Press Release
September 23, 2022

PAHAYAG NI SENADOR RISA HONTIVEROS SA PAGDIRIWANG NG PAMBANSANG ARAW NG MGA MARINO

Sa araw na ito ay kinikilala natin ang hindi matatawarang kontribusyon ng mga marinong Pilipino, hindi lang sa lokal na ekonomiya, kundi sa pandaigdigang merkado.

Maraming pagbabago ang ibinunga ng pandemya, isa na ang paglaganap ng komersyo sa internet. Halos lahat ay sa online na bumibili ng kanilang mga pangangailangan at pang-negosyo -- mula sa damit, gamit sa bahay, pagkain at iba pa. Lahat man ay nagbago, nananatiling napapanahon ang papel ng mga marino. Sinisigurado nilang nakakarating sa atin ang mga inaangkat na produkto pati na ang mga parcel na inaabangan natin.

Sa muling pagbubukas ng turismo sa mundo, unti-unti na ring bumabalik ang mga cruise ships kung saan karamihan ng mga manggagawa ay mga kababayan nating Pilipino. Sila rin, sa kabila ng pansamantalang paghinto ng industriya, ay muling nakipagsapalaran upang masiguro na makabuluhan ang bakasyon ng mga turista.

Sa kabila ng lahat ng hirap at panganib na kanilang sinusuong upang magampanan ang kanilang tungkulin, kulang na kulang pa rin ang benepisyo at suportang natatanggap nila.

Dumarami na rin ang mga kababaihang marino na namamayagpag sa industriya. Dahil kabilang sa bulnerableng sektor, dapat na sila ay kasamang mabigyan ng proteksyon laban sa ano mang uri ng pang-aabuso.

Hiling ko na sa pagdiriwang natin ng National Seafarers Day ay panatilihing buhay ang panawagan para sa dagdag-proteksyon at bigyang halaga ang kapakanan ng bawat tripulanteng Pilipino at kanilang mga pamilya.

Tuluy-tuloy nating isinusulong ang Magna Carta of Seafarers na magbibigay ng libreng legal assistance sa mga biktima ng pang-aabuso, reintegration program sa mga uuwing seafarers kasama ang kanilang pamilya, makapagbigay ng benepisyong medikal para sa mga nagkakasakit sa trabaho, at ipagkaloob sa kanila ang karapatan na sila ay makapag-organisa.

Higit sa pagkilala at pagsaludo, ibigay natin sa ating mga marinong Pilipino ang mga benepisyong karapat-dapat ay sa kanila.

News Latest News Feed