Press Release
April 5, 2021

Net25 Pambansang Almusal Interview ni Sen. Win Gatchalian kasama si Wej Cudiamat ukol sa COVID 19 updates, Prioritization ng mga guro sa pagbabakuna at bill shock

Q: Anu-ano ho ang mga panukala ninyo lalo ngayong nasa ilalim na naman ng ECQ itong NCR plus bubble, anu-ano hong mga panukala ninyo para mapababa natin ang matataas na kaso ng COVID 19?

SEN. WIN: Actually, itong nararanasan natin ngayon, sa aking obserbasyon ay hindi ECQ kung hindi MECQ. Dahil kagaya dito sa amin sa lungsod ng Valenzuela, pinapayagan naman ang mga negosyo na mag-operate. Pero susundan nila ang kapasidad. So wala hong negosyo dito na naisara kung hindi bagkus ay pinayagan po na mag-operate basta huwag lang magsiksikan. Magandang balanse na rin dahil pag nag-ECQ, marami talaga tayong mga kababayan na nawawalan ng trabaho. May mga kababayan tayo na kumikita kada araw, for example po, yung mga barbero, mga tao sa salon, mga nagtitinda po sa ibang tindahan. Noong unang panahon po, noong isang taon ay sarado talaga lahat pero ngayon pinapayagan pero konti na lang. Sa gayunpaman, nakita ko ay isang mahalagang pagbabalanse. At importante rin na tinitignan natin ang hanapbuhay po ng ating mga kababayan. Pero ganunpaman, kailangan tinitignan din natin ang pagdidisiplina sa ating sarili at sa ating mga kababayan. Nakita ko ho, isa sa mga mahalagang sangkap pagdating po sa paglaban sa COVID ay ang pagdidisiplina. Huwag na po antayin na tayo ay mapagalitan, o hulihin,ay sumunod na lang ho tayo pagdating po sa paglaban sa COVID.

Q: Senator, medyo punuan na po talaga itong mga ospital at may mga report na halos umabot na ng 200 percent capacity. Ang problema ho ngayon Senator, may mga pasyente daw ho na pinagbabayad ng P1,000 sapagkat andun sila sa mga tent ng ospital sapagkat hindi raw ito sakop ng Philhealth, eh kawawa ho ang ating mga kababayan.

SEN. WIN: Ito nga para sa amin, isang insensitive po na pinapakita ng Philhealth dahil hindi naman ho kagustuhan ng tao na tumuloy po sa tent dahil nga sa sobrang puno na sa mga ospital. Dito nga lang po sa amin sa Valenzuela, kahapon tsinek namin ang mga ospital, puno pa rin hanggang ngayon, wala pong choice ang mga pasyente kung hindi pumasok muna sa isang tent. Pero kahit na tent po ito, nagcha-charge pa rin po ang mga ospital dahil may mga doktor, may kuryente, may gamot na ibinibigay. So ang ibig sabihin po dito ang Philhealth ang dapat mag-adjust, hindi naman po kasi gusto ng mga tao na mapunta sa tent o manatili sa tent. Ang importante po dito ang Philhealth, mag-adjust po sila. Saluhin po muna nila ito kahit tent. At yan po talaga naman ang diwa ng Philhealth na lahat tayo ay magkakaroon ng isang insurance na lahat tayo ay may kakayahan na magbayad sa anumang pangangailangan nating pang-medikal.

Q: Senator, puntahan natin ngayon ang mga guro, sa kasalukuyan nasa B1 category ang mga teachers, ang isinusulong ninyo na maiakyat sila na maging A4 priority list para kahit paano ay mabakunahan na rin po itong mga teachers natin laban sa COVID 19. Ano po bang mga kategorya ang mga ito? Yung A1, A4, B1 na mga category na mga ito?

