Press Release
September 30, 2021

OPENING STATEMENT OF SENATOR RISA HONTIVEROS
Virtual Press Conference, September 30, 2021

Magandang umaga sa lahat.

Hindi natin hahayaan ang patuloy na pambababoy ni Atty. Topacio sa katotohanan.

Walang kasaysayan ng bribery ang opisina ko. Dahil kung kasaysayan rin lang ang pag-uusapan, ang meron kami ay history ng pagprotekta, pagtatanggol, at pagkalinga sa mga testigong lumalapit sa akin.

Mula noong 2017, sa kaso ni Kian de los Santos, ang mga testigo na inilapit sa akin ay sinuportahan ko, hanggang inilagay sila sa OSAA, hanggang malipat ng ibat ibang institusyon, para mailayo lang sila sa panganib. Sa kasong yan, pilit nilang inaagaw ang mga testigo sa kustodiya ng senado.

Hanggang kay Ivy, ang Taiwanese na biktima ng illegal recruitment ng POGO, hanggang kina Alex Chiong at Dale Ignacio na naglakas loob isuplong ang mga sangkot sa pastillas scam, kay Diana na nagpatotoo ng human trafficking sa Syria, at ngayon, ito ngang aming witness laban sa ma-anomalyang mga gawain ng Pharmally.

Sa lahat ng mga kaso na yan, kung mapapansin nyo, mga ordinaryong tao ang bumabangga sa mga may makapangyarihan at maimpluwensya. Kapag lumalapit sila sa amin, wala silang bitbit kundi ang tibay ng loob na ipaglaban ang katotohanan hanggang sa huli. Yan ang pinanghahawakan nila.

At huwag nating kalimutan syampre, umamin na si Ms. Mago, at kinoroborrate ang sinabi ng witness natin na sinu-swindle nila ang gobyerno. Sabi ko nga, natulad tuloy si Atty. Topacio sa mga face shields ng Pharmally: luma, nangingitim at expired na ang script nya. Style nya, bulok.

Ngayong umaga rin, kasama ko si Atty. Jaye Bekema ang aking Chief Legis, na isinabit pa nila sa kanilang mga kasinungalingan. Narito kaming dalawa ngayon, buong tapang na humaharap sa inyo. Hindi lang ito para igiit na malinis ang aming mga pangalan, kundi para manindigan laban sa mga panlilinlang at sa makinarya ng fake news.

News Latest News Feed