Press Release
April 20, 2021

DWWW 774 Interview ni Sen. Win Gatchalian kasama si Joel Gorospe ukol sa One Filipino, One Bank Account

Q: Paano ang mga Pinoy na walang pang-open ng bank account lalo't may standard value na hinihingi ang mga bangko?

SEN. WIN: 'Yung konsepto nito ay nanggaling sa pangyayari ngayon sa pandemya at nakita natin kung gaano kahirap magbigay ng ayuda sa ilalim po ng pandemya. Kung makikita natin ang SAP 1, 'yung Social Amelioration 1, umabot ng halos tatlong buwan bago natapos 'yun. 'Yung SAP 2 ganundin umabot din ng ilang buwan bago matapos. Ngayon itong ayuda na ibinibigay ngayon, binigyan lang ng 15 days ang mga lokal na pamahalaan para mag-distribute pero alam naman natin na hindi ganun kadali mag-distribute ng pera.

Q: Naalala ninyo nung lockdown ang mga ayuda idinaan sa mga Palawan, Cebuana tapos pila-pila tao.

SEN. WIN: Correct. So dapat gumamit tayo ng makabagong teknolohiya, ng modernong pamamaraan at isa dito ay magbigay na tayo ng bank account sa ating mga kababayan. Mandato na. Hindi ito taumbayan ang magbubukas kundi gobyerno ang magbibigay nang walang minimum deposit. So for example, Joel ikaw mabibigyan ka rin naman ng national ID siguro sa darating na panahon at itong national ID nakakabit na dito ang bank account mo. For example, Landbank walang minimum balance 'yan ha. Tapos for example kailangan ka tulungan, let's say lang may programa ang gobyerno na dapat magbigay ng ayuda, hindi na ibibigay itong ayuda sa iyo na physical na pera. Idedeposit na kaagad diretso sa account mo at bahala ka na kung paano mo kunin 'yun. Pwede kang pumunta sa bangko, pwede kang pumunta sa ATM, pwede ring internet ngayon thru GCash so bahala ka na paano mo kukunin 'yun. Mas mabilis ngayon ang pagbibigay ng ayuda.

Q: Alam niyo ang mga GCash na 'yan useless din 'yan kung wala kang bank account, hindi mo alam kung saan mo iwi-withdraw ang pera, tulad niyang GCash na 'yan, kung may bank account ka maganda sana. Ang problema lang, meron tayong minimum balance tapos minsan ang problema paano kung walang government IDs?