Press Release
December 8, 2019

SENATOR WIN GATCHALIAN DZRH INTERVIEW WITH MILKY RIGONAN ON MANILA WATER & MAYNILAD CONCESSION AGREEMENT, ALS, PISA AND HS FOR SPORTS

MANILA WATER AND MAYNILAD CONCESSION AGREEMENT

Q: Other news na lang Senator, merong mga panawagan na repasuhin ang concession agreement ng Manila Water at Maynilad.

SEN WIN: Ang puno't dulo nito ay, kung matatandaan natin, mga four or five years ago, itong mag concessionaires ay ipinapasa ang corporate income tax sa mga consumers. Para sa akin, unfair poi to dahil nga kahit mga maliliit na negosyo gaya ng maliit na salon o tindahan, kung ang sales mo ay mataas, magbabayad ka ng income tax. Ang maliliit na negosyo nga ay nagbabayad ng income tax, yan ay obligasyon mo bilang isang negosyante. Ngunit dito sa concession agreements ay ipinapasa ho ito sa consumers so ang concessionaires, kukuha sila sa atin ng pera sa pamamagitan ng pagbebenta ng tubig at ginagamit yun sa pagbayad ng obligasyon, ang corporate income tax which is unfair naman dahil halos wala ka nang babayaran sa gobyerno. Dapat ho i-renegotiate at gumawa ng mga hakbang legal para maging fair ang concession agreement. Itong dalawang concessionaires ay binigyan natin ng pribilehiyo para mag-supply sa atin pero may obligasyon rin sila na magbayad po ng corporate income tax.

Q: May kakayahan ba ang gobyerno to take over na lang sa ganitong public utilities?

SEN WIN: Kung kakailanganin ho talaga, kaya naman ho i-take over yan. Dati ay gobyerno naman ang nag-ooperate ng mga yan. Ang pinakamahalaga ay wag nang maulit itong one-sided na kontrata at maimbestigahan kung sinong mga taong involved kasi dalawa yan, may mga kawani ng gobyerno na pumayag sa ganitong hindi tamang kontrata at sa pribadong kompanya naman, may mga tao rin na nakipagsabwatan dito. Kaya dapat imbestigahan rin at maparusahan ang mag taong nakipagsabwatan para pumasok sa ganitong lopsided na kontrata.

Q: Ang sabi nga ng Pangulo ay dapat patawan sila ng economic sabotage.

SEN WIN: Oo like I said, ultimo yung pinakamaliit na negosyo, nagbabayad ka ng corporate income tax so ibig sabihin wala na silang binabayaran. Kasi ang tax na binabayad nila ay galing sa ating mga consumer.

Q: At ang daming hidden charges.

SEN WIN: Yes, kaya nga po ang nangyari noong mga nagdaang taon, hindi na pinayagan ng gobyerno na taasan ang kanilang sinisingil sa atin dahil ang sabi ng ating mga regulator ay wag mong ipasa sa amin ang corporate income tax niyo dahil siningil mo na yan noong unang panahon kung kaya't nagkaroon ng arbitration case.

PROGRAMME FOR INTERNATIONAL STUDENT ASSESSMENT (PISA) RESULT

Q: Magandang umaga sa'yo, Senator Sherwin Gatchalian. Papaano ho ang gagawing reporma ng ating concerned government agencies lalo na po ang DepEd sa naging resulta ng pagsusuri ng PISA?

SEN WIN: Good morning. Unang-una sa lahat, ito ang kauna-unahang pagsali natin sa PISA o Programme for International Student Assessment at ito ay isang international assessment na napaka komprehensibo at may pagka-komplikado rin sya. Ito ay magandang hakbang para sa atin para makompara natin ang ating mga sarili sa ibang bansa at malaman din natin kung anong ginagawa ng iba. Yung best practices ay napakalaking bagay yan para sa ating improvement at nakakalungkot dahil kahit na ini-expect natin na mababa tayo, yung National Achievement Test natin, dalawang taon ng nakaraan noong nag hearing tayo sa Senado, nasabi natin na dumudulas tayo sa grado ng NAT. Pagdating sa elementarya, nasa 50% na lang tayo, pagdating sa high school, nasa 40% na lang tayo at pababa kaya naalarma na ho tayo at nasabi natin ito sa DepEd. Pero hindi ko aakalain na tayo ang magiging huli sa PISA out of the 78 countries. Kaya ang unang hakbang ay dapat i-recognize natin na may problema kasi may mga pagkakataon na in denial pa tayo at maraming dahilan.

