Press Release December 30, 2017 MENSAHE SA PAGGUNITA NG ARAW NI GAT JOSE RIZAL Bayaang ang aking maagang pagpanaw Idalangin mo rin ang kinapos palad Iyong idalangin ang bawa't ulila Mula ang mga linyang ito sa tulang "Huling Paalam" ni Gat Jose Rizal na isinulat niya bago ang kanyang kamatayan sa noo'y Bagumbayan. Sinasalamin ng akdang ito, na hanggang sa huling mga sandali ng kanyang buhay, nanaig ang kanyang malasakit sa mga namatay sa pagdurusa, sa mga naaapi, sa mga inang naulila at ang hangaring makamit ng bansa ang tunay na paglaya. Malinaw po: Si Gat Jose Rizal ay bilanggong pulitikal ng isang mapaniil at malupit na pamahalaang Kastila. Sa pagtataguyod ng reporma, sa pagtatanggol ng karapatang pantao, sa paglalahad ng katotohanan ukol sa baluktot na patakaran ng gobyerno, ipinakulong siya at hinatulan sa kasalanang hindi niya ginawa. Siniraan ang reputasyon at pangalan ng mga gawa-gawang paratang ukol sa rebelyon at destabilisasyon. Mahigit isang siglo na ang nakalipas, naritong muli ang isang mapaniil at mapang-abusong gobyerno--walang pakundangan sa paghihirap ng maralita, pinapatay ang mahihirap at walang kalaban-laban, ginigipit ang malayang pamamahayag, ipinakukulong ang inosente at kinakasuhan ang mga humahadlang sa kanilang mala-diktador na pamamahala. Sa kabila ng maaliwalas na pamumuhay, puwede sanang nanahimik na lamang ang isang gaya ni Gat Jose Rizal, nagbulag-bulagan at nagwalang kibo sa katiwalian at karahasang nasasaksihan niya sa lipunan. Pero nangibabaw ang kanyang pagmamahal sa bayan. Ang kanya ngang sakripisyo ang nagbunsod sa pagkamulat ng maraming Pilipino upang sama-samang kumilos at manindigan para sa katotohanan at katarungan. Tinatawag ang bawat isa sa atin na isabuhay ang prinsipyong itinaguyod ni Gat Rizal, at ng mga Pilipinong nakipaglaban para sa ating kasarinlan. Sama-sama nating buhayin at pag-alabin ang aandap-andap nang liwanag ng katarungan at pag-asa sa ating bayan na pilit kinikitil ng kasalukuyang pamahalaan. LEILA M. DE LIMA Custodial Center, Camp Crame 30 Disyembre 2017 |
Thursday, April 24
Wednesday, April 23
|