Press Release
April 27, 2019

Dispatch from Crame No. 510:
Sen. Leila M. de Lima's Statement on the upcoming 13 May 2019 elections

Papasok na po tayo sa huling dalawang linggo ng kampanya at ng ating pagsusuri kung sino ang nararapat na pagkatiwalaan ng ating boto.

Nananawagan po ako sa ating mga kababayan: Magkaisa tayong ipagdasal ang ating bansa, at tulungang maimulat ang publiko, lalo na ang mga botante, sa tunay na karakter at kakayahan ng mga nagnanais na maglingkod sa taumbayan.

Ang parating po na halalan sa Mayo 13 ay napakahalagang yugto para sa ating kasaysayan, demokrasya, soberanya at pagpapahalaga bilang mga Pilipino. Hindi lang po mga pinuno ang pipiliin natin dito, kundi pati na rin ang kahahantungan ng bansa sa mga susunod na taon at dekada.

Pipiliin ba natin ang mga lider na imbes na makidalamhati at bigyang hustisya ang mga biktima ng War on Drugs, ay pumapalakpak pa at tila natutuwa sa araw-araw na pagpatay sa mahihirap at pagyurak sa karapatang-pantao? O kaya tumatahimik lang sa mga EJKs at karahasam na nagaganap?

Gusto ba nating pamunuan tayo ng mga naduduwag magsalita, tumindig at walang kibo lang sa pambabastos sa Diyos, sa Simbahan, sa mga Obispo, pari at sa mga kababaihan?

Susuportahan ba natin ang lumalapastangan sa ating Konstitusyon, ang ipinamimigay ang ating mga teritoryo, ipinagkakait ang kabuhayan sa ating mangingisda at ipinagkakaloob pa ang mga trabaho sa mga dayuhan?

Iboboto ba natin ang mga tiwali, sinungaling at mandarambong, silang mga nagnakaw at ninanakaw ang pondong mula sa ating buwis, na puwede sanang gamitin sa pagpapatayo ng mga paaralan at ospital, at sa rehabilitasyon ng mga komunidad na sinalanta ng kalamidad at winasak ng kaguluhan?

Ang atin pong boto ay boto ng ating konsensya. Huwag po tayong magpadala sa takot at panlilinlang, dahil patuloy lang silang magbabanta at aabuso. Sama-sama, muli po nating patunayan ang lakas ng nagkakaisang Pilipino, ang bukal ng kapangyarihan ng ating demokrasya at ng ating minamahal na bansa.

News Latest News Feed