SEN. WIN: Kung meron po tayong medical frontliners, kung meron tayong economic frontliners, meron tayong education frontliners. At alam naman natin na napakahalaga po ng edukasyon kahit na ganitong pandemya, importante po na natututo ang kabataan, hindi pwedeng huminto yung ang kanilang pag-aaral dahil mahihirapan ho silang bumalik sa pag-aaral at marami sa kanila ay mahihirapang tumawid from high school to college. Kaya importante po na tuloy-tuloy ang kanilang pag-aaral kaya sa ganitong punto, hindi makakapasok ang ating mga mag-aaral kung ang guro ay takot sa pandemya. Kaya importante na mailagay sila sa priority list at mabakunahan na agad. Marami sa ating mga guro ay nakakausap ko, handa na pong magpabakuna, handa na silang magturo, handa na silang magbukas ng klase dahil alam nilang napakahirap nitong distance learning dahil hindi naman po lahat ay mayroon pong internet access.

Q: Totoo po yan, Senator. Kahit ang mga guro ay umaaray na talaga sa Online Learning at hirap na hirap na po sa adjustment. Maganda po itong inyong isinusulong kahit paano ay may boses itong mga taga-pagturo sa Senado, may nakikinig po sa kanila.

SEN. WIN: Correct, importante po marinig. At ako po patuloy po tayong nakikipag-ugnayan kay General Galvez, sila po ang grupo na nagde-determine kung sino po ang nasa priority list kaya patuloy po ang aking pakikipag-ugnayan sa kanila para po mailagay sila sa priority list at maganda naman ang aming pag-uusap at bibigyan tayo ng linaw siguro sa mga susunod na araw na darating.

Q: Speaking of teachers, Senator. Mainit po ngayon ang usapin na sinasabi nating 'Sagot for sale', ano ho bang magiging solusyon natin kung saka-sakali, lantaran na po ito eh.

SEN. WIN: Oo nga, lantaran na nga ito. Patuloy nating pinaalalahanan ang ating mga magulang na ang lugi dito ay ang kanilang mga anak. Mukhang nadadalian nga dahil nasasagutan pero wala namang natututunan at kawawa po ang kanilang mga anak kaya patuloy nating paalalahanan po ang ating mga magulang na itong 'Sagot for sale' ay hindi ho ito nakakabuti sa kanilang mga anak. Importante rin na maituro sino ang mga gumagawa nito para po maimbestigahan na mabuti at kung sino po ang gagawa pwede po maparusahan sila dahil lumalabas po na misrepresentation ang ginagawa nila. So meron kaukulang parusa po ito at hindi ho dapat payagan o hindi ho dapat balewalain dahil kawawa po ang mga bata na hindi po natututo sa mga ganitong paraan.

Q: Magsasagawa po ba kayo ng imbestigasyon tungkol dito?

SEN. WIN: Ito ay minomonitor naming mabuti at kung kakailanganin po ay magpapatawag po kami ng isang imbestigasyon para po malaman natin kung anong ginagawa ng ating pamahalaan para mapigilan itong 'Sagot for Sale'.

Q: Senator, maitutok ko na rin po sa inyo ang tanong na ito, delayed daw po ang sweldo ng media workers diyan sa DepEd TV.

SEN. WIN: Marami po akong kakilalang nagta-trabaho sa DepEd TV, mga personalities po, mga TV personalities at sila po ang nagpapatunay na delayed po talaga. Ang tagal na. Siguro mga apat na buwan nang delayed kaya kakalampagin po namin ang DepEd dahil ito ay may budget. Hindi naman sa walang pondo ito kaya nagtataka kami paano po na-delay at paano po hindi nabigyan ng pansin ang kanilang sweldo. Actually ang mga TV personality sabi nila kami okay lang, eh paano naman ang mga utility, cameramen, yung mga tumutulong, yung mga behind the scenes. Ito ang mga pang-araw-araw ang kanilang kita kaya ho gagawin namin lahat ng aming makakaya para po lumabas na ang kanilang sweldo at matapos na itong problema.

Q: Saan po kaya nanggagaling ang problema, Senator? Hindi namin maintindihan kung bakit nagkakaroon ng delay.

SEN. WIN: Meron namang pondo, hindi sa walang pera. Tingin ko ho ay kulang lang ito sa pagtutok dahil sa ating bansa talagang sakit pa rin po ang tinatawag nating red tape. At kaya ho dapat tutukan ito at ito po ay isang bagay na binibigyan namin ng pansin.

