Press Release
September 13, 2018

Dispatch from Crame No. 382:
Pahayag ni Sen. Leila M. de Lima sa patuloy at lumulubhang pagtaas ng inflation

9/13/18

Imbes na tugunan ang lumalalang inflation o pagtaas ng mga bilihin sa bansa, heto na naman si Duterte, inililihis ang isyu sa ibang mga bagay na bunga ng kanyang paranoia at kakapalan ng mukha.

Imbes na tukuyin at tanggapin ang ugat ng problema na lalong nagpapabigat sa pasanin ng ating mga kababayan, puro palusot, puro sisi, puro yabang na naman itong si Duterte.

Malinaw: Isa sa mga dahilan ng patuloy na pagtaas ng inflation ay ang kagustuhan ng gobyerno na magpataw ng mga bagong buwis sa TRAIN Law, na sa simula pa lang, duda na tayong magdadala ng benepisyo sa mga maralita nating kababayan.

Saan nga ba napupunta ang pondong nakukuha sa pagpataw ng mas mataas na buwis, kung kalbaryo lang naman ang hatid nito sa maraming Pilipino?

Sa nilustay kayang pondo sa mga biyahe ng gobyerno sa ibang bansa na panay junket; sa pagpapalobo ng budget ng Tanggapan ng Pangulo at ng PCOO na nagagamit lang sa pagkakalat ng fake news, propaganda, at paninira sa mga kritiko; o sa programa nilang "Build, Build, Build" na Chinese contractors o subcontractors lang naman ang tunay na makikinabang? O kaya naman, ginagamit itong pasuweldo at insentibo sa mga death squad sa ilalim ng pekeng War on Drugs na pumatay na ng libu-libo?

Ginigisa ni Duterte ang taumbayan sa sariling mantika at nagsesebo na sa kakapalan ng mukha at pagpapataba ng bulsa ang mga tao niya sa gobyerno.

Si Duterte na mismo ang nagsabing bagsak-bagsakan siya sa economics noon. Pero hindi ibig sabihin, pati sa mga kabulastugan niya ngayon, pababagsakin na rin niya ang ekonomiya ng bansa.

Aminin mo na lang kasi na hindi mo kaya, Duterte, at mabuti pa, magresign ka na lang.

News Latest News Feed