Press Release
April 23, 2021

DZRH Dos por Dos Interview kay Sen. Win Gatchalian kasama sina Anthony Taberna at Gerry Baja ukol sa NTF-ELCAC at community pantries

Q: Palapit na nang palapit sa atin ang mga hindi lang nagka-COVID kundi mga namatay sa COVID.

SEN. WIN: Oo nga, 'yung personal driver ko nga nagka-COVID, kasama ko araw-araw at sa awa ng Diyos hindi naman tayo nag-positive. Pero ganun kalapit na, ang mga nasa paligid natin, 'yun na ang mga tinatamaan ngayon.

Q: Kumusta po ang driver ninyo, naka-recover na po?

SEN. WIN: Okay naman siya, naka-recover na. Mga kapamilya niya ay naka-recover na rin at wala namang naging masama sa kanila. Palapit na nang palapit, nasa paligid lang natin ngayon.

Q: Pinainom ninyo ba ng Ivermectin?

SEN. WIN: Hindi, bawal 'yun. Pang-aso ho 'yun. Hindi naman aso ang driver natin, mabait ho 'yun. Sa totoo lang, actually 'yung kapitbahay namin na may aso, 'yun po ang binibili niya kaya dumikit sa isip ko na pinapakain po yun sa mga hayop.

Q: So hindi kayo naniniwala sa Ivermectin?

SEN. WIN: Ako naniniwala ako kung anong sinabi ng doktor at kung ano ang sinabi ng science at dahil hindi pa ito binibigyan ng approval ng FDA na pwede nating gamitin, kumbaga nasa trial stage pa lang, dapat maging konserbatibo tayo dahil gamot ito at napakahirap na kung makain natin ito, wala nang balikan.

Q: Puntahan po natin itong National Task Force na napag-initan ng mga senador, kasama na kayo doon na tatanggalan ng budget. Pwede nga ba ho talaga 'yun? Sa detalyado at malinaw na usapan, pwede ho ba talaga yun na tanggalan ng budget ang isang ahensya ng gobyerno?

SEN. WIN: Ang puno't dulo nito, ang problema ho ay si Parlade, si General Parlade po ang nagiging problema sa ngayon dahil sa kanyang pinagsasabi at alegasyon niya at akusasyon na wala naman pong basehan. Sa ganitong panahon naghahanap tayo ng magandang balita. At nakita ko itong community pantry ang nag-iisang magandang balita na lumabas these past few months dahil nga sa COVID. Kaya nga maraming nadismaya kasama na ako doon na merong mga ganitong alegasyon na walang basehan, lalo na itong tinatawag nating red tagging. Ako ho, suportado po ako sa kapayapaan at paglaban po sa NPA, sa ganitong terorismo. Pero hindi naman natin pwedeng ituro lahat ay NPA, ituro lahat po ay terorista dahil kailangan po meron tayong ebidensya sa ganitong mga alegasyon.

Q: Pero pwede ho ba, may kapangyarihan bang ganun ang Senado na ang isang opisina ng gobyerno ay alisan ng budget?

SEN. WIN: Maraming paraan, Anthony at Gerry, sa pagtatanggal ng budget. At marami pong paraan ang Senado at Kongreso na gawin po 'yan. Nagawa na po 'yan in the past at meron tayong kapangyarihan na gawin 'yan.

Q: Ang pagkakaalam natin, Senator 'yan ay pwedeng gawin. halimbawa may proposal ang executive department during budget season, 'yung naririnig natin na bibigyan ninyo ng zero budget o P1 budget ang isang government agency. At nagawa na nga 'yan. Ang ibig sabihin effectively abolish ang isang government agency. Pero ngayon po, i-educate ninyo nga kami, hindi po ba't kasama po ang mga senador sa nagbigay ng budget dito sa NTF-ELCAC na ito?

