Press Release
July 24, 2018

TAGUMPAY NI PACQUIAO KINILALA NI ANGARA, SENADO

HINIMOK ni Senador Sonny Angara, sa pamamagitan ng Resolusyon No. 799, ang mga kapwa senador na bigyan ng panibagong pagkilala at papuri ang isa na namang karangalang ibinigay ni Senador Manny Pacquiao sa Pilipinas kasunod ng seventh round TKO victory nito kontra Lucas Matthysse nitong nagdaang Hulyo 15 sa Axiata Arena sa Kuala Lumpur, Malaysia para maagaw ang WBA welterweight belt ng Argentine boxer.

Ayon kay Angara, karangalan niya ang makasama sa bulwagan ng Senado ang isang Manny Pacquiao na patuloy na nagbibigay parangal sa bansa. "Karangalan ang makasama natin sa bulwagang ito bilang isang senador ang isang Manny Pacquiao na kinikilala at pinararangalan sa Pilipinas, maging sa buong mundo sa loob at labas ng lona o boxing ring," ayon sa bahagi ng Resolusyon No. 799 ni Angara.

Ayon pa sa mambabatas, hindi biro ang hirap na pinagdaanan ng Pambansang Kamao at kapuri-puri ang ipinamalas nitong kabayanihan.

"Nitong July 15, 2018, muling pinatunayan ng ating boxing legend ang kanyang bangis sa laban. Sa ikapitong round, via technical knockout, pinaluhod ni PacMan ang kanyang katunggaling si Lucas Mathysse sa kanilang engkwentro sa Kuala Lumpur," ani Angara.

"Sa edad na 39, pinatunayan ng ating kagalang-galang na kasamahan ang kasabihang "kalabaw lang ang tumatanda" dahil yumukod sa kanya ang mas nakababatang kalaban. His victory over Mathysse, Mr. President, only proves that Pacquiao remains formidable, fearless and a fighter his challengers should be wary of."

Tingin pa ng senador, kayang-kayang muling magwagi ni Pacquiao sa susunod niyang laban, isa sa mga posibleng makaharap nito ang humahamong 31-anyos na Briton at dating sparring partner ni Pacquiao na si Amir Khan.

"Nabalitaan po natin na may isa na namang tila nakatakdang humarap sa ating Pambansang Kamao -- isang batambatang challenger -- 31-anyos na Briton na nagngangalang Amir Khan. Bigatin man o mas nakababata -- kayang-kaya ni Senador Manny 'yan. Sino pa ba ang mag-aalangan sa kakayahan ng isang Manny Pacquiao na meron nang animnapung (60) panalo at pito (7) lang ang talo?," patuloy ni Angara.

Dagdag ni Angara, sakaling magretiro na si Pacquiao sa boksing ay mananatili ang suporta niya rito at tutulong siya sa mga programang pampalakasan bilang chairman ng Senate Committee on Sports. "Handa pa rin tayong magtrabaho para isulong hanggang sila'y maisabatas ang iilang panukala para sa pagpapalakas ng sports sa bansa, tulad ng pagtatag ng Philippine Amateur Sports Training Center," wika pa ni Angara, siya ring chairman ng Samahang Basketbol ng Pilipinas at isang manlalaro ng basketball na bahagi ng Senate Sentinels na kalahok sa UNTC Cup 2018.

"Muli, sa pagkakataong ito G. Pangulo (Senate President), hinihimok ko ang lahat na narito sa kagalang-galang na bulwagang ito na ipaabot natin ang taos-pusong pagbati kay Senador Manny Pacquiao sa isa na namang karangalan na inialay at ibinigay niya sa ating bansa. Maraming salamat po!," pagtatapos ni Angara.

News Latest News Feed