Press Release
April 23, 2021

DZMM Pasada sa Teleradyo Interview kay Sen Win Gatchalian kasama sina Peter Musngi at Rica Lazo ukol sa NTF-ELCAC

Q: What was the thought process sa paglagay sa pondo ng intelligence fund sa ayuda?

SEN. WIN: Peter, Rica ang puno't dulo nito ang problema ay si Parlade, si General Parlade. Dahil sa kanyang mga alegasyon sa kanyang mga ginagawa lalo na dito sa community pantries natin. Maraming tao ang nadismaya at nawala yung tiwala kasama na ako doon dahil itong mga community pantries natin, ito na siguro yung kaisa-isang magandang balita na hinahantay natin under this pandemic. At nakakalungkot dahil maraming gustong gumawa ng maganda pero inaakusahan ng di tama, inaakusahan ng walang basehan. At ang isyu dito Peter ay ang tiwala, sabi mo nga kanina na narinig ko na hindi milyon ang inilaan dito kundi bilyon no, 19 billion pesos. At paano tayo magkakaroon ng kumpiyansa kung yung pinagkatiwalaan natin ng 19 billion ay gumagawa ng mga alegasyon ng walang basehan.

Q: Thoughts na imbes na tanggalan ng budget eh tanggalan na lang ng madaldal?

SEN. WIN: Bago ko sagutin 'yan Rica, noong pinag-uusapan ang 2021 budget, kasama ako doon sa nag-apruba sa 2021 budget. Kasama dito ang 19 billion ng NTF-ELCAC, so ibig sabihin sumasang-ayon po ako dito sa programa, dito sa anti-insurgency, anti-NPA, anti-terrorist budget dahil naniniwala ako na importante ang kapayapaan sa ating kanayunan, sa countryside natin. Pero kung ang iyong mga nagpapatupad tulad ni General Parlade ay nandiyan na hindi natin malaman saan niya hinuhugot, saan nanggagaling ang kanyang alegasyon ay mawawalan ka ng tiwala kung paano nila ipatupad at iimplementa itong mga programa napakalaki po ang budget. So ang isyu para sa akin tiwala, mawawala na ang tiwala, nawalan na ako ng tiwala dito sa mga nagpapatupad ng isang magandang programa.

Q: No one can tell them what to do. Not profiling, it's part of their mandate sabi ni Parlade. Thoughts?

SEN. WIN: Peter, dapat matandaan ng mga lingkod-bayan, kasama na ako dito kasama si General Parlade na ang suweldo namin ay nanggagaling sa inyo, sa mga taxpayers natin at may pananagutan kami sa taumbayan. So ibig sabihin dapat gampanan namin ng matuwid, maayos ang aming responsibilidad. Pero tama ba na mag-aakusa ka ng walang basehan paglabas nitong community pantry sino-sino ang inakusahan? At wala pa akong naririnig na ebidensyang inilabas laban dito sa mga inaakusahan. So hindi maganda na pinaghahati-hati natin ang taumbayan ngayon na nasa pandemya tayo ang importante pinagbubuklod natin, pinagsasama natin sila. At walang kabutihan na mangyayari dito sa mga red tagging, dito sa mga akusasyon na walang ebidensya. Katulad ng nasabi ko kasama ako sa bumoto ng budget sa anti-insurgency, pero dapat ipatupad ito ng maayos at mga propesyunal para makita natin yung benepisyo, yung benefits nitong 19 billion.

Q: Should there be a body to check and balance yung ginagawa ng intelligence agencies na paglalabas ng mga impormasyon at statements?

SEN. WIN: Merong check and balance, lahat ng ahensya dapat merong check and balance. In fact iyan ang sistema natin, hindi porke ikaw ay nasa intelligence hindi ka puwedeng pakialaman dahil ang pondo na inilalaan sayo ay galing sa taumbayan. So responsibilidad naming mga mambabatas na tignan kung ginagamit ng tama yung kanilang pondong inilaan sa kanila. At tama ka Rica kasama sa kanilang responsibilidad yung intelligence pero hindi ka puwedeng mag-imbento eh, hindi puwedeng kahit sino-sino tatawagin mong terorista, sino-sino tatawagin mong NPA, sino-sino tatawagin mong komunista. Hindi puwedeng ganun dahil kung ikaw man kung ako man tatawaging ganun ay talagang masakit sa ating kalooban at masisira ang ating kredibilidad. At hindi puwedeng ikaw ay nasa poder o nasa gobyerno puwede kang manira ng kredibilidad at pagkatao ng ating taumbayan. So merong accountability na tinatawag natin at iyon po ang aming pinapatupad ho ngayon.

