Press Release
September 1, 2021

STATEMENT OF SEN. BONG GO

Bilang chair ng Senate Committee on Health, umaapela ako sa ating gobyerno na pag-aralan na ang posibilidad na palawakin lalo ang ating vaccination roll-out sa mas maraming Pilipino maliban sa mga kabilang sa eligible na priority groups.

Hangga't kaya ng supply ng ating mga bakuna, baka maaaring buksan na sa publiko.

Pag-aralan din po dapat nang mabuti ang pagbibigay ng insentibo sa mga bakunado tulad ng mas maluwag na mga patakaran. Maaaring pwede na silang kumain at pumasyal sa labas, makatrabaho, at makagalaw nang wala masyadong restrictions. Para rin po ma-enganyo at tumaas ang vaccine confidence. Yung mga pribadong sektor may sarili ring mga inisyatibo tulad ng pagbibigay ng discounts. Welcome po ang lahat ng ito.

At kung patuloy na bababa ang bilang ng magkakasakit at tataas naman ang bilang ng bakunado, mas mabilis pa nating maibabangon ang ating ekonomiya at mas makakabalik na po tayo sa normal na pamumuhay pagdating ng panahon.

Kung ieexpand na natin ang rollout sa publiko, dapat na walang prejudice naman ito sa kabilang sa mga naunang priority groups. Pero kung merong ayaw magpabakuna na kabilang sa mga nasa priority list ngayon, ibigay na natin sa may gusto dahil habulan po ito. The bigger the population that gets vaccinated, the faster we can reach population protection and eventually herd immunity, para naman po sumaya ang ating Pasko, at makabalik na tayo sa ating normal na pamumuhay.

Alalahanin natin na bukod sa mga nasa A1 to A5 priority groups, mayroon pang groups B to C ayon sa ating vaccination program guidelines. Kasama pa rito ang mga guro, social workers, iba pang mga manggagawa sa gobyerno at iba pang mga essential workers na hindi pa kasama sa binabakunahan ngayon. Kabilang rin diyan ang mga OFWs na wala pang deployment sa loob ng apat na buwan at iba pang mga manggagawa na hindi kasama sa essential sectors. Kawawa naman po ang mga naghihintay na gusto nang magpabakuna.

Paano po tayo makapaghanda sa pagbabalik ng face-to-face classes pagdating ng panahon kung ang ating mga guro ay hindi naman bakunado? Paano naman makakabalik sa kanilang trabaho ang ibang mga OFWs natin na naghahanda pa para sa kanilang deployment at hindi pa pasok sa four month period? Paano naman ang ibang mga trabahante na patuloy na kumakayod para tumulong na maiahon ang ekonomiya at kanilang pamilya?

Huwag po natin silang pabayaan at pag-intayin pa dahil baka maunahan pa ng COVID-19 ang pagbabakuna nila. Pabilisin na natin ang rollout para mas maraming Pilipino ang maproteksyunan. Tutal, tuluy-tuloy naman ang pagdating ng mga bakuna sa bansa. Balansehin po natin ang lahat. Maraming salamat po.

News Latest News Feed