Press Release
October 26, 2018

KAPAG GUSTO, MAY PARAAN; KAPAG AYAW, MARAMING DAHILAN

*Akbayan Senator Risa Hontiveros on Duterte's recent remark that his government is "helpless" in addressing inflation.

Hindi katanggap-tanggap ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang magagawa ang kanyang pamahalaan para tugunan ang problema ng taas presyo sa ating bansa. Hindi ito totoo. Nasa isang pambihirang posisyon ng kapangyarihan si Pangulong Duterte para gumawa ng mga konkretong hakbang para bigyan ng ayuda ang ating mga kababayan.

Sa totoo lang, maraming puwedeng gawin ang pamahalaan para bawasan ang paghihirap ng mamamayan. Ilan dito ay matagal ng tinutulak ng oposisyon, gaya ng mga sumusunod:

1. Suspindihin at i-review ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law
2. Ibaba ang Value Added Tax (VAT) sa 10%
3. Progresibong polisiya sa rice industry
4. Pabilisin ang infrastructure program at siguraduhing lilikha ng trabaho para sa manggagawang Pilipino
5. Itaas ang sahod ng mga manggagawa
6. Tuloy-tuloy na cash transfers sa 10 milyong pinakamahirap na pamilyang Pilipino.

Sa katunayan, ang plano ng pamahalaan na suspindihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN law ay rekomendasyon mula sa oposisyon, sa pangunguna ni Senator Bam Aquino. Ngunit bagama't tama, hindi ito sasapat kung gagawing papatse-patse ni Pangulong Duterte ang responde sa taas presyo. Kailangan na komprehensibo at desidido ang pagtugon.

Pero iba yata talaga ang prayoridad ni Pangulong Duterte. Kapag usapin ng patayan at paano dudurugin ang kanyang mga lehitimong kritiko at ang oposisyon, ang bilis kumilos ng buong makinarya ng gobyerno ni Pangulong Duterte. Ngunit kapag usapin na ng kabuhayan, taas presyo at ekonomiya, bukod sa makupad ang pagtugon ng gobyerno, ang bilis pang itaas ang puting bandila ng pagsuko.

Nasaan na ang tapang ng Pangulo kung walang matapang na aksyon at solusyon sa ekonomikong paghihirap ng tao?

Sabi nga, "kapag gusto, may paraan; kapag ayaw, maraming dahilan."

News Latest News Feed