Photo Release

November 14, 2022

Revilla namahagi ng tulong sa Antique: MAINIT na sinalubong si Sen. Bong Revilla Jr. ng mga tao nang magtungo ito San Jose , Antique para mamahagi ng tulong sa libu-libong residente na naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Paeng.

Kasama ni Revilla si Antique Governor Rhodora Cadiao na namahagi ng Family Food Packs, relief packs at financial assistance sa mga residente na karaniwan ay nawalan ng tahanan at kasalukuyang naninirahan sa mga evacuation center.

“Si Sen. Bong Revilla ang kauna-unahang Senador na pumunta sa ating probinsiya matapos tayong masalanta ng Bagyong Paeng” Ito ang bahagi ng pahayag ni Gov. Cadiao bago niya ipinakilala si Revilla sa entblado ng Antique National High School na punung-puno ng mga tao.

Dumalo rin Vice Gov. Edgar Denosta, Hamtic Mayor Jun-jun Pacificador, BM Maye Plameras, BM Victor Condez, BM Emmanuel Palacios, BM Pio Dumande, BM Dante Beriong at SP Rony Molina na lahat ay sumama kay Revilla sa pamamahagi ng tulong.

Nagsagawa rin ng site inspection si Revilla sa Nagdayao Pis-Anan Road kung saan halos 700 metrong habang kalsada ang nawasak dahil tinangay ng baha at kasama umano ito sa mga prayoridad na dapat matugunan dahil hindi makatawid ang mga sasakyan.

“Kaya sabi ko nga, sa lahat ng haharapin na pagsubok ng ating mga kababayang Pilipino, kasama n’yo ako sa pagbangon at hindi ko rin kayo kalilimutan” saad ni Revilla.

Photos