Press Release
April 18, 2021

WIN TRANSCRIPT | DZRH Isyung Pambayan Interview ni Sen. Win Gatchalian kasama si Milky Rigonan ukol sa supply ng kuryente ngayong Summer, Typhoon Bising, distance learning, A4 category at vaccine update

Q: Una po muna dahil meron tayong bagyong Bising diyan po sa area ng Bicol, marami raw pong mga lugar ang walang serbisyo ng kuryente, meron po kayong panawagan nitong mga nakalipas na araw as chairman ng Senate Committee on Energy na sana walang brownout ngayong may pandemic?

SEN. WIN: Oo, nabasa ko nga kahapon sa Internet na merong isang super typhoon, category niya ay super typhoon na papasok sa ating Philippine Area of Responsibility pero naintindihan ko hindi naman siya magla-landfall base doon sa nakita kong graph na ipinakita sa internet. Pero ganun pa man malakas ito dahil super typhoon, marami tayong mga lalawigan ay tingin ko ay makakaranas ng malakas na hangin at ang ginagawa ng mga utilities natin, mga distributors, lalo na mga kooperatiba ay nagpe-preempt sila. Ibig sabihin pinapatay muna nila ang kuryente para kapag pumasok ang bagyo ay hindi makuryente ang kanilang mga constituents at nagkakaroon sila ng paghahanda para hindi magkaroon ng aksidente sa kanilang mga constituents. Ganunpaman, ang aking panawagan dito sa Metro Manila at sa buong Pilipinas na rin, dahil nga itong Summer tataas po ang konsumo ng kuryente pero nakikita ko mababalanse din ito dahil kapag MECQ hindi pa lahat ay full blast. Kumbaga hindi pa lahat ay pumapasok sa trabaho. So mababalanse ito, gusto ko lang po masigurado ng mga planta na tumatakbo ang kanilang operasyon, 'yung mga utilities at distributor natin ay handa. Siguraduhin nila lalo ngayon nagva-vaccinate tayo. Kahapon, umikot ako sa vaccination centers, importante ang kuryente dahil mainit. Kailangan ito sa bakuna, 'yung mga announcement sa internet, doon natin ina-announce kung kailan po ang pagbabakuna, kailangan po ng kuryente.

Q: Pero kapag ganitong Summer season, Senator Win bakit kung kailan ang tag-init doon naman naka-schedule ang maintenance ng maraming mga planta? Ano assurance ngayon ng mga electric cooperatives sa inyo pong kumite na wala po bang magkakaroon ng power interruption habang ongoing ang kanilang maintenance? Pwede bang ipagpaliban muna ito?

SEN. WIN: Dapat nga hindi ganyan. Dahil alam naman natin taun-taon summer ang pinakamataas ang konsumo ng kuryente, so kung meron silang maintenance na gagawin, gawin nila sa tag-ulan dahil mababa ang konsumo ng kuryente. Kaya hindi ho dapat itinataon 'yan sa Summer dahil lahat naman tayo ay talagang nagbubukas ng aircon at tumataas ang konsumo kaya kung meron mang papalpak na planta ay ito ay 'yung tinatawag natin na unplanned, 'yung hindi nila ninanais. Kaya minomonitor namin ito dahil minsan merong mga alegasyon na sinasadya ang pagpatay ng planta para tumaas ang presyo doon sa tinatawag nating wholesale market. Kaya binabantayan naming mabuti ito na hindi po sinasadya ang pagpatay ng planta at hindi sinasadya ang tinatawag nilang maintenance. At itong maintenance na ito ay maganda ang pagpaplano, ibig sabihin ginagawa ito hindi sa panahon ng summer.

Q: At lalo na ngayon na meron tayong pandemya, patuloy din ang ating mga programa para mabawasan ang kaso ng COVID 19. Anyway, Senator Win, bilang chairman naman ng Senate Committee on Basic Education, malapit na naman ang pagsisimula ng school year 2021-2022, siguro inaral na rin ng inyong kumite ito, isang taon ipinatupad, meron ba tayong dapat baguhin sa sistema ng distance learning.

