Press Release
October 9, 2021

Transcript of Senator Nancy Binay's Interview on dwIZ's Usapang Senado (hosted by Cely Bueno)

Ms. Cely Bueno (Q): Hi Ma'am, magandang hapon po.

Sen. Nancy Binay-Angeles (SNBA): Magandang hapon, Cely, at syempre magandang hapon sa lahat ng nakikinig at nanonood.

Q: Ma'am unahin ko muna, kasi katatapos lang nitong filing season. Si dating Vice President Jejomar Binay na nag-file ng certificate of candidacy para tumakbo sa pagka-senador. Pero 'di ba po, akala ko kasi nagkaroon ng negotiation para maging official candidate sa pagka-senador ng Reporma, itong Lacson-Sotto tandem. So ano po ba talaga, under what party tatakbo ang inyong ama?

SNBA: Alam mo naman Cely may sarili kaming partido, 'di ba, iyong United Nationalist Alliance. So nag-file ang aking ama noong Thursday, ito ang ginamit niya. So he is running under UNA.

Q: Pero magiging guest candidate po siya ng Reporma ni Sen. Panfilo Lacson?

SNBA: Actually, at the moment, parang aside from Reporma, may iba't ibang partido din na kinakausap ang UNA kung paano nga magkakaroon ng "meeting of the minds" pagdating sa 2022 elections. Pero sa amin siyempre, 'di ba, malaking tulong sa aking ama na dalhin siya ng iba't ibang partido. I guess ano yan, speaking from experience, dahil alam naman natin noong tumakbo ako noong 2019, walang ibang partido na nagdala sa akin. So talagang I was campaigning on my own, with the help of my seatmates. So parang, and iyong mga kasama din namin sa UNA.

Q: Pero hindi po ba mahirap ang ganoong sitwasyon Ma'am kung magiging sitwasyon din ng ama n'yo?

SNBA: Kaya nga ngayon kasi, may mga usapin na magiging ano siya eh, kumbaga dadalhin siya ng senatorial slate ng iba't ibang partido.

Q: Pwede po ba n'yong banggitin kung anong partido ang inofferan si VP Binay na maging guest candidate?

SNBA: Naku, siguro Cely mas maganda kung manggaling sa kanila at hindi sa amin. Antayin na lang siguro natin ang announcement nila, because at the end of the day it will be their decision kung kukunin nila as guest candidate ang aking ama.

Q: Pero kayo po bilang presidente ng UNA, iyong mga party ngayon na gustong kunin ang iyong ama, kayo po ang kinakausap o direktang kinakausap ang inyong ama?

SNBA: Pareho. Pareho naman, pareho kaming kinakausap.

Q: And then, siyempre bilang anak, actively ikakampanya ang inyong ama. Bilang presidente ng UNA, kayo po ba ang magiging campaign manager ng inyong tatay?

SNBA: Hindi ko alam kung pagdating doon sa campaign manager. But definitely, siyempre talagang tutulong tayo sa pagiikot at pangangampanya para sa kanya.

Q: Hindi ba naging concern ninyo mag-ama noong mag-decide siya tumakbong senador na, o baka punahin na "ayan, sa Senado may mag-ama, tapos baka mayroon na ring magkapatid", hindi n'yo po na-consider noong nag-decide siyang tumakbo bilang senador?

SNBA: Actually, I think noong iniisip pa lang niya, kumbaga noong nagbabalak pa lang siya kung tatakbo siya o hindi bilang senador, tinanong niya na ako kung okay lang ba sa akin na if ever tumakbo siya at manalo siya, magiging kumbaga magkasama kami sa Senado. Siyempre sabi ko naman I think he will be a welcome addition sa aming mga senador based sa experience niya. Saka alam naman natin, Cely, maraming magga-graduate ngayon na lalong lalo na iyong may legal background and experience on policies on the ground. Malaking kabawasan kami ngayon sa Senado dahil alam naman natin mawawala na si SP Sotto, Senate Pro Tempore Ralph Recto, at siyempre Minority Leader Frank Drilon. Kumbaga tatlong haligi yan, eh. I think crucial sa Senado na iyong mga bagong papasok ay mayroon ding ganoong kakayahan at expertise pagdating sa lalong-lalo na sa legislation.

