Press Release
April 15, 2021

DWIZ IZ sa Alas-Sais Interview ni Sen. Win Gatchalian kasama si Alex Santos ukol sa COVID 19 response update, national academic break, tuition increase at oil prices

Q: Bago natin talakayin itong usapin sa edukasyon, sa panahon po ng pandemya, nasaan na ho ba tayo sa COVID 19 response? Anong assessment n'yo ho ba?

SEN. WIN: Ako personally, tinitignan ko po ang ginagawa natin at ikinukumpara ko rin ito sa nangyayari sa ibang bansa. Dahil itong pandemyang ito, itong virus, hindi naman ito limitado lang sa ating bansa kung hindi, ito po ay isang international o global na pandemya kaya kailangan pag-aralan din natin kung ano po ang nangyayari rin sa ibang bansa. So kung ako ang tatanungin, Alex, ang ating pag-responde ay sapat pero maraming bagay na pwede pang ma-improve para lalo nating mapigilan ang pagkalat. Tandaan natin, Alex, ako ang pananaw ko dito hindi natin mapipigilan ang pagkalat, hindi natin masasabi na zero ang pagkalat pero mapapabagal natin ito, ang kaya natin dito ay pwedeng limitahan ang pagkalat. So ang mga nakikita kong kulang, unang-una talaga ang contact tracing. Mahina po ang contact tracing natin. Isang taon na ang nakalipas pero ang tingin ko, hindi nag-improve nung nag-umpisa tayo hanggang ngayon. Pangalawa, ang ating hospital capacity. Alam natin ngayon na napakahirap pa rin po, kumbaga hindi natin ma-predict, hindi natin makita kung ano po ang mangyayari. Kaya kung sumisipa po, lagi tayong kulan pagdating sa kapasidad ng ospital at marami pong namamatay sa labas na ng ospital. So ang ibig sabihin po dito, dapat tuloy-tuloy pa rin tayong nagpapatayo po ng kapasidad kahit na ang tinatawag nating field hospital, patuloy po tayong magpatayo.

Q: We just want to get your reaction po dito, dahil ang sabi ng OCTA Research Group, ang sabi nga ho nila 'the government response is a collective failure' daw po. Kayo po ba ay sang-ayon dito, Senator?

SEN. WIN: Well, kapag sinabi nilang collective failure kasama ang pribado doon, tayo lahat. Nakita ko ang interview na 'yan ng OCTA at ang kanya pong konteksto, failure dahil ang taumbayan dapat meron ding ginagawa. Ibig sabihin pigilan din natin 'yung pagtitipon, magsuot tayo ng mask kaya kumbaga hindi lang pwedeng tignan lang ang gobyerno kung hindi lahat tayo pero ako, ang pananaw ko diyan, tama ang taumbayan meron ding responsibilidad at maging dapat may disiplina tayo, dapat may pagsunod. Pero importante rin dito ang polisiya at mga patakaran na ipinapatupad po ng ating pamahalaan. Importante na klaro 'yun. Klaro kung ano ang gagawin natin at importante rin na meron tayong kapasidad.

Q: Pero hindi ko lang po maarok po dito,'yung sinasabi po OCTA, 'yung connection po ng public health system at ang imposing po ng lockdown. Parang ano bang punto de vista ninyo doon. 'Yung pag-impose kasi ng lockdown maraming nagsasabi, 'wag na tayo mag-lockdown dahil naiipit kaming mga trabahador tapos may isyu sa public health system, weak daw ho, parang nalalabuan po ako dito sa sinabi ng OCTA research group, Senator?

