Press Release
December 2, 2019

SENATOR WIN GATCHALIAN'S PHONE PATCH INTERVIEWS WITH DOBOL B WITH MIKE ENRIQUEZ

Q: Nagpahayag po ng kanilang pangamba na posibleng makontrol ng China ang larangan ng kuryente dito. Ang sabi po ni Senador Gatchalian, dapat gawin ang tinatawag na usapin sa pambansang seguridad o national security. Nagkaroon na rin ng babala si DOE Secretary Alfonso Cusi na kaya raw ng China na patayin ang daloy ng kuryente sa Pilipinas ng remote. Ibig sabihin, kahit wala silang tao rito, dun sa China ay may mga gamit sila - computer, satellite o kung anuman yun. Pwede nilang patayin ang kuryente natin.

Nasa linya ng telepono si Senador Sherwin Gatchalian.

SEN WIN: Magandang umaga, Mike. Magadang umaga sa ating mga tagapakinig. Siguro ang pinkamahalagang tanong ay kung meron na bang ganitong technology na pwedeng patayin ang ating kuryente remotely o nasa ibang bansa. Ang sagot dyan ay kaya na, dahil nga may mga ganitong teknolohiya na ginagamit na sa ibang bansa at ako rin ay nagtanong-tanong na rin sa mga eksperto na engineers, ang sabi nila ito ay ginagawa na sa ibang bansa.

Ang next question is, gagawin ba ito sa ating bansa considering na 40% ay pagmamay-ari ng State Leader ng China. Ito ay isang tanong during sa hearing natin at importante na makita natin yung banta sa ating seguridad pagdating sa transmission line. Dapat maintindihan ng ating mga kababayan na iisa lang ang transmission line sa buong Pilipinas na nagta-transmit ng kuryente from Luzon, Visayas to Mindanao. Kaya't mahalaga itong transmission line na ito dahil iisa lang.

Q: Ang transmission line po ang nagdadala ng kuryente mula sa mga planta papunta sa mga bahay, gusali at establisimyento, tama po ba Senator?

SEN WIN: Tama po yun. Ito yung transmission line na nagdadala ng daloy ng kuryente galing sa mga planta papunta sa ating mga tahanan at negosyo.

Q: Sabi nyo po, ginagawa na nila ito sa ibang bansa? Paano ginagawa yan? Anong mga bansa ito kung saan nakokontrol na po ng China ang kanilang kuryente?

SEN WIN: Itong teknolohiya na ganito ay ginagamit hindi lang ng China kundi ng iba pang mga transmission corporation dahil nga ang bansa ay napakalawak at kakailanganin ng remote control o remote system para makontrol ang mga ganitong transmission lines so yung teknolohiya ay available na Mike. Ito ay ginagamit na sa ibang bansa.

Ngayon, ang gusto nating malaman ay kung may banta ba sa ating seguridad? Ang transmission line. Ito ang aming pag-uusapan ngayon dahil dapat nating bigyang-diin na napakahalaga nitong transmission line dahil iisa lang ito at kung may hindi gagawa ng maganda, lahat tayo ay mawawalan ng kuryente.

Q: May nabasa po ako na nagsabing kahit kayang gawin yan ng China, hindi nila gagawin yan kasi kapag ginawa nila 'yan, matindi ang magiging balik sa kanila hindi lang ng Pilipinas kundi pati sa ibang bansa? Ano po ang pananaw nyo rito?

SEN WIN: Para sa akin, ang pinakamahalaga ay ano ang ginagawa natin para hindi gawin sa atin yan dahil importante rin na may hakbang tayong ginagawa para hindi mangyari yun at meron tayong safeguards. Ito yung mga mekanismo para maprotektahan ang mga interes natin. Nagkaroon ng malaking usapin dahil natuklasan namin na hindi naa-audit itong NGCP. Matagal nang hindi nakakapasok ang kawani ng DOE at kung hindi tayo gagawa ng audit, kung hindi tayo gagawa ng mas malalim na pagsusuri nitong transmission line natin, hindi natin malalaman kung ano ang mga nakakabit dyan kung kaya't isa rin ho sa aming imamandato sa DOE ay gumawa ng mas malalimang audit, teknikal at iba pa para malaman natin na walang banta sa ating bansa.

Q: Sino po ang magsasagawa dapat ng audit na yan?

SEN WIN: Dalawang ahensya ang magsasagawa niyan. Unang-una, ang Transmission Corporation (TRANSCO) at pangalawa ang DOE.

Q: Ang NGCP, pribadong korporasyon yan di ho ba?

SEN WIN: Opo.

Q: Sabi niyo ho ay may pagdinig? Sino-sino ang ipapatawag niyo sa pagdinig na pinatawag at kailan po gagawin yan Senador?

SEN WIN: Ang unang-unang personalidad na iimbitahan natin ay ang national security adviser natin dahil napakahalaga ng kanyang boses at ng kanyang pag-aanalisa dito sa sitwasyon na ito. Pangalawa ang DOE. Pangatlo ang NGCP at TRANSCO.

Q: Papaano ho kung lumabas nga na banta yan sa seguridad ng Pilipinas? Anong pwedeng gawin diyan? Patatalsikin ba natin ang 40% ng mga Tsino? Baka naman mabulabog ang ibang mga mamumuhunan dito sa Pilipinas at sabihin nilang naku, kapag pinakailaman pala tayo ng gobyerno ay baka pati tayo ay mapaalis dyan?

SEN WIN: Uunahin nating tignan kung ang mga mekanismo para maprotektahan ang ating mga interes ay nai-implement at doon po sa franchise at safety agreement, may mga safeguards po doon at sisiguraduhin natin kung ito ay nai-implement dahil importante ang national security natin. Ito ang dapat manguna, pangalawa na lang po ang commercial interests at pagnenegosyo. Importante na ang pangunahing interes natin ay proteksyunan ang ating mga kababayan at pangalawa na lang dapat ang pagnenegosyo.

Q: Kasama ba diyan ang pwede nilang impluwensyahan ang presyuhan ng kuryente sa sinisingil nila sa paghatid ng kuryente mula sa mga planta papunta sa mga bahay at iba pang establisimyento?

SEN WIN: Pwede mangyari yan dahil sila rin po ay may karapatan na mag-charge sa atin kung magkano ang kanilang kakailanganin. For example, kung kakailanganin nila ng ilang bilyong piso para ma-operate itong linya na ito, pwede nilang ipasa sa atin at ito, pero kailangan pa rin suriin at aprubahan ng ERC. Sa madaling salita, pwedeng manyari yan pero may isa tayong ahensya na sinisigurado na protektado ang interes ng ating consumers pagdating sa presyo.

Q: May petsa na ba kayo ng hearing?

SEN WIN: Ang target naming ay second to third week of December.

Q: Aabutin na po kayo ng Christmas break ninyo.

SEN WIN: Correct kaya nga minamadali dahil may mga budget pa kami na pag-uusapan at sinusubukan po namin na makompleto ho lahat ng aming impormasyon para maganda ho ang kalalabasan ng hearing.

Q: Maraming salamat ho sa pagtanggap niyo sa tawag naming at sa pagsagot sa mga tanong at kung kinakailangan, ay tatawagan ho namin kayo ulit para magkaroon tayo ng paliwanagan tungkol sa issue na ito.

News Latest News Feed