SEN. WIN: Marami tayong dapat baguhin, Milky. Magandang tanong 'yan. Unang-una, siguraduhin na natin na walang tinatawag nating mga errors o mga mali dahil ito ay isa sa pinaka-kontrobersyal. 'Yung pagbibigay ng ating self-learning modules, ang dami doon 'yung tinatawag nating stereotyping tulad po 'yung mga halimbawa na ginagamit nila ay hindi maganda. Marami rin pong mga halimbawa doon na nagiging political na hindi rin tama 'yun. Ibig sabihin ayusing mabuti ang paggawa ng self-learning modules. I-review nang mabuti. Pagdating naman po sa tinatawag nating distance learning, ang TV at radio dapat maayos mabuti dahil ako gusto ko sana bumalik tayo sa face-to-face learning pero sa ganitong takbo napakahirap sabihin kung ano ang mangyayari, maghanda rin tayo sa tinatawag nating distance learning. At ang ginagamit natin sa distance learning ay ang TV at radio so maghanda rin po tayo sa paggamit ng TV at radio.

Q: Siyempre dapat, maganda pa rin ho ang serbisyo ng internet natin kasi ito rin ho ang crucial, Senator Win kaya ito ang pinakamahalaga, ano bang update sa mga telco natin?

SEN. WIN: Alam mo ang mga telco natin ay sanay 'yan mag-promise na aayusin ang kanilang serbisyo at talagang kapag sinabi mong ayusin, aayusin naman nila pero hindi naman natin nararamdaman sa baba, nararamdaman sa ating mga lugar. Ang maganda ang nangyari, nakita ko lang din sa internet ay ang Dito Telecom ay pumapasok na. Nakita ko na mura ang kanilang offer, mabilis, 256 kbps ang kanilang ino-offer. At nakita ko na maganda ito para dagdag kompetisyon at dagdag alternatibo para sa atin. So tama ka, Milky, kailangan talaga ng internet at kahit na distance learning ang ginagamit natin, maraming mga LGU ang gumagamit ng Facebook para maihatid ang pagtuturo sa mga mag-aaral.

Q: Maraming mga estudyante, mga magulang ang medyo frustrated sa sistema nga ng distance learning. Meron ba tayong nakikitang pag-decline ng enrolment pagdating ng school year 2021-2022, Senator Win?

SEN. WIN: Maaga pang sabihin ito, Milky dahil nag-uumpisa pa lang ang early registration. Pero makikita natin, itong huling school year itong 2020-2021, makikita natin nabawasan ito ng halos na apat na milyong estudyante. Malaki 'yan, apat na milyon. At kaya itong bagong school year, tingin ko lang baka ganun na bilang din ang makikita natin, dahil ang sitwasyon hindi naman nagbago. Ang sitwasyon may COVID pa rin, ang sitwasyon natin delikado pa rin, so hindi nagbago. So dapat paigtingin ang paghihikayat ng pag-enroll ng ating mga estudyante at kahit naka-distance learning tayo, mahirap, very challenging, malaking hamon ang pagtuturo, dapat ipagpatuloy pa rin po ang pag-aaral ng bata. Dahil just imagine, Milky kung tumigil ito ng isang taon, 'di isang taon walang ginagawa ang bata, walang natututunan at mas malaking problema ito dahil hindi siya makakabalik nang agad-agad kaya sa mga magulang natin, alam ko malaking hamon 'yan sa kanila. Nakita ko ang mga survey, nakausap ko ang mga magulang pero mahalaga pa rin na nag-aaral sila, nag-aaral ang kanilang mga anak, nag-aaral ang kanilang mga inaalagaan dahil mas mahihirapan ang kanilang mga anak na makabalik kung matagal po ang pagtigil sa pag-aaral.

