaas ng gasolina, ang pagdagdag ng apat na milyong pamilya pa sa unconditional cash transfer program ng gobyerno. Lahat po iyan ay sinulat natin sa kanila at sabi din nila ngayong Hunyo ay ilalabas na po nila ang kanilang listahan kung sino pa ang makakatanggap at sa lalong madaling panahon ay ipapamigay na nila ang tulong na iyon.

UCAT: Okay, related to that Sen. Grace Poe, kailan po kayo maaaring mag-conduct ng Senate hearing ukol dito dahil yung mga driver at operator po natin sa ating bansa ay kabilang sa mga kababayan natin na medyo nasa sentro na dumadaing sa effect nitong batas na TRAIN.

POE: Oo, alam po ninyo ang presyo ng gasolina talagang umaabot ng halos P45-48 per liter, mas mataas pa sa iba, sa Palawan sabi umabot daw ng P70. Kaya itong darating na Hulyo, bago siguro magbukas ang Senado ay magkakaroon ako ng hearing diyan mismo sa Cagayan de Oro para ang ating mga kababayan, mga drivers, mga beneficiaries galing sa iba't ibang parte ng Mindanao ay hindi na kailangang pumunta ng Manila at diyan na tayo magkakaroon ng hearing para marinig naman natin ang daing nila at kung totoo ba ang pangako ng DOTr na magbibigay na sila ng subsidiya o kung 'di pa nila natatanggap, lalung-lalo na sa mga drivers natin diyan sa Mindanao. Ang importante ay ang pagtulong sa ating mga kababayan ngayon.

UCAT: Maiba tayo ng usapin, in relation pa rin sa transportation, ipinasa na po pala sa Senado ang panukalang batas na naglalayong pagandahin ang serbisyo sa mga land transportation terminals sa buong bansa gaya ng bus terminal. So libre na po ang Wi-Fi sa mga istasyon at wala na rin pong bayad sa restroom? Interesado po kaming mga taga rito sa probinsya dahil kapag maganda ang mga terminal, makaka-engganyo rin ng mga turista at bisita. Sana po ay maging ganap na batas ang usaping ito, senadora.

POE: Opo, alam ninyo ipinasa na po namin 'yan sa Senado. Ang maganda po rito, hinihintay na lang po natin ang pirma ng ating Pangulo. Pero itong batas na ito, ang halaga nito, lahat ng ating mga terminals-bus man o pandagat na terminal-kapag ito ay public terminal, kailangang may malinis na palikuran o banyo, hindi dapat nagbabayad ang ating mga kababayan para gamitin iyan. Tapos free ang Wi-Fi. Kung may Wi-Fi connection, dapat libre. Alam mo ang ating bansa ay napakaganda at maraming gustong bumisita dito sa atin kaya lamang, sabi nila ang mga imprastruktura o ang mga katulad niyan ay hindi pa ganoon kaganda pero kapag nakita nila na ang mga terminals natin ay malinis, mapayapa at maayos, tama kayo ma-eengganyo sila na bumisita palagi. Kaya yun ay ipinaglaban natin dahil kapag maraming turista-tulad niyan, ang Cagayan de Oro ay napakaganda kapag pumupunta ako diyan, lahat ay natutuwa diyan, sa mga seafood na kinakain ko, sa dagat ninyo, kapag naayos iyan ay mas maraming trabahong maibibigay.

UCAT: With that, Sen. Grace Poe marami pong salamat, magandang umaga po Senadora.

POE: Magandang umaga po sa inyong lahat at salamat po sa pagkakataon na ito.

News Latest News Feed