Press Release
June 4, 2019

TALUMPATI SA PAGTATAPOS
- Sen. Chiz Escudero

Bilang panimula, pahintulutan po ninyong gamitin ko ang mga kataga ni Heneral Douglas McArthur nang siya ay magretiro sa paninilbihan sa kanilang sandatahang lakas noong 1951. Gamit ang saknong mula sa isang awit ng alamat, sinabi niya sa wikang ingles:

"Old soldiers never die, they just fade away..."

O sa wikang sariling atin, "ang tumanda nang mandirigma ay hindi pumapanaw, sila ay lumalayo o humahayo lamang."

Ginoong Pangulo, sa mga ginagalangan kong miyembro ng Senado, sa mga kapwa kong lingkod bayan, sa minamahal kong mga kababayan, magandang hapon sa inyong lahat!

Ginamit ko ang mga kataga ni McArthur dahil 'di man ako matanda na, ako ay isang tumanda na ring mandirigma. Hindi man sa larangan ng digmaan, kundi sa larangan ng pakikipag-laban sa kahirapan, pakikipag-laban sa pang-aapi at pang-aabuso, at pakikipag-laban sa kawalan ng kalayaan at katarungan. At tulad din po niya, sa pagtatapos ng aking paninilbihan bilang mambababatas, ako po ay lalayo at hahayo bilang isang mandirigma na sinikap lamang na gampanan ang kanyang tungkulin, gamit ang liwanag na kaloob ng Mahal na Diyos at ng sambayanan, upang makita at maisakatuparan ang tungkuling iyan.

Nandito po ako ngayon sa harap ninyo ng buong pagpapa-kumbaba subalit mayroon ding pagmamalaki nang may nadaramang kalungkutan at halong kasiyahan, at na may pagtanaw sa nakaraan habang naka-tingin sa hinaharap.

Ginoong Pangulo, ako po ay humaharap sa inyo ng may buong pagpapa-kumbaba dahil alam at kinikilala ko ang mga mas magaling, dalubhasa, tanyag at sikat na mga tao at apelyido na minsa'y tumayo o kasabay ko po ngayon na tumatayo na tiyak ko ay malayong higit pa sa aking pangalan at kakayahan. Subalit, sa kabila nito, ako ay nabigyan ng pagkakataon na ipagpatuloy ang sinimulan ng mga nauna sa akin at makasabayan ang mga kasamahan ko ngayon. Sa totoo lang po, ito na ang pinaka-mataas na halal na pwesto na narating ng aking apelyido at hindi ko po alam kung ito ay masusundan pa at, masundan man, kung kailan at gaano katagal pang muli.

Sa kabilang banda ako po ay nakatayo ngayon sa harap ninyo ng taas-noo. Taas-noo dahil ipinag-mamalaki ko na naging bahagi ako ng institusyon ng Kongreso ng Pilipinas. Isang institusyon na binubuo, hindi lamang ng mga mambababatas, kundi ng mga magigiting na lingkod-bayan. Mga lingkod-bayan na di man nabigyan ng titulong "kagalang-galang" ay tahimik at walang papuring gumigising ng maaga, nagtrabaho ng walang pag-aatubili o reklamo at binibigay ang kanilang buong pagkatao gamit ang nakaw na oras na ginugugol sana nila sa kanilang pamilya at mahal sa buhay. Kayo po ang hangin sa pakpak naming mga mambabatas, mga bayaning walang mukha o pangalan sa liwanag ng tagumpay at katanyagan, subalit nananatiling nandyan pa din at naninilbihan ng tapat at walang imik.

Karangalan ko po, ipinag-mamalaki at hindi ko po makakalimutan na nakasama, nakapiling at naka-trabaho kayong lahat! Utang na loob po namin sa inyo ano mang batas na aming napasa, tagumpay na aming nakamit o pagkilalang iginawad sa amin. Sa ngalan po naming lahat, ibinabalik ko po sa inyo ang mga pagkilala, tagumpay at papuring ito. Maraming maraming salamat po!

Ginoong Pangulo, ako po ay may nadarama ding kalungkutan dahil ako ay magpapa-alam na sa Kongreso! Makalipas ang dalawampu't isang taon - siyam na taon sa kamara de representantes at lambing-dalawang taon naman dito sa Senado. Ako po nalulungkot din dahil matapos kong maka-daupang palad ang karamihan sa inyo ng halos araw-araw ay hindi ko na po tiyak kung kailan ko muling magagawa iyon matapos ang araw na ito at sa totoo lang, kahit papaano, dahil mami-miss ko din po kayong lahat.

