Press Release
September 13, 2021

Dispatch from Crame No. 1146:
Sen. Leila M. de Lima on the need to investigate Michael Yang

Matatandaan na isiniwalat noong 2019 ng dating Anti-drug operative at opisyal ng PNP-Drug Enforcement Group na si Eduardo Acierto ang pagkakasangkot diumano ni Michael Yang sa ilegal na droga. Sinabi ni Acierto na yung intelligence report tungkol dito ay hindi pinansin ng mga kinauukulang opisyal, kasama na si Duterte, na sa halip ay pinagtanggol pa si Michael Yang.

Dahil dyan, walang imbestigasyon na isinagawa sa Acierto exposé ang kahit ano mang ahensya - PNP, PDEA, NBI - at pati na ang Senado, sa kabila ng Resolusyon (P.S. Res. No. 1033) na aking inihain noong Marso 2019, na humihingi ng pagsisiyasat sa alleged drug links ni Michael Yang. Nai-refer ang Resolusyon na ito sa isang Komite, ngunit walang naganap na mga pagdinig. Hindi pinansin.

Sa Resolusyon na iyon, pinapabusisi ko rin yung pagtalaga noon kay Michael Yang bilang "Economic Adviser to the President" at ang mga implikasyon nito. Gusto ko ring malaman kung ano ang naging papel ni Michael Yang sa mga loan agreements na nilagdaan ng Pilipinas at China noong 2018 o panahon ng panunungkulan ni Michael Yang bilang Presidential Economic Adviser. Isa rito ay yung P4.3 billion Chico River Pump Irrigation Project na, ayon sa ilang mga sektor, ay isang "onerous, one-sided" na transaksyon.

Ang tanong ko noon, at ngayon - Tama ba na binigyan ang isang dayuhan ng ganyang pwesto sa pinakamataas na opisina sa gobyerno? Tama ba na ang dayuhang ito, isang Tsino, ay may ganyang access sa Pangulo, sa gitna ng maselang usapin ng pang-aagaw teritoryo ng China sa West Philippine Sea?

Ngayon na humaharap na sa Senado si Michael Yang, dapat mahalungkat ang tunay na pagkatao niya at ang lawak o saklaw ng kanyang relasyon, koneksyon at impluwensya kay Duterte. Marami ang mga dapat itanong.

Ano ba ang mga negosyo ni Michael Yang dito sa Pilipinas at sa China? Lehitimo ba ang mga yan? Kumpleto ba o malinis ang mga dokumento nito? Tama ba ang binabayarang buwis?

Ayon kay Duterte, isang "investor" daw itong si Michael Yang. Ano ba ang mga investments niya dito?

Bukod sa Pharmally, ano pa bang mga kumpanya o transaksyon ang pinakialaman niya bilang broker, middleman, guarantor o ano pa man ibang papel, para mailapit kay Duterte?

Sino pa bang mga opisyal sa gobyerno ni Duterte ang meron syang koneksyon?

Sino ang patron at sino-sino ang mga koneksyon ni Michael Yang sa China?

Sa panig naman ni Duterte, ano ang kapalit ng mga pabor na naibigay niya kay Michael Yang o sa mga nailapit nito sa kanya? Ano ang kapalit ng pakikipagkaibigan nya sa isang taong may kahina-hinalang karakter at reputasyon?

Kapag mahalungkat na ang katotohanan sa mga usaping ito, sigurado ako na malaki ang magiging mga pananagutan ni Duterte.

Malinaw na gaya ng kanyang kampanya kontra droga, isang huwad ang pinagmamalaking kampanya ni Duterte kontra korapsyon.

Hindi lang ICC case ang kakaharapin ni Duterte kundi pati na rin ang mga patong-patong na anti-graft at plunder cases.

Ready ka na sigurong tumakas sa China, Mr. Duterte.

(Access the handwritten version, here: https://issuu.com/senatorleilam.delima/docs/dispatch_from_crame_no._1146)

News Latest News Feed