Q: Iyon po ba ang isa sa mga kinonsider sa pagtakbo ng inyong tatay? Ano po talaga ang nagtulak sa kanya para tumakbo sa pagka-senador this coming election?

SNBA: I think iyon din siguro ang naging consideration niya. Kasi I guess noong nawala siya sa pulitika, mukhang mas nakita niya na I guess, iyong kakayahan niya, mas kailangan ngayon sa Kongreso. Kasi dito nga lalabas, 'di ba talaga namang human rights lawyer, sa career niya iyon ang unang naging trabaho. And iyong ganyang expertise, together with experience niya sa executive, iyon ang maibabahagi niya 'pag nanalo siya sa Senado.

Q: Mayroon din po talaga nag-udyok sa kanya, na "o sayang naman, takbo ka sa pagka-senador," o talagang personal niyang nakita na gusto ko? O may mga nagtulak po sa kanya?

SNBA: Naku hindi ko alam ang proseso talaga. Pero siguro nga nakita niya na maybe this time, kasi never pa siya naging part ng legislative eh. Laging executive, and then judiciary as a lawyer, 'di ba. So first time niyang if ever magiging bahagi ng legislative. Eh nakikita niya na mukhang this time magagamit din niya ang pagiging abogado niya in crafting the laws.

Q: So Ma'am ready ka na na maging seatmate ang iyong father in case na palarin po ang inyong tatay?

SNBA: Oo, ready na. Pero I guess pinalaki din naman kaming magkakapatid na independent-minded. Who knows, 'di ba, baka may scenario na nasa majority ako at siya naman ang nasa minority. Kasi I guess isa doon sa ini-issue na kapag magkakamaganak ang magkakasama sa Senado, nagiging automatic dalawang boto ang makukuha. I think sa amin hindi ganoon, hindi rin siya magiging automatic. Kasi iyon nga, pinalaki naman kami to use our critical thinking. But I'm sure, mas marami naman siguro iyong on the same line kami more than sa hindi. But, I'm independent from my father, in the same way na he's independent from me.

Q: Ang UNA ba, alam n'yo kung sinong susuportahan n'yong presidential candidate ngayong malinaw na kung sino ang mga sasabak sa pagka-presidente?

SNBA: Malinaw na ba? I think sa akin hindi pa. Siguro 'pag talagang alam na natin kung anong i-imprenta sa balota saka natin masasabi na malinaw na talaga kung sino ang tatakbo sa 2022.

Q: Naniniwala kayo Ma'am na magbabago pa? Nagulat po ba kayo nang mag-file ng COC si Sen. Bato dela Rosa?

SNBA: Syempre, hindi lang naman siguro ako ang nagulat. I'm sure kayo din nagulat, 'di ba, kasi sa mga usapin never lumabas ang pangalan ni Sen. Bato na magfa-file din pala siya for president.

Q: So sa mga nag-file, wala pa po presidential wannabes na lumapit sa UNA para hingin ang inyong suporta?

SNBA: Secret. 'Di ba lumabas na rin naman na nakikipag-usap kami sa Reporma. So, iyong paguusap patuloy lang, kasi at the end of the day tinitingnan din ng partido kung saan kumbaga mas may commonality than differences.

Q: Commonality sa mga gustong programa, paninindigan sa mga isyu, ganoon po?

SNBA: Yes. Dapat hindi magkasalungat ang mga posisyon...

Q: Bukod sa kampo ni Sen. Lacson, may iba pang presidential candidate na nanliligaw?

SNBA: Sabi ko secret nga. Iyong kina SP lumabas na kasi. But iyong iba I don't know if I'm in the position to disclose, 'di ba. But nakikipag-usap sila.

