Press Release
August 18, 2018

MENSAHE SA PAGGUNITA NG IKA-6 NA ANIBERSARYO NG PAGKAMATAY NI SEC. JESSE MANALASTAS ROBREDO

Anim na taon na po ang nakalipas mula nang pumanaw si Sec. Jesse Robredo dahil sa isang di-inaasahang trahedya. Buong bansa ang nagluksa at nakiramay noon sa pagkawala ng isang tapat, mahusay, at mapagpakumbabang pinuno.

Kaakibat ng pagdadalamhati nating mga Pilipino noon ang higit na pagkilala at paghanga sa huwarang pamumuno ni Jesse. Sa loob ng halos dalawang dekadang paglilingkod ni Jesse sa Naga bilang alkalde, napaunlad niya ang siyudad at matagumpay na naipatupad ang makabuluhang mga reporma, nang hindi gumagamit ng dahas. Pinatunayan ni Jesse ang tayog ng kayang marating ng Naga sa pamamagitan ng mga programang nagsusulong ng katapatan at pananagutan sa gobyerno, at pagtutok sa tunay na pangangailangan ng mga nasa laylayan ng lipunan.

Sa kanyang "tsinelas leadership", ipinakita ni Jesse ang tunay na pagkalinga at malasakit sa kapwa. Hindi sa pagyayabang. Hindi sa pagdaldal. Lalo na, hindi sa pagiging epal. Hindi tinutulugan ni Jesse ang pagdating at ang kasagsagan ng kalamidad--naroon siya para alamin at tugunan ang problema. Sa kanyang sinseridad, malinaw na kahit matagal na sa serbisyo, kailanman, hindi naging "trapo" si Jesse, kundi isang lingkod bayang inuuna ang kapakanan ng kanyang mga nasasakupan.

Hindi na nga nakapagtatakang ito rin ang klase ng pamumunong nakikita natin sa asawa niyang si Vice President Leni Robredo: May nakakakita man o wala, minamaliit man ang kanyang kakayahan ng ilang makapangyarihan, tuloy lang sa trabaho at pagsisilbi si VP Leni. Sa kabila ng kanyang mabuting hangarin sa kapwa, mayroon pa ring mga pilit na sumisira sa kanya dahil sa pansariling agenda. Na kung sino pang dapat na tumulong para mas mapalawak ang paglilingkod, ay siya pang inuuna ang politika at handa pang lumabag sa Konstitusyon para paboran ang mga pinagkakautangan ng loob.

Ang mga hamon na hinarap ni Jesse noon ay siya rin ngayong hinaharap ni VP Leni. Tiwala po tayong sa kabila ng anumang negatibismo, paninira, at kasinungalingan, kasama ni VP Leni ang mas nakararami--ang mga naka-tsinelas, ang mga nasa laylayan, ang bawat disenteng Pilipino--upang ituloy ang laban ni Jesse: Ang laban para sa pananaig ng demokrasya, katotohanan, at katarungang panlipunan.

LEILA M. DE LIMA

Custodial Center, Camp Crame

18 Agosto 2018

News Latest News Feed