SEN. WIN: Correct. Noong 2020, noong ito ay pino-propose kasama po tayo sa nag-apruba diyan. Kasama po tayong nakipag-debate, tinalakay po 'yan, pinag-aralan po at naaprubahan po 'yan. Pinagbotohan po ang budget so in effect kasama po ang pag-aapruba. Siguro sabihin ko muna kung bakit ho. Dahil tinignan din namin ang programa, ang paglaban sa mga terorista, paglaban sa NPA at pagdadala po ng kapayapaan sa pamamagitan ng mga proyekto sa ating kanayunan at sa mga countryside natin. Pero hindi naman natin akalain na ang mga mamumuno po diyan lalo na kagaya nitong Spokesperson ay magiging ganito na kung sinu-sino na lang po ang inaakusahan, kung sinu-sino na lang po ang ini-re-redtag at tiwala po ang napakahalaga sa pagbibigay ng budget. Ika nga tiwala ng taumbayan ay nawala na, kasama na rin po ako doon. So bakit pa tayo magbibigay ng bilyon, P19 bilyon ha, Anthony, hindi P19 million, kundi P19 billion na budget kung wala ka nang tiwala sa namumuno sa ahensya.

Q: With all due respect, pwede kong gamitin itong analogy na sa kagustuhan mong hulihin ang daga na pumasok sa bahay, susunugin mo ang buong bahay? Hindi ba dapat ang daga, kung ang daga dito si Parlade, si Parlade dito ang sipain, hilingin ninyo sa Pangulo ay sipain kung sa tingin ninyo ay karapat-dapat naman na magkaroon ng budget ang isang ahensya ng gobyerno.

SEN. WIN: Sa akin kasi Anthony importante ang tiwala na gagastusin ang pera nang maayos. Dahil itong budget na ito ay ipapatupad po ito ng mga nakaupo doon, kasama na po diyan si General Parlade. So kung ang mga nagpapatupad po ay kung sinu-sino na lang ang inaakusahan, paano tayo magiging kampante na ang inilaan nating pondo ay maayos po ang paggastos. Mas maganda pa siguro na ilagay ito sa ahensyang maayos ang pamamalakad dahil meron silang maayos na programa.

Q: Meron pong tinatawag na oversight function ang mga mambabatas, mga senador at kongresista, dahil kayo nga ang nag-approve ng kanilang budget. Ibig ninyong sabihin, anytime pwede ninyo ring bawiin 'yun. Ganun po ba, Senator. 'Yung ibinigay ninyo ay anytime pwede ninyong bawiin kapag nakita ninyo na mali o hindi sa kaukulan ginagamit ang budget?

SEN. WIN: May proseso, Gerry, hindi naman kaagad na mangyayari 'yan. May proseso. Isang paraan dito magkakaroon ng hearing sa pamamagitan po ng isang resolusyon. Isang paraan po dito magkaroon ng supplemental budget. Isang paraan po ito 'yung ipinapasok, for example 'yung Bayanihan 3 na pinag-uusapan natin. So maraming paraan. Ibig sabihin meron tayong kapangyarihan, as a body, Kongreso at Senado para po ire-align ang nararapat na ire-align.

Q: Napakalaking budget ito, P19 billion. During the budget deliberations, ilang beses na rin naming natalakay dito 'yan. Sabi nga namin ang laki namang budget ito, malaki pa sa karaniwang department ng gobyerno. Ang naririnig ho namin noon ay gagamitin ito sa mga rebel-infested na barangays, para sa kalsada, para sa paaralan, tama ho ba, Senator?

SEN. WIN: Tama, ang konsepto nito kung may mga barangay na let's say na-clear ng NPA, ng mga terorista, bibigyan sila ng budget dahil nga ang konsepto dito para hindi makakuha ng suporta sa mga lokal, mga nakatira doon. Bibigyan po sila ng tinatawag nating developmental project, mga eskwelahan, mga livelihood, kalsada. So ganun ho ang konsepto nito. Pero ang importante dito ay napapatupad. Importante, maayos 'yung pamamalakad, maayos ang pamumuno at ang sistema ay maayos, dahil napakalaki na budget po ito. Hindi po ito maliit na halaga na pinag-uusapan.

Q: P20 million daw yata per barangay ang allocation diyan, hindi ho ba pwede tutal pandemic tayo ngayon at gutom ang problema natin, hindi ho ba pwedeng ilipat muna 'yun at sa pagkain muna gamitin?

SEN. WIN: 'Yun ang proposal ng ibang mga kasamahan natin dahil nga pandemya ngayon at malaki ang maitutulong ng ganitong halaga, especially po pagdating sa pagkain. Just to give you an idea, itong binibigay na ayuda ngayon, ang halaga ito is P20 billion. Kasinlaki ng budget dito po sa NTF-ELCAC. Pero sa totoo lang, ako po personal, nung pinag-uusapan namin ang budget na ito, nakita ko rin ang kabutihan nitong anti-insurgency project. Itong P16 billion to be exact dahil nga ang mga barangay na wala nang insurgency, wala nang NPA, wala nang terorista ay pwede na silang mag-concentrate sa development, sa pagpapatayo ng eskwelahan at iba pa.