Subalit sa kabila ng kalungkutang ito, ako po ay may nadaramang kasiyahan. Kasiyahan dahil makalipas ang mahigit isang dekada, ako po ay uuwi na sa aking tahanan at lupang pinanggalingan. Mayroon pong ngiti sa aking mga labi dahil makalipas ang araw na ito, mas may panahon na po ako na makapiling ang aking mga kababayan na kailan man ay hindi naging mapang-husga bagkus ay palaging nagtiwala at naniwala sa kabila ng lahat ng unos at pagsubok na aking pinagdaanan.

At panghuli, Ginoong Pangulo, ako po ay naririto ngayon ng may pagtanaw sa nakaraan. Isang nakaraan na tumagal ng higit na dalawang dekada. Dalawang dekada kung saan nakita at naging bahagi ako ng una at kaisa-isang Kongreso na: nagkaroon ng tatlong Speaker sa loob ng tatlong taon, nag-impeach ng pangulo, nagtangka at aktwal na nakapag-impeach ng punong mahistrado, dinaanan at nilampasan ang pangalawang EDSA, inusig at tinugis ang nakaupong pangulo para sa pandaraya, pagsisinungaling at pagnanakaw, nakita ang panunungkulan ng apat na Pangulo mula sa magkabilang panig ng pulitika, nagpasa ng mga mahahalaga at makabuluhang batas na nakapagpa-bago sa buhay, kapalaran at kinabukasan ng marami sa ating mga kababayan, at nasubay-bayan ang unti-unting pag-usbong ng kamalayan ng sambayanan tungo sa dapat niyang paroonan bilang isang ganap na mamamayan at Pilipino.

Kasabay po ng pagtanaw na iyan sa nakaraan, ako din po ay nagsasalita ngayon ng may pagtingin sa hinaharap dahil buo ang aking paniniwala sa pangako na taglay ng bawat pagsikat ng araw. Isang pangako na puno ng pag-asa at paniniwala na malalampasan natin ano mang hamon na maaaring ibato sa atin ng tadhana. Isang pangako na makakamit din natin, bilang isang bansa at isang lahi, ang ating mga mithiin at dalangin lalung-lalo na para sa ating salinlahi.

Ginoong Pangulo, ginamit ko po bilang panimula ang mga kataga ni McArthur kaya sana ay hayaan din po ninyong gamitin ko ang kanyang mga kataga sa aking pagtatapos. Matapos niyang lisanin ang dalampasigan ng Corregidor, sinabi niya ang mga katagang ito noong 1942 na tunay naman talagang kanyang tinupad makalipas ang kulang-kulang tatlong taon bago magtapos ang taong 1944 sa kanyang paglunsad sa baybayin ng Leyte. Sa wikang ingles ang sinabi niya ay:

"I shall return..."

Ginoong Pangulo, I shall return... ako ay babalik!

Hindi ko po alam kung ano ang nasa aking kapalaran at mas lalo ko pong di tanto ang mangyayari sa hinaharap - kung kaya't di ko masasabi ng may katiyakan na sa pagsambit ko ng mga katagang "ako ay babalik," na ito ay tumutukoy sa muli kong pagbabalik sa bulwagang ito. Dahil ang paninilbihan sa isang halal na pwesto ay kaloob ng Diyos at pasya ng mas naka-rarami sa ating mga kababayan at di ng iisa o ilang tao lamang.

Ginoong Pangulo, ang kaya ko po lamang sabihin ng may katiyakan ay ito: Ako po ay babalik. Ako po ay babalik na sa aking pinaka-mamahal na lalawigan. Ako po ay babalik na sa Lupa na aking tinubuan at pinanggalingan. Ako po ay babalik na sa lugar kung saan una akong nabigyan ng pagkakataon at tiwala na manilbihan bilang lingkod bayan. Ako po ay babalik na sa minamahal kong mga kababayang Sorsoganon hindi upang paglingkuran nila kundi para sila lamang naman ngayon ay aking mapaglinkuran.

Ginoong Pangulo, mula pa sa pagkabata ay hindi ko na po nagustuhan ang mga pagpapaalam lalo na sa aking pamilya at mahal sa buhay, at sa mga taong napamahal na sa akin, kaya imbes na mamaalam ako at sabihing "paalam," sa inyong lahat, ang sasabihin ko na lang po ay: "Hanggang sa muli nating pagkikita."

Maraming salamat po at magandang araw muli sa inyong lahat!

News Latest News Feed