Q: Lalo na kung ang sinasabi mo na datos na 4 million ang hindi nag-enroll ngayong current school year, kung ito po ang datos na ito mauulit sa susunod na school year 2021-2022, nakakabahala ito, baka madagdagan pa 'yung bilang na 'yan.

SEN. WIN: 'Yun na nga ang aking kinatatakutan. Marami rito, Milky ay 'yung mga senior high school at high school dahil nagtrabaho na lang sila so sabi nila imbes na mag-aral at hindi naman na kami pwede pumasok sa face-to-face eh mag-dropout na lang kami at magtrabaho na lang. Ang kalaban talaga ng pag-aaral ay ang trabaho, 'yun po ang masaklap dahil ang iba naging mas praktikal at nakikita nila mas magandang tumulong sa kanilang mga magulang na mag-trabaho. Pero alam naman natin na pagtapos nitong pandemyang ito ay babalik din tayo sa normal, kailangan din nila ang kanilang diploma, kung hindi, hindi sila makakahanap ng magandang trabaho.

Q: So talagang crucial ang pagpapatupad ng mga programa ng DepEd at ng CHED sa kabila ng ipinaiiral na distance learning. Sa ibang isyu, Sen. Win, may resolusyon ang ilang mga kasamahan mo sa Senado calling for a hearing as a Committee of the Whole dito sa pagrepaso sa COVID 19 response ng gobyerno. On your part, ano na ba ang lagay ng laban natin sa COVID 19 dahil mahigit isang taon na rin, ano bang assessment?

SEN. WIN: Milky, ako gusto kong maging fair at gusto ko rin na tignan kung ano po ang nangyayari sa ibang bansa. Totoo, maraming bagay na pwede tayong mag-improve pa pagdating po sa pagresponde ng COVID 19. Hindi naman natin sinasabi na perpektong itong pagresponde ng ating pamahalaan pero nakita ko na may mga bagay na hindi natin kontrolado. Ano ba ang mga bagay na hindi natin kontrolado? Una, 'yung vaccine. Sino ba akalain na ang Astra Zeneca ngayon ay kinatatakutan. Dati lahat ng tao gusto Astra Zeneca. Kahapon, umikot ako dahil nag-umpisa 'yung aming Senior Citizen vaccination dito sa Valenzuela. Kausap ko ang mga Senior Citizen, sabi nila 'Senator, nung una tuwang-tuwa kami sa Astra Zeneca, ngayon ayaw na namin dahil doon sa mga nababasa namin'. Marami ang natakot, kahit na marami naman sa atin, ako hindi naman ako eksperto, pero kung ano ang nabasa nakakaimpluwensya sa aking pag-iisip. So isa 'yun, 'yung vaccine hindi natin kontrolado. Pangalawa, 'yung variant, nakita ko hindi rin natin kontrolado at kahapon nakita ko si Dr. Pao Chi, 'yung famous na infectious disease sa America, ine-explain niya na itong variant na ito ay talagang nakakatakot dahil iba-iba ang lumalabas dito sa bagong variant. May iba mabilis ang pagkalat, iba deadlier, mabilis ang pagkamatay. So ang ibig sabihin may mga bagay na hindi natin kaya ikontrol pero ang pagresponde marami pang pwedeng i-improve. Ito paulit-ulit ko ring sinasabi, 'yung contact tracing natin, napakahina dahil gumagamit tayo ng mano-mano. Dapat ang contact tracing natin ay gumagamit ng mga app at bagong teknolohiya para mas mabilis dahil mas mabilis ang pagkalat ng virus kumpara sa ating contact tracing. Isa po 'yun.

Q: At saka 'yung mass testing.