Q: Senator, speaking of that, importante po sa panahon ngayon, ang ating mga kababayan ay dumadaing na po. Wala na pong pambili ng pagkain, wala na pong pambili ng pangangailangan sa araw-araw, kailangan na ng ayuda, eto pa dagdag pa sa sakit ng ulo ang bills. Senator, mukhang magkakaroon na naman tayo ng bill shock. Kawawa naman ang mga pobreng mamamayan.

SEN. WIN: Correct. Yung Meralco, marami na po silang natutunan dito sa ECQ at MECQ at dapat po wag na magkaroon. Kung matatandaan natin, nagkaroon ng bill shock dahil sa pagkukulang ng Meralco dahil magulo po ang kanilang billing na inilagay pero naglabas na po ng pahayag ang ERC na pinapayagan nila na ipagpatuloy ang pagbabasa ng metro. Ang importante lang dito, ang ating mga meter reader ay naka-PPE, merong mask, may shield at dapat ho ay alagaan nating mabuti. Bigyan po ng alcohol at proteksyon so ang ibig sabihin ho dahil maiksi lang naman itong ating ECQ o MECQ ay pinapayagan po na ipagpatuloy ang pagbabasa ng metro para sa ganitong paraan hindi tayo magkakaroon ng ganitong mga estimate. Kung matatandaan natin ang sanhi po ng bill shock ay ang pagkakaroon po ng estimate. So dalawang bagay dito, ang Meralco, wag nilang guluhin ang ating mga consumer. Gawing malinaw ang kanilang pagsisingil ng bills. Pangalawa, ang ating mga meter reader ay proteksyunan nila, bigyan ng PPE, dahil pinapayagan pa po ng regulator natin na ipagpatuloy ang pagbabasa ng metro.

Q: Senator, nabanggit ninyo po yan, sabi nga ang ating ECQ ay hanggang katapusan na ng Abril. Tingin nyo ba ay mag-eextend pa tayo ng ECQ sa mga susunod na buwan?

SEN. WIN: Sana hindi na. Alam ninyo sa aking pag-aanalisa, dito sa amin sa lungsod ng Valenzuela, bumababa po ang bilang. Nakita ko na hindi po kagaya noong last two weeks na talagang grabe po ang pagtawag. Pati ako nakakakuha ng tawag na humihingi ng tulong, humihingi ng saklolo dahil positive ang kanilang pamilya. Nakita ho namin na parang bumababa ang tawag at halos nawawala na. So ibig sabihin dahil nga itong huling nakaraang araw ay Mahal na Araw, marami sa ating mga kababayan ay nanatili na lang sa kanilang tahanan at hindi lumalabas so malaking bagay po ito para maputol ang infection na tinatawag natin. Ako naniniwala po ako na kahit paano ay bababa po ang bilang ng positive natin at tingin ko naman sana itong extension ay huli na para makabalik na tayo sa normal na pamumuhay.

Q: Senator, may mga tanong ang ating mga kababayan, nagkaroon ng holiday, ilang araw walang pasok, ang mga tao nasa loob lang ng bahay sapagkat may curfew. Pagdating ng gabi, hindi masyadong lumalabas, pero bakit ang tataas pa rin ng iniuulat ng Department of Health eh halos wala nang tao sa kalsada, may curfew pa sa gabi, bakit napakatataas pa rin ng kaso?

