Press Release
February 17, 2010

Transcript of radio interview of Senate President Juan Ponce Enrile
Maayung Buntag Agusan @ DXDA Radyo Agusan

Accomplishments of the Senate

Q: Manong Johnny, kumusta na po ang status ng Senado ngayon matapos ang ilang kontrobersiya?

JPE: Mabuti naman. Ang Senado ay nagtapos ng maraming nagawang batas. Ang hindi lang namin natapos ay ang NTC Bill dahil nag-boycott nga ang mga kasama ni Senator Villar at nawalan ng quorum. Pero maganda ang naging resulta ng Senado ninyo. Nagtrabaho kahit maraming issues na tinatalakay at maraming batas na tinapos. 'Yun lang report na nasasangkot si Senator Villar ay hindi tinapos dahil nag-boycott nga 'yung kanyang mga kasamang senador.

Morong 43

Q: Oho. Nasubaybayan ho 'yun ng ating mga kaibigan. Manong Johnny, kamakailan lamang po ay may dinakip na mga health workers ang ating Philippine Army particular ho sa Morong , Rizal, 'yun pong tinaguriang Morong 43. Sabi ay mga miyembro raw ng New People's Army. Tapos sabi pa rito ay magsasagawa raw ang Philippine Army ng imbestigasyon. Bilang Secretary ng DND at DOJ dati, ano po ang opinyon niyo rito?

JPE: Kung 'yung mga 'yon ay may kaso, dapat sa pulis sila. Pero membership ng Communist Party, hindi na krimen 'yan. Na-legalize na 'yung Communist Party. Ngayon, kung mga doctor 'yan at may medical mission lamang ay bakit nila dadakipin? Kung walang mga baril ay bakit mo dadakipin? Kung nag-uusap o nag-seseminar lamang ay bakit mo dadakipin? Kaya medyo may kwestiyon 'yan. Dapat diyan, 'yung Philippine Army ay sinurrender sila sa kapulisan at inembistagahan kung meron silang kasalanan. Kung walang kasalanan, dapat ay pinakawalan sila. Kung may kasalanan, dapat ay chinarge sila. Huwag nilang pipiitin sa Philippine Army 'yung mga tao sapagkat walang police power 'yung Philippine Army.

Q: Sinasabi pa raw na tinorture ang mga health workers tapos 'yung isa pa raw ay minolestiya...

JPE: Ngayon, kung meron niyan ay dapat kasuhan 'yung mga sundalong gumawa niyan. Pang-aabuso na 'yan. Hindi dapat mangyari 'yan.

Comelec

Q: Manong Johnny, kahapon po ay meron akong nabasa at medyo kumambiyo ang Comelec sa isyu ng mga TV personalities, mga artista ho natin, na nag-eendorso doon sa mga pulitiko na gusto nilang manalo for the 2010 election. Ano po ang reaksiyon ninyo rito sa panawagan ng Comelec na dapat mag-leave ang mga TV personalities?

JPE: Dapat 'yung Comelec ay pag-aralang mabuti 'yan. Ako, kontra doon sa kanilang posisyon. Ang dapat gawin nila diyan, either limitahan nila ang number ng showbiz endorser sa isang kandidato o kaya 'yung mga kandidato ang pagbawalan nila na kumuha ng mga showbiz endorsers. Pero kung naghahanap-buhay lang 'yung mga tao, kagaya ng mga nasa media, bakit mo sila pagbabawalan na mag-eendorse ng kung sino o magbabanggit ng pangalan ng kandidato? Kagaya mo, binabanggit mo ang pangalan ko, bakit ko ipagbabawal sa iyo na banggitin ang pangalan ko? Matatalo ang Comelec kapag nagpunta sa Korte 'yang kaso na 'yan.

Brownouts

Q: Manong Johnny, isa po sa napakainit na balita ngayon ay ito pong kakulangan sa supply ng kuryente. Dito nga po sa amin sa Agusan del Sur, maswerte na itong magkasunod na dalawang gabi na walang nangyaring brownout. Mayroon ngang mga provincial officials namin dito na naiinis na rin sa supply ng kuryente dahil hindi lamang short time ang brownout. Napakalawak ng oras na kinakain ng brownout dito po sa amin. Ayon po sa Malacañang, posibleng makaranas pa ang ibang parte ng bansa ng kawalan ng kuryente sa darating na mga panahon lalong-lalo na at hinaharap natin ang El Niño phenomenon. Tataas po ba ang presyo nito at ano po ba ang solusyon dito?