Q: Are you happy with how the officials of the AFP is addressing this issue with General Parlade?

SEN. WIN: Ako, suportado ko ang kanilang paglaban sa mga terorista, sa NPA sa anti-insurgency, importante iyan sa ating bansa Peter dahil kung walang kapayapaan sa ating countryside, sa kanayunan walang mangyayari sa ating bansa. Pero we have to do this in a responsible manner dahil meron tayong pinapatupad na mandato itong pagsabi ng totoo at tuparin rin natin ang ating responsibilidad na may integridad. Hindi ka puwedeng magtuturo lang na oh ikaw terorista ka, ikaw komunista ka. Maraming buhay at kredibilidad at importante dito yung nakapaligid sayo kung ikaw ay tinurong terorista just imagine yung nakapaligid sa iyo kung ano na ang tingin sa iyo. Hindi tama yun, ang ating emphasis kasi Peter yung panahon natin kakaiba eh kailangan nating pag-isahin ang taumbayan at ngayon, ngayon lang nahahati tayo dahil sa mga walang basehang alegasyon.

Q: May magagawa ba tayo bilang mambabatas na sabihin sa isang government na sabihin na pakibantayan ang mga tauhan sa kanilang binibitiwang salita?

SEN. WIN: Hindi talaga puwedeng paghiwalayan, unang-una heneral siya hindi siya maliit na tao at hindi siya nasa maliit na posisyon. Pangalawa, spokesperon ka dala-dala mo yung buong ahensya dala-dala mo yung boses ng ahensya, dala-dala mo ang imahe ng ahensya, dinadala mo yung personalidad ng ahensya. Kung iyon ang pinapakita ng spokesperson malamang ganun din po ang patakbo ng ahensyang iyon. At ang aking puno't dulo dito Rica yung tiwala, naglaan ang taumbayan ng 19 billion, nagtitiwala kami na ipatutupad nila ito, iiimplement nila ito ng maayos pero kung ang ipinapakita mo ay walang pakundangang akusasyon, alegasyon na walang basehan, hindi tama eh na naglalaan tayo ng malaking pondo sa mga taong hindi maayos ang pamamalakad at ito ang aming ipinatutupad ngayon ang aming pananagutan ng ahensya, ito ang aming ipinatutupad bilang mga mambabatas.

Q: Ano ang inaasahan na magiging resulta kung magkakaroon ng pagdinig sa pagtanggal o realignment ng budget ng NTF-ELCAC?

SEN. WIN: Ang akin, Peter what I'm demanding is good governance, and what I'm demanding is proper management ng ahensyang ito. Ang gusto ho natin ay wastong pamamahala, taong may integridad at taong ginagamit sa kabutihan ang kapangyarihan na ibinigay sa kanila ng taumbayan. Dahil itong NTF-ELCAC kakaibang organisasyon ito eh, hindi lang malaki ang budget kundi malaki rin ang kanyang kapangyarihan dahil isa sa kanyang kapangyarihan ay magdala ng kapayapaan at intelligence ang isa sa kanyang kapangyarihan. Pero kung gagamitin mo ang intelligence sa maling pamamaraan paano tayo magtitiwala sa kanila? At yun po ang aming pinupunto, yung tiwala na nawala dahil sa ganitong mga alegasyon.

Q: Last few words?

SEN. WIN: Isang bagay na natutunan ko dito sa pandemya, Peter and Rica, ang hirap ma-predict, ang hirap masabi kung ano ang mangyayari. Even sa vaccine na nagtitiwala tayo pero ganun rin napakaraming report na hindi magaganda. So ibig sabihin napakadami pang puwedeng mangyari at dapat handa tayo sa anumang puwedeng mangyari dahil kung humaba ito ay dapat gamitin natin ng tama iyong mga natitira nating mga pondo para matulungan natin yung mga kababayan natin na malampasan itong pandemyang ito.

News Latest News Feed