Q: Ako sang-ayon ako na magsiyasat ang Senado dito. Well, sabi ko nga kanina using the oversight function of the Senate. Kasi gusto kong malaman, ano ba papel ni General Parlade dito sa task force. Meron ba siyang kakayanan na gumastos ng pera? Meron ba siyang kakayanan na kumbaga ay pondohan lang kung alin ang gusto nilang pondohan? Hawak ba niya ang pera? O baka naman siya ay propagandista lang nitong task force na ito kaya nga ang lagi kong binabanggit kung may problema kay Parlade, sibakin na si Parlade diyan dahil baka trumpeta lang siya ng task force. Sabi nga ni Senator Ping Lacson, at the outset, si General Parlade na isang active military officer should not be holding a civilian position. 'Yun pa lang illegal na, Senator?

SEN. WIN: Correct. Diyan po sa committee report ni Senator Ping na pinirmahan din ng mga senator, isa sa mga rekomendasyon ay tanggalin na nga si General Parlade diyan sa NTF dahil nga active member pa siya. 'Yang rekomendasyon ay hindi rin nasundan kaya nga andito na tayo uli sa ganitong sitwasyon. Pero sa akin, kasama siya sa mga namumuno diyan sa NTF at kasama siya sa mga taong gumagawa ng mga ganitong programa, dahil ang spokesperson ay hindi naman maliit na posisyon po 'yan. Kaya para sa akin kung inilaan ang malaking pondo 'yung mga namumuno po ay maayos ang pamamalakad at may tiwala ang taumbayan.

Q: Sa hierarchy sa NTF, sino ba talaga ang pinaka-bossing diyan?

SEN. WIN: Ang alam ko ho dito ang pinaka-head ay si General Esperon.

Q: Tapos, wala bang supervisory o administrative supervision ang Malakanyang diyan?

SEN. WIN: Ang alam ko ho, based on the structure, ito ay attached agency po ng Malakanyang.

Q: May schedule na kayo ng hearing?

SEN. WIN: Wala pa naman. Ito po ay mag-uumpisa sa isang resolution at ang ating mga senator ay pinag-uusapan itong resolution na ito. Dito siguro mag-uumpisa ang paggulong kung ano ba ang pinakamagandang pamamaraan para maayos ang implementasyon ng anti-insurgency program. Kagaya ng nasabi ko kanina, bumoto kami, sinuportahan po namin, ako kasama ako sa sumuporta pero importante po ang nagpapatupad. Kung ang nagpapatupad ay hindi maayos, paano natin pagkakatiwalaan po ang pondo na inilaan natin sa kanila.

Q: Last point na lang po, tungkol sa community pantry. Ngayon, nabalitaan ninyo siguro 'yung nangyari sa community pantry ni Angel Locsin medyo nagkaroon ng hindi magandang kwento dahil nagkagulo ang mga tao, nagsisingitan sa linya tapos may namatay pong isa. Kayo po bilang isang matagal din po kayong local chief executive, ano po ba ang inyong maipapayo sa mga LGU na rin mismo na ang kanilang jurisdiction ay pagsasagawaan ng community pantry na ganito?

SEN. WIN: Napakagandang tanong 'yan, Anthony at narinig ko nga kanina 'yung iyong komento diyan. Tama ka, maraming gustong tumulong at maraming gusto lalo na 'yung mga nagpapamahagi po ng relief goods o ng pagkain pero hindi po ganun kadali na pupunta ka lang doon at namimigay. Importante po na nakikipag-coordinate sa local government. Kay Mayor, kay kapitan, napakahalaga po niyan dahil dadagsain ka at dadagsain ka ng tao kapag hindi ka nagko-coordinate. Ang nangyari po kanina, hindi naman po kasalanan ni Angel Locsin po 'yan dahil wala namang may kagustuhan niyan. Pero ang pinakamahalaga po sa mga gustong tumulong ay makipag-coordinate, lalo na sa barangay dahil ang kapitan may kakayahan 'yan, may tanod at iba pa.

News Latest News Feed