SEN. WIN: Alam mo, Alex, tinitignan ko ang ginagawa ng ibang bansa. Talagang masakit ang lockdown, ako, ayoko ng lockdown dahil maraming naapektuhan lalo na pagdating sa trabaho. Dito ho sa amin sa Valenzuela, kahit na nung nag-ECQ, marami pong mga salon, mga pagupitan, barbero, yung mga maliliit na spa, marami rin kami dito niyan ay nagsara. Kawawa naman po. Marami sa mga naggugugupit, barbero at mga manicurista, walang trabaho ngayon. Hindi ho kasi pwede 'yung kanilang negosyo. Kaya masakit ho 'yung ganitong ECQ pero nakita ko rin sa ibang bansa, ganun din ang ginagawa nila. Kahit ayaw natin, ito 'yung pinakamasasabi kong scientific method sa pagbagal po ng mga pagkalat ng virus at mukha namang effective dahil bumagal ang pagkalat. Nakita natin sumisipa ng 12,000, sisipa pa nga raw ng 15,000 pero bumagal na, dalawang araw nang 8,000. So in other words, effective, masakit man, merong mga sektor ang nagsasakripisyo pero sa ngayon 'yan lang ang pwede nating gawin para pabagalin po ang pagkalat ng virus.

Q: Okay. Senator, dako na po tayo sa ating main topic, ito pong basic education natin na kayo po ay chairperson po diyan sa committee sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso, kumusta ho ba, ano po ba ang assessment dahil sa pagkakaalam ko po by May ay magga-graduate na po ang ilan sa ating mga estudyante, ito po yatang graduation nila na sila po ay dumaan sa distance learning, sila po ba ay karapat-dapat po bang mag-graduate at may natutunan po ba sila?

SEN. WIN: Napakahirap ng tanong mo, Alex. Talagang kahit ako kamot ulo rin ako kapag tinatanong ako niyan dahil kakaiba ho kasi ang sitwasyon natin ngayon. First time tayong nag-implement ng distance learning at first time nag-aral ang bata nang walang guro. Ang guro po natin nagtuturo via cellphone or via messenger or virtually talaga. Dito sa amin sa Valenzuela, pinipilit ng mga guro na magbahay-bahay kung kakailanganin kasi may mga estudyante talaga na hindi nila kaya nang walang magtuturo. So kakaiba itong sitwasyon natin kaya 'yung ginawa ng DepEd, iba ang kanilang pagtuturo. Gumamit ng self-learning modules at ang pag-assessment, iba rin. Kumabaga ang kanilang assessment ay mas practical. Sa aking personal assessment po, marami talagang hirap. Kaya ako itinutulak ko 'yung face-to-face learning dahil talagang ito ang magpapalalim sa pag-aaral po ng bata. Kaya kung meron tayong pagkakataong bumalik sa face-to-face, dapat tayong bumalik. Pero ang tingin ko kung itong darating na Mayo sa pagtatapos po ng pag-aaral natin, marami ho talagang hindi malalim. Kumbaga alam nila pero hindi po malalim ang kanilang kaalaman sa iba't ibang mga paksa, iba't ibang mga subject at ito po ay nakakabahala dahil makakaapekto ito sa kanilang mga susunod na pag-aaral.

Q: So parang lumalabas po Senator, may ilan po dito na aangat sa next level ng kanilang grado compassionately, naaawa po ang mga guro dahil walang rason na ibagsak dahil hindi naman napatunayan na sila po ay mahina.

SEN. WIN: Itong school year na ito, iniba ng DepEd ang assessment, ang paraan. Ibinabase nila ang competencies sa pinakamahalaga lang. Tinitignan nila kung kahit paano, nakuha mo ang konsepto ng pag-aaral. Kung for example, ang itinuturo animals, tapos ang itinuturo dog, nakapag-drawing ka ng mukhang aso, natuto ka na nun. Pero hindi naman nila nalaman kung ang aso ba ay tumatahol, anong klaseng sounds ang ginagawa. Hindi na nila magagawa 'yun dahil nga hindi naman nila nakita ang estudyante. Ibig sabihin kahit paano tinitignan nila kung natuto ang bata pero 'yung lalim ng kanilang pagkatuto, 'yung comprehension, 'yun ang hindi nakikita ngayon. Kaya ang long term effect niyan, pag-akyat nila sa susunod na baitang hindi tayo kumpiyansa kung kakayanin nila ang susunod na baitang.