SEN. WIN: Isang bagay lang ito. Sa nakikita ko ito 'yung tinatawag nating bagong variant. Hindi natin pwedeng ialis itong pangyayari na ito dahil hindi lang naman tayo ang nagsasabi nito. Buong mundo nagsasabi na itong bagong variant ay naging sanhi po ng mabilis na pagkalat. Inoobserbahan ko, ngayong taon, kumpara sa nakaraang taon. Noong isang taon, tumataas ang kaso pero mabagal. Ngayong taon, sa loob po ng isang buwan, napakalaki po ng taas ng bilang kaya ang pinagkaiba lang po dito ay ang bagong variant. Kaya nakikita ko. Ito obserbasyon ko lang po ito, hindi naman ako doktor pero sa aking obserbasyon dito sa amin, itong bagong variant ay kakaiba po talaga pero ang importante po ngayon ay rumesponde tayo at ibigay natin ang kooperasyon natin para tuluyan nang maputol itong pagkalat ng bagong variant ng COVID. At importante rin, huwag po tayong titigil, marami po kasing mga bagay na dahil bumaba ang bilang, naging flat ang bilang, ay tumitigil tayo. Ipagpatuloy po natin ang ating pagsusuot ng mask, pagsusuot ng shield at wag na po tayong pupunta sa mga kainan dahil yun po ang nagiging sanhi ng pagkalat ng virus.

Q: Senator, ito ho ang tanong ng ating mga kababayan, nagtatanong din naman lalo na ngayong ECQ, frontliners ang prayoridad pero pinayagan na po ang ating mga local government unit na magpabakuna, pero ang tanong ng ating mga kababayan, palakasan system pa rin ba?

SEN. WIN: Basta tapusin po lahat ng frontliners, dapat tapusin po. Ang aking kinatatakutan kung ating aagawan ang mga frontliners, sino po ang gagamot sa ating mga maysakit? Basta tapusin, kapag natapos na lahat ng health frontliners, mga doktor, mga nurses, mga midwife, kung gusto nila si Mayor o si Barangay Captain, pwede na po. Wag natin unahan ang mga frontliners natin, kasi kung uunahan natin, si kapitan naman po hindi marunong manggamot yan ng may COVID. Babagsak at babagsak tayo sa doktor pa rin sa paggagamot. Kaya unahin po ang mga frontliners, yun lang naman po ang ating pakiusap.

Q: Ang tagal ho ng mga bakuna natin, ito na lang ang pagasa natin. Kelan ho ba darating ang mga bakuna?

SEN. WIN: Well, ngayon Abril na at ang pangako sa atin ay dadagsa po ang pagdating ng bakuna ngayong Abril. Sabi ho sa amin sa kalagitnaan po ng Abril ay darating na ang Russian, yung Sputnik na maganda rin na brand so marami pong darating dito sa kalagitnaan po ng Abril. At ang bulto ay darating nitong kalagitnaan ng taon at makikita natin nitong kalagitnaan ng Abril tuloy-tuloy na po ang pagdating. Hopefully po, wala nang delay.

Q: Last question ko na lang po, ano ho ang reaksyon niyo dito sa sinasabing gamot na Ivermectin?

SEN. WIN: Ako, sa totoo lang, hindi po ako doktor pero kung hindi po ito pineprescribe ng doktor ay makinig na lang po tayo. Ang importante yung binibigyan ng pahintulot ng FDA natin dahil ang FDA natin mga doktor po ito, mga eksperto. Dahil kung hindi po binibigyan ng pahintulot ng FDA natin wag na ho nating pilitin. Sa totoo lang marami akong nakukuhang text, nakita ko sa mga post sa Facebook, ang importante po dito ay maaprubahan po ng FDA eh. Dahil kung hindi po maaprubahan ng FDA, ibig sabihin may problema po ito at kung pipilitin po natin baka tayo pa ang magkaroon ng sakit. Imbes na makakatulong ito sa atin, magkaroon pa tayo ng problema. Nabasa ko nga, sabi ng isa sa mga eskperto sa FDA baka magkaroon ng brain damage, meron yatang side effect ito sa utak natin. At nakakatakot po ito, dahil akala natin mabuti ito yun pala may mga side effects pala na makakasira sa ating pag-iisip. So ang aking punto lang dito, magtiwala po tayo sa FDA. Naririnig ng FDA ang hinaing ng tao at ang FDA po tumitingin din sa iba't ibang mga bansa. So kung ang ibang bansa ay pinapayagan na po ang ganitong gamot, papayagan din nila. Pero kung hindi pa pinapayagan, bakit tayo mauuna? baka delikado po. Ang punto lang natin, makinig tayo sa FDA, huwag nating ipilit kung talagang hindi pwede.

News Latest News Feed