JPE: Unang-una, bakit kulang ang kuryente? Dahil ba walang tubig sa mga hydroelectric dams natin? So, kung walang tubig, walang kuryente. 'Yung geothermal naman natin ay natutuyo rin 'yan dahil kung kulang ang ulan ay walang tubig na sisipsipin ang lupa. Wala ring lalabas na steam kaya kukulangin. Ngayon, ang gagawin dapat ng gobyerno diyan ay mag-deploy ng mga electric power barges nila in the meantime. At sigurado, dahil dito sa nangyayaring tagtuyot ngayon buhat ng El Niño at walang tubig ang hydroelectric power plants, tataas ang presyo ng kuryente. Pero hindi permanent 'yan. Pagdating ng ulan, babagsak ulit 'yung presyo ng kuryente sapagkat aandar ulit 'yung mga hydroelectric power plant. Mura 'yung kuryente na nanggagaling diyan sa hydroelectric power plant natin. Kaya kung merong kakakulangan ng supply sa Mindanao, dapat ang gobyerno ay mag-deploy ng temporary power plants, 'yung dala ng mga barges.

Q: Meron po ba kayong batas na isulong para mapababa 'yung kuryente?

JPE: Marami, nandoon at nakatambak sa House of Representatives. Hindi naaprubahan. 'Yung amendment ng EPIRA, Power Reduction Bill para 'yung natural gas sa Malampaya Sound ay ibaba ang presyo ng P1.70 per kilowatt/hour. Dapat ipatas sa imported krudo at imported coal na P0.22 lamang. Hindi nangyayari 'yon. Pagkatapos tinatanggal ko 'yung VAT sa transmission cost at distribution cost ng elektrisidad. Malaki 'yan. Hindi inaaprubahan doon sa House of Representatives.

Q: So ang status po ng mga ito ay pending pa po?

JPE: Pending na 'yon. Matagal na 'yon. Mayroon sigurong isang taon na 'yon na nag-aantay ng approval ng House of Representatives.

Disappearing Load

Q: Manong Johnny, naging matunog po ang pangalan niyo last 2009 dahil po sa pagkawala ng inyong cellphone load na naging ugat na rin po ng pagpasa ng batas para po mapababa ang singil ng mga cellphone networks po natin.

JPE: 'Yang problema na 'yan, marami na kaming nagawa diyan. 'Yung expiration date ng mga prepaid loads, humaba na. 'Yung mga nawawala na prepaid loads, naayos na. Meron pang mga ilan-ilan na nakukunan ng free load pero maayos 'yan. Ang kasalukuyan na inaayos ngayon, at meron ng order ang NTC diyan, ay 'yung pagbaba ng presyo ng voice call. Palagay ko, tutuparin ng mga telephone companies 'yan sapagkat nagsalang sila ng kaso kontra sa NTC pero binasura ng Korte. Kaya wala na silang dahilan kung hindi sumunod sa order ng NTC para ibaba 'yung presyo ng voice call. Q: Salamat po kung magkaganon at tuluyan nilang ibaba 'yung voice call. Sa ngayon, makakatawag ho kayo, makakamura ho kayo pero marami pa pong pasikot-sikot na dadaanan.

JPE: Hindi lang 'yon. Ngayon, pagbukas ng telepono mo at naputol ka after several seconds, mag-dadial ka, P6.00 ulit. Hindi na mangyayari 'yan. Ang mangyayari ngayon, kapag na-konek ka P3.00 at kapag naputol ka P3.00 na lang at hindi P6.00.

Mindanao Bill

Q: Mapunta ho tayo sa ibang issue. Ito pong MinDA Bill ay importante sa pagsulong po ng Mindanao at kamakailan po ay sumulat ang Kusog Mindanao sa inyo para mapabilis po ang proseso nito. Ano po ang pwede niyong maitulong ukol dito?

JPE: Tapos na sa akin 'yan. Nandoon na sa Malacañang. Agad-agad ay pinirmahan ko 'yang Mindanao Economic Development Authority. Alam kong importante sa Mindanao 'yan kaya tinapos ko agad. Pagdating sa akin nung printed Bill, wala pa sigurong isang oras ay pinirmahan ko na. Tapos na. At matagal ko ng tinapos 'yan, mayroon na sigurong mga tatlong linggo na tinapos ko 'yan.

News Latest News Feed