Ang kagandahan naman sa DepEd, nire-recognize nila na may problema tayo at hindi sila gumagawa ng dahilan. Handa sila na harapin ang problemang ito at gumawa ng mga solusyon. Ang pangalawa nating dapat gawin ay maghanap ng solusyon at i-implement. Maghanap tayo ng pwedeng solusyon at i-implement ng mabilisan. Isa sa mga lumalabas na problema natin sa ating bansa ay ang curriculum natin, masyadong masikip at masyadong maraming itinuturo sa bata. Dahil dun, ang bata ay hindi naa-absorb, kumbaga may absorption capacity rin ang isang tao at hindi naa-absorb ng lubusan ang itinuturo sa kanya kaya pagdating sa exam, mababa ang kinalalabasan.

Q: So ang ibig sabihin po ba nito ay isusulong mo ang repaso sa curriculum ng DepEd?

SEN WIN: Isa sa mga pag-uusapan natin sa committee ay ang resulta ng PISA. Iimbitahan natin ang maraming eksperto, kailangan natin ng iba't-ibang eksperto rito upang makapagbigay-linaw sila sa pag-aanalisa. Dapat gumawa tayo ng mga bagay na ma-improve agad, ito ang tinatawag nating low hanging fruits na kapag inimplement natin ay mabilis ang positive results. Pangalawa, ay ang teacher's training. Yung pagbibigay pokus sa mga guro natin, hindi lang sa sahod kung hindi ay ang kanilang training at improvement of skills. Malaking bahagi ng problema natin ay ang kakulangan sa suporta para sa ating mga guro. Isa ito sa mga bagay na dapat nating bigyang-diin.

Q: So kailangan din ng retooling ng ating mga teacher Senator Win?

SEN WIN: Correct. Yun ang tamang term na ginagamit ng DepEd--retooling, reskilling, upscaling.

Q: Kung napaaga ba itong resulta ng PISA, pwede bang hindi muna isulong ang K-12? May impact ba itong result ng PISA sa on-going implementation ng K-12 ng DepEd?

SEN WIN: Ako, hindi ako naniniwala na kailangang bumalik sa 10-year schooling. Noon pa man, nung tayo ay nasa 10-year schooling, mababa na ang ating NAT so kung babalik man tayo doon, hindi nito malulutas ang problema natin sa kalidad ng edukasyon. In fact, itong K-12 ay ginawa para ma-decongest ang curriculum, para lumuwag. Hindi lang nagagawa, kaya nga isa sa mga napagtanto namin ay ang decongestion ng curriculum, pero dahil nga sa K-12 kaya hindi nagagawa.

Malaking reporma ang gagawin natin sa curriculum. Dapat ito ho ay maumpisahan kaagad at isa po sa lumabas sa mga konsultasyong ginagawa natin ay i-decongest lang natin ang curriculum natin, paluwagin natin ang curriculum natin ay malaking bagay na yan dahil magkakaroon na ng panahon ang ating mga guro. For example, Math - instead of one hour gawing one hour and a half, malaking bagay na yan dahil ang mga guro ay hindi na magmamadali at ang mga estudyante, maabsorb kaagad ang mga itinuturo sa kanila. So yung ganitong mga policy adjustment at policy reform, kakailanganin natin para mag-improve ang performance ng ating mga estudyante.

Q: Dapat din ho tutukan kasabay diyan ay ang pagbibigay ng proper nutrition sa mga mag-aaral natin. Karamihan sa mga nag-aaral sa public schools, karamihan dyan ay kumakalam ang sikmura. Malaking factor ang hindi nila naa-absorb ang itinuturo sa kanila dahil wala pa silang kinakain.

SEN WIN: Tama, kapag ang isang tao ay kumakalam ang sikmura, hindi mo maa-absorb talaga ang itinuturo. Malaking bagay din ho ang nutrition, hindi lang pagkain kundi ang nutrisyon ng bata ay napakahalaga. Ang kanyang kalusugan ay mahalaga rin, kung ang isang bata ay may bulate, kuto - nakakaapekto talaga ito sa bata. Kaya't maraming local na pamahalaan, ang kanilang tinututukan muna ay ang kalusugan ng bata, may mga deworming, nagbibigay ng gamot sa kuto. Yung katagang it takes a village to raise a child, napakahalaga nito dahil hindi lang ito trabaho ng DepEd, trabaho rin ito ng magulang, ng lokal na pamahalaan, ng komunidad at mga negosyante. In fact, sa Valenzuela ay pinaupo naming ang mga negosyante sa School Board at sinasabi namin na kung magaling ang ating mga estudyante, kayo rin ang makikinabang dito kaya kailangang magtulong-tulong tayo. Ito ay isang mahalagang katotoohan hindi lang sa DepEd kundi para sa buong bansa natin at ating komunidad.

ALTERNATIVE LEARNING SYSTEM (ALS)

Q: Isa pa sa na nakakaalarma ay ang 24 million na wala pang basic education at nakatutok ka yata rin sa alternative learning system o ALS?

