Press Release
November 30, 2018

MENSAHE SA PAGGUNITA SA ARAW NI GAT ANDRES BONIFACIO

Kahirapan. Karahasan. Katiwalian. Pagkakait sa karapatan ng Pilipino at pang-aabuso ng gobyerno. Pagmamahal sa Inang bayan.

Ito po ang nagmulat at nagtulak kay Gat Andres Bonifacio para tumindig at lumaban sa mapaniil na pamahalaang Kastila. Sa halip na maging dahilan ang kahirapan para unahin lamang ang pansariling interes, o magpadala sa agos ng baluktot na kalakaran, hinangad ni Bonifacio ang tuluyang paglaya sa tanikala ng mga dayuhan upang makamtan ang katarungang panlipunan at pangmatagalang kaunlaran.

Hindi nagawang masilayan ni Gat Andres Bonifacio ang kalayaang kanyang ipinaglaban, kasama ang marami pang mga Katipunero at bayaning Pilipinong nagbuwis ng buhay at nanindigan laban sa pang-aapi ng mga dayuhan. Subalit tagumpay at katuparan ng kanilang mga pangarap ang pagtatanggol sa kalayaang ating tinatamasa sa kasalukuyan.

Kaya naman sa paggunita natin sa kanyang kadakilaan at kabayanihan, isabuhay natin, lalo na ng ating mga pinuno ang mga aral at paninindigan ni Bonifacio. Ang pagtulong sa mga maralita at api sa lipunan na makaahon sa kahirapan. Ang walang takot na pagbangga at pagpapanagot sa mga tiwali, gaano man sila kataas ang posisyon o kalapit sa nasa kapangyarihan. Ang paggalang sa buhay at karapatan ng mamamayan, anuman ang kanilang paniniwala o estado sa buhay. Ang pagtatanggol sa ating soberanya at pambansang dangal.

Ang hamon sa bawat isa: Ipagkakatiwala ba natin ang kinabukasan ng bansa sa mga nagbubulag-bulagan sa mga pagdurusa ng ating mga kababayan, ang kinukunsinte ang katiwalian sa gobyerno, at ang mga sunud-sunuran lang sa kapritso ng iisang tao? Hahayaan ba natin na kung sino pang mga pinuno ay sila pang nagtatraydor sa ating Inang bayan at ipinamimigay ang ating teritoryo?

Ayon nga sa tulang inakda ni Gat Andres Bonifacio, ang "Pag-ibig sa Tinubuang Lupa":

"Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala."

Isang mapagpalaya at makabuluhang pagdiriwang po sa ating lahat.

LEILA M. DE LIMA

PNP Custodial Center, Camp Crame
30 Nobyembre 2018

News Latest News Feed