SEN. WIN: Isa pa rin 'yun. 'Yung kapasidad ng ating mass testing. Marami tayong mga LGU, nakita ko, Milky, importante ang mga LGU may sariling laboratoryo. Kagaya dito sa amin, mabilis kami rumeresponde dahil may sarili kaming laboratoryo. Pero ang mga kapitbahay namin, mga karatig naming LGU, dahil wala silang laboratoryo, nagre-rely sila, umaasa sila sa pribado o sa government hospital na siyempre marami rin silang inaatupag. 'Yun ang isa sa mga bagay na dapat ma-improve. Isa pa dapat ma-improve, Milky 'yung tinatawag nating quarantine, dahil ang mga ospital natin punung-puno na at dapat 'yung quarantine facilities natin i-expand pa natin, 'yung mga field hospital natin i-expand pa rin natin para kapag dumagsa uli at magkaroon uli ng pagtaas ng COVID meron tayong quarantine facilities at meron tayong field hospitals.

Q: Marami pa at matagal pa ang laban natin sa COVID 19.

SEN. WIN: Parang matagal pa nga eh. Parang matagalan pa. Akala ko nga patapos na tayo, sa totoo lang pero nakita ko na maraming bagay pa na lumalabas na hindi natin nakikita.

Q: At dumaragdag ang mga priority list na dapat makasama, ang panawagan mo bukod sa mga public school teachers, ano pa ba ang dapat makasama under the A4 category?

SEN. WIN: Isa sa aking panawagan, Milky ay 'yung tinatawag nating linemen at mga meter readers ng utilities. Dahil kung matatandaan natin, nung nag-ECQ, hindi makabasa ng metro 'yung ating mga meter readers. Ang mga linemen naman hindi makakumpuni, hindi nila maayos ang mga linya. At kung gusto nating tuloy-tuloy ang daloy ng kuryente, itong dalawang taong ito, itong dalawang sektor ay dapat po mapayagang lumabas at gawin ang kanilang trabaho. At para magawa 'yan, dapat mapa-vaccine sila, magpabakuna ho sila. So ilagay natin sila frontliners at nakita ko na nakinig naman po ang IATF at inilagay sila sa A4 doon sa iba't ibang sektor sa priority list.

Q: At sana maipatupad na rin ito, ang hinihintay lang natin talaga Senator Win ang pagdating din ng karagdagang suplay ng bakuna.

SEN. WIN: Correct. Pero Milky, alam mo, gusto ko lang i-share sa ating mga tagapakinig, isang malaking problema natin ngayon ay 'yung tinatawag nating vaccine hesitation dahil nakita natin sa survey only 40 plus percent ang gustong magpabakuna. Nakikita ko 'yan sa on the ground dahil kalahati lang ng nagparehistro ay sumusulpot sa pagbabakuna, kalahati ay nawawala na. At kinakausap ko ang mga kababayan natin, talagang marami pa ang natatakot so ang isa sa pinakamalaking problema natin ngayon ay ang vaccine hesitation at dapat malutas ito siguro ang gawin natin ay palakasin pa natin ang education campaign, paigtingin pa po ang pagpapaunawa kung gaano kahalaga ang pagbabakuna at dapat din ang mga high profile mapakita na nagbabakuna dahil marami rin po kaming nakakausap na gusto rin nilang mauna ang kanilang mga lokal na opisyales o mga national na opisyales para magkaroon ng kumpiyansa sa bakuna.

Q: Ikaw ba Senator Win, nagpabakuna ka na ba?

SEN. WIN: Hindi pa, hindi pa, inaantay ko 'yung, nag-order ang Senado ng bakuna at inaantay namin, 'yung Gamaleya, para sa atin 'yun Milky, sa mga Senate employees, Senators, at pati Senate Media, inaantay po natin ang pagdating dapat this week 'yun to be honest about it. Naantala at inaasahan ho namin baka end of the month or early May ay dumating na.

Q: Oo, para maging normal na rin ang operasyon ng Senado kasi 'di ba marami rin ang nagka-COVID na mga staff at empleyado ng Senate?

SEN. WIN: On-off, on-off tayo, minsan may pasok, minsan wala, hindi rin naman masisisi ang Senado makikita naman ang opisina ay dikit-dikit at kapag may isa po ay nagka-COVID talagang hawaan ho ang mangyayari doon.

News Latest News Feed