Press Release
May 1, 2021

MENSAHE SA ARAW NG PAGGAWA

Isang mapagpalayang araw po sa inyong lahat.

Bago pa man ang pandemya, marami nang usaping hinaharap ang sektor ng paggawa. Seguridad sa trabaho, pagtuldok sa kontraktuwalisasyon, mas mataas na suweldo, patas at makatarungang trato.

Pero imbes na tugunan at tuparin ang mga ipinangako, hinamak pa ni Duterte ang mahihirap sa pagiging maralita. Bahala kayo. Magtiis kayo sa hirap--tatak ng kanyang pamamalakad kung saan iniiwan ang mga Pilipino sa "kanya-kanya" na lang na sistema.

Paano pa kaya ngayong nasa gitna tayo ng krisis, kung kailan maraming negosyo ang nagsara, nawalan ng trabaho, mas maraming gutom at nangangailangan ng ayuda?

Sa halip na malasakit at agarang solusyon sa mga suliraning kaakibat ng pandemya, minaliit lang ng rehimeng ito ang problema. Kaya mahigit isang taon na, bara-bara pa rin ang tugon, at walang malinaw na direksyon ang bansa sa paglampas sa krisis. Lumobo lang ang utang. Dumami ang namatay, ang nagkasakit at patuloy na nagkakasakit. Lumubha ang kahirapan. Tapos may kapal pa ng mukhang tawaging bugok ang mga gustong tumulong? Napaka-inutil at walang puso.

Sa araw na ito, sama-sama tayong tumitindig para sa karapatan ng ating mga manggagawa, at katarungan para sa mga nangangailangan nating kababayan. Maliban sa pagbibigay ng ayuda, hangad natin na dagdagan pa ang mga oportunidad para sa tiyak na kabuhayan at buhay na may dignidad.

Kaya naman patuloy ang pagsusulong natin ng mga panukalang batas at resolusyon sa Senado gaya ng pagbibigay ng diskwento sa mga gastusin sa paghahanap ng trabaho at pag-imbestiga sa mga maling palakad sa sektor ng paggawa.

Sa paraang ito, hindi lang tayo naglalatag ng pagkakataon para makabangon ang mga nagdudusa ngayon, kundi binibigyang pundasyon din ang pag-angat sa buhay ng susunod na henerasyon.

Ibalik ang hustisya! Mabuhay ang manggagawang Pilipino!

(Sgd.) LEILA M. DE LIMA

PNP Custodial Center, Camp Crame

1 Mayo 2021

News Latest News Feed