Press Release
August 15, 2019

MENSAHE NI KGG. VICENTE C. SOTTO III SA PAGBUBUKAS NG FILIPINO ITO! EKSIBIT SA WIKA AT KULTURA
14 Agosto 2019, 1:30nh-2:30nh
Senado, Lungsod Pasay

Binubuksan natin sa hapong ito ang eksibit na Filipino Ito! bilang pakikiisa ng Senado sa Buwan ng Wikang Pambansa na may paksang "Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino."

Ngayong Buwan ng Wika, hindi lang ang wikang Filipino ang ipinagdiriwang natin kundi ang Isang Daan at Tatlumpu (130) na katutubong wika na matatagpuan sa buong bansa. Patunay ito na matagal na nating ibinukas and wikang Filipino sa mga ambag na katangian at talasalitaan mula sa mga katutubong wikang ito.

Dapat tayong manguna sa paghimok at pagtulong sa ating mga kababayan sa pagtataguyod nila ng sariling wika. Kailangan nating ipaalala sa ating mga kababayan at sa ating mga sarili na mahalaga ang ating katutubong wika, sariling wika at ang wikang pambansa dahil ito ang magbubuklod ng ating bansa.

Nagpapahayag din ako ng suporta sa Komisyon ng Wikang Filipino at sa kinakailangang pagpapalakas ng batas ng ahensiyang ito. Alam po natin ang naganap kamakailan na "pagbaba" ng pagtuturo ng wika at panitikang Filipino sa mataas na paaralan. Asahan po ninyo na kaisa kami sa hangaring mapalakas ang batas na lumikha sa Komisyon sa Wikang Filipino - upang matiyak ang patuloy na pag-unlad ng mga katutubong wika at ng wikang Filipino. Ating libutin ang eksibit na ito, Sa ating paglalakad sa payyo ng mga Ifugaw o pagtakam sa sutukil ng mga Sebwano, matanto nawa natin ang tunay na diwa ng pagtataguyod ng ating sariling mga katutubong wika. Kaya mga kababayan, buong paqmamalaki ko pong inaanyayahan ang bawat isa na tuklasin ang ating wika at kultura dahil Filipino Ito! Maraming salamat!

News Latest News Feed