SEN WIN: Yes, nakakaalarma. Biro mo dun sa isang pagdinig natin, lumalabas na 24 million ang hindi nakapagtapos ng high school o wala silang any formal education. Sa panahon ngayon, kailangan na talaga ng mga college diploma or vocational certification. Kung ikaw ay hindi nagtapos ng highschool, ang trabaho at sweldo mo ay mababa lang at hindi rin yan magiging maganda para sa kinabukasan ng ating bansa. Isa sa mga itinutulak natin ay ang ALS para mabigyan natin ng pagkakataon ang mga hindi nakapagtapos na magkamit ng equivalency ng high school at pwede silang mag patuloy ng pag-aaral sa kolehiyo o magpa-certify sa techvoc.

Q: So paano ang proseso ng ALS natin Senator?

SEN WIN: Lahat ngayon ng lokal na pamahalaan at DepEd schools, meron tayong ALS, pwede silang pumunta doon, at mag-enroll. Ten months yun at meron silang equivalency test. Ibig sabihin, kung ikaw ay kumuha ng test, equivalent yan sa isang high school diploma. Hindi lang ang equivalency ang mahalaga rito, tuturuan ka ring magbasa dahil lumalabas rin ho sa statistical data, na halos 24 million ng mga kababayan natin ay hindi marunong magbasa at magsulat. Malaking hamon ito dahil importante ang literacy sa tao at kasama yan sa ALS.

Q: 24 million pa ng mga kababayan natin ang walang formal education.

SEN WIN: Correct. Kung iisipin mo, may katotohanan to dahil marami tayong mga kababayan na nasa bundok, nasa isla, mga liblib na lugar na hindi maabot ng mga eskwelahan kaya ang unang mekanismo rito ay mabigyan sila ng ALS.

PHILIPPINE HIGH SCHOOL FOR SPORTS

Q: Ang ating Team Philippines ay maganda ang performance sa 30th Southeast Asia Games at mukhang mas inspirado kang isulong itong High School for Sports?

SEN WIN: Correct, nasa momentum tayo ngayon. Makikita natin na magagaling ang mga atletang Pilipino natin, may potential tayo hindi lang sa ASEAN kundi pati sa buong mundo. Dahil nga naipatayo na itong napakagandang facility sa New Clark City, itong world class facility, gamitin natin sa pagsasanay ng mga kabataan natin. Isa sa mga proposal natin at gusto ko rin hong magpasalamat kay Sen. Bong Go na maipatayo itong Philippine High School for Sports para ho mag-umpisa sa murang edad ang pagsasanay sa ating mga atleta. Magkakaroon ho tayo ng grassroots training para sa ating mga kabataan. Kung ikaw ay highschool at kapag ikaw ay potential athlete, dadalhin ka sa Philippine High School for Sports, iti-train ka doon, bibigyan ka ng tamang pagsasanay, tamang nutrisyon, tamang pag-aaral para pagdating ng panahon ay pwede kang sumabak sa pandaigdigang labanan. Ang pinakamahalaga dito ay ang pagsasanay na ibibigay sayo.

Q: Sana ay matagal na natin itong isinulong Senator dahil marami tayong potential sa iba't-ibang larangan ng sports. Di ba sa ibang bansa, kapag nakita nila gradeschool na magaling sa swimming, tini-train na yan para may mga future athlete silang isinasabak sa Olympics, ASEAN games, etc.

SEN WIN: Tama. Kasama talaga sa national building ang sports development, nagbibigay yan ng national pride sa ating bansa. Ngayon sa SEA Games, mayaman o mahirap ay nagkakaisa tayo at sinusuportahan ang ating mga atleta. Kaya maganda na magkaroon tayo ng Philippine High School for Sports para ipagpatuloy ang pagsasanay sa ating mga atleta. Dahil nariyan na ang pasilidad sa New Clark City dapat magamit yan ng tama. Kung gusto natin ng world class athletes, dapat meron din silang world class training facilities at world class experience dahil kapag meron sila nun, pagdating nila sa ibang bansa, may kompyansa silang labanan ang ibang atleta. Ang kulang na lang diyan ay classrooms, may dormitory na, may track and field, swimming, ang kulang na lang ay classrooms at yun ang kakailanganin nating ipatayo sa susunod para habang nag-aaral ang bata, nakakapagsanay din sa kani-kanilang mga sports.

Q: Meron ka bang nakikitang figure, magkano ang ilalaan sa pagtatag ng Philippine High School for Sports?

SEN WIN: Hindi na ganun kalaki, estimate lang naming para makompleto is another P1 billion kasama na rito ang classrooms at iba pang sports facilities. Importanteng makompleto ito para sa pagsasanay ng ating mga atleta.

Q: Kaya bang ihabol ang P1 billion pesos para sa Philippine High School for Sports sa on-going deliberation budget sa bicam?

SEN WIN: Kaya naman, dahil may commitment ang BCDA na sila po ay maglalaan po ng pondo para magpatayo ng High School for Sports. Napag-usapan namin ito sa hearing at gusto rin nilang i-sustain ang momentum at ang sports development program.

News Latest News Feed