Q: Pero Senator, will there be a need for, kailangan bang baguhin natin ang ating batas sa basic education? Or as is okay na po 'yan, wala na po tayo kailangan pang amyendahan, dagdagan, wala ho ba?

SEN. WIN: Pagdating sa batas, wala na, Alex. Dahil kakaimplement lang ng K-12 law natin. Ang importante ngayon ay natututukan. Ang importante ngayon, binabantayan, ang tinatawag nating oversight. Kaya madalas ho kaming naghe-hearing ngayon dahil meron tayong tinatawag na oversight para malaman natin kung ano po ang ginagawa ng Department of Education.

Q: Okay, 'yun pong panawagan na magkaroon daw ho ng nationwide academic break, saan ho ba galing ito? Ito po ba ay inyong sinusuportahan?

SEN. WIN: Ako, Alex, hindi ako sang-ayon diyan dahil ang bansa natin hindi naman pare-pareho ang sitwasyon. Tinignan ko kahapon, 'yung mga lugar na nasa MGCQ, meron pong mga halos 10 milyong estudyante. 'Yung mga estudyante na nasa GCQ mga limang milyon at ang mga estudyante na nasa MECQ, tulad natin nasa mga limang milyon. So ibig sabihin ang mag estudyante na nasa GCQ at MGCQ, kulang-kulang mga nasa 15 million. Mas marami dun sa tinatawag natin less restrictive, 'yung hindi mahigpit na quarantine level. Samakatuwid, pwede nga silang mag-face-to-face dahil hindi naman mahigpit ang kanilang quarantine levels. So ang ibig sabihin hindi tayo pwedeng magkaroon ng isang polisiya para sa buong bansa dahil hindi naman pare-pareho ang sitwasyon ng iba't ibang LGUs.

Q: Pero nakikita ho ba ninyo, by next school year, marami bang paaralan ang magsasara lalo na po dito sa pribadong sektor dahil problema natin sa pandemya, maaaring less ang mag-eenrol, mawawalan po sila ng income at marami ang magsasara, meron po ba kayong foresight na ganun po, Senator?

SEN. WIN: Alex, nakita ko dalawang bagay ang nangyayari. Unang-una, marami tayong estudyante sa pribadong eskwelahan ay lumilipat sa pampublikong eskwelahan dahil nga ang iba, kagaya po ng mga OFWs natin, naapektuhan din po sa abroad eh, wala pong barko ngayon. Wala pong sumasampa ng barko at hindi sila nakakapag-remit ng pang-tuition fee. So marami pong lumipat ng public school. Tapos meron tayong mga bata sa pribadong eskwelahan at pampubliko na rin na pinatigil muna ng kanilang mga magulang dahil nga ang kanilang mga magulang ay takot din at nagta-trabaho sabi 'tigil ka muna, 'wag ka muna mag-aral ng isang taon o dalawang taon'. Marami ring ganun kaya ang enrolment natin bumaba ng halos apat na milyon nationwide. Marami dun ay tumigil, marami dun ay lumipat, marami dun ay nagtrabaho na lang so ito ay nakakabahala rin dahil kailangan nila mag-college para makakuha ng disenteng trabaho.

Q: Meron po ba kayong listahan Senator ng private schools ang nagsara, meron po bang ibinigay ang DepEd?

SEN. WIN: Meron po mga 400 plus ang nagsara o nag-file ng temporary closure. Marami kasi tayo 'yung tinatawag nating small and medium schools, hindi naman po lahat ng eskwelahan Ateneo o La Salle, marami maliliit at itong maliliit ang naapektuhan dahil naubos ang kanilang enrolment, sabi nila kung wala mag-eenrol o konti lang ang mag-eenrol, mas maganda pa ang magsara dahil hindi nila mababayaran ang kuryente so maraming ganito pong naging sitwasyon sa buong bansa ho.

Q: With that, pwede ba natin sila maihambing sa mga medium, small enterprises, mga kumpanya na pwedeng tulungan para at least makapagpatuloy sa operasyon po, Sir?

SEN. WIN: Negosyo rin ho sila, negosyo ng pag-aaral, kasama rin po sila sa MSMEs na tinatawag natin. Kasama sila doon at sila ay pwedeng mabigyan ng tulong ng ating pamahalaan sa pamamagitan ng iba't ibang programa ng pamahalaan. Meron tayong grant, meron tayong loan. Meron tayong re-financing. Marami pong programa ngayon ang pamahalaan na pwede nilang ma-avail.

Q: Isa rin po sa gustong malaman ng mga kababayan natin ngayon, dahil po sa mga bayarin medyo hirap din po, meron po ba kayong panawagan din Senator or pwedeng gawing batas, o resolution na kung maaari by next school year baka pwedeng babaan natin ang matrikula?

SEN. WIN: Oo, marami 'yan sa private schools. Sa public school naman natin libre so hindi issue 'yan. Ang problema sa private school. Marami pong nag-eemail sa akin tungkol diyan. 'Yan po ay titignan natin. Dalawang bagay 'yan, Alex. Una, lahat ng private school merong PTA at dapat po ito pinag-uusapan nila sa kanilang PTA para mapag-usapan ng kanilang eskwelahan. Pero pangalawa, titignan din natin 'yan at kung ano pong aksyon ang pwede nating gawin.

Q: Kung sa pribadong sektor nga po na paaralan, may iba pa ho na nagtataasan pa po. Ang dati pong face-to-face ganun pa rin sa online parang walang pinagbago po sa binabayad po na matrikula.

SEN. WIN: Correct. Correct. Marami akong nakukuhang feedback na ganyan at 'yan po ay isang bagay na pinag-aaralan namin ngayon.

Q: Baka naman po pwede by next school year, dahil hindi pa rin naman tayo babalik sa face-to-face, distance learning pa rin baka naman pwedeng bawasan lang siguro po?

SEN. WIN: Ang payo ko sa mga kababayan natin ay pag-usapan nila sa kanilang PTA habang ang gobyerno po ay pinag-aaralan pa ang sitwasyon natin dahil ang PTA po, yan ang nakikipag-ugnayan sa pamunuan ng kanilang eskwelahan. At since private po yan, ang ibig sabihin 'yung kanilang relasyon ay pribado so maganda mapag-usapan nila. Pero tinitignan din namin ho 'yan, tinitignan po namin kung ano pong regulasyon ang pwedeng pairalin.

Q: Baka kasi magsamantala po ang ibang paaralan, dito sa sitwasyon natin sa pandemya kahit na online eh tataaasan pa rin nila, baka magulat na lang tayo malaki pa rin ang babayaran ng atin pong mga magulang.

SEN. WIN: Marami po akong nakukuhang feedback na ganyan. Kaya pinag-aaralan naming mabuti.

Q: Lastly po, Senator, with regard po sa petrolyo, meron po bang pagbabago sa panahon po ng pandemya?

SEN. WIN: Tumataas at nakita ko ang presyo ng langis sa pandaigdigan, ay tumataas dahil sa America ay pinapayagan na nilang bumiyahe ang mga naka-vaccine na. Nakita ko nga kahapon sa internet sa England, itinigil na nila ang lockdown so marami na naman ang lumalabas ngayon, marami ang bumibiyahe dahil ang konsumo po ay tumataas, tumataas din po ang presyo ng petrolyo kaya sa mga kababayan natin, asahan natin na tataas 'yan kaya dapat magtipid-tipid po tayo pagdating po sa pagbiyahe. Nakikita ko in the next year, tingin ko mga one year tataas at tataas po ang presyo ng petrolyo.

News Latest News Feed