Q: Mga ilan po sila?

SNBA: Mga ilan? Marami. Marami-rami rin naman sa mga nag-file.

Q: Pati ba Ma'am itong sina VP Leni kasama sa humihingi?

SNBA: Ayoko manggaling sa akin, eh. Antayin na lang muna natin ang development kasi we're still in the process of, nandoon pa lang kami sa talking stage. So abangan ang susunod na kabanata. Sa February pa naman ang actual campaigning, 'di ba.

Q: Kahapon lumabas ang statement ninyo na pinuna n'yo na parang may pinapaburan dahil nakita na si Pangulong Duterte at senatorial candidates nagawang itaas ang kamay, na parang hindi na-observe ang health protocols. Although ang sabi ng Comelec pinalabas naman daw kasi mga PSG naman daw ang nandoon at ang mga supporters pinalabas naman daw po.

SNBA: Unang una nga, may policy ang Comelec, 'di ba, na kapag presidente ka, I think 3 ang pwede mong isama sa loob. Tapos 'pag senador ka naman, 2 lang ang pwedeng pumasok. So nagtataka lang ako kasi parang naging ano nila, parang hindi na siya, venue ng Comelec iyon 'di ba. So parang for me, iyong loob ng Sofitel dapat neutral ground. With that photo, parang inangkin ng isang partido ang venue, na doon pa sila nagtaasan ng kamay, may isa-isa, tapos group photo. Can you name another party na may ganoong litrato sa Sofitel tent? SIla lang, 'di ba? Alam naman natin na medyo nagkakaroon na ng isyu din dito sa Comelec dahil I think by Feb. next year, the whole commission will be appointed by the president. So kumbaga dapat mas ipakita nila sa mamamayan na talagang they're impartial. Eh sa akin, it was such a simple rule, eh bakit napakaliit na alituntunin hindi nasusunod, what more pa iyong ibang mga dapat sundin.

Q: May basehan ba para mangamba ang ilang kandidato kung hindi sila kandidato ng administrasyon considering na lahat ay appointee na halos ng kasalukuyang administrasyon ang nakaupo sa Comelec, or umaasa naman kayo na mananatiling patas at walang kikilingan itong mga opisyal ng poll body?

SNBA: Ako naman umaasa pa rin ako na they will be independent. Baka ang nangyari kahapon was just a lapse. But basically, kumbaga eye-opener sa kanila na may mga galaw sila na para sa kanila does not diminish their independence, but for others, may ganoong perception na naki-create. Baka hindi sila naging aware. In a way naiintindihan ko rin naman ang nangyari kasi at the end of the day, presidente ng Pilipinas 'yan. Give a certain courtesy dahil nga presidente ang pupunta. But you know, remember the Comelec was created as a constitutional body. So kumbaga sa Constitution natin, binigyan din naman siya ng powers to be independent of the executive, the legislative and the judiciary. So iyon lang. Sa akin they should be more conscious ng mga ganitong bagay that might create a perception na may kinikilingan sila.

Q: Si VP po ano, at least ngayon hindi na uso ang mga malawakang rally, so kayang-kaya pa niyang isulong ang kanyang campaign under our situation ngayon.

SNBA: Oo nga. Hanggang ngayon nga hinihintay pa namin ano ang magiging guidelines ng Comelec pagdating sa pangangampanya. Papayagan ba ang rally, kung may rally ilang tao lang ang pwede, paano ang social distancing. Antayin natin kung ano. Pero syempre iyong father ko sanay doon sa old school of campaigning, eh.

Q: At kaya pa niya.

SNBA: Kayang-kaya. Sabi ko nga sa'yo, umaga saka hapon naglalakad eh. So kung padamihan lang ng kakamayan na botante, kayang-kaya niya.

Q: With that, maraming salamat po sa oras, Sen. Nancy Binay.

SNBA: Thank you, and hope to see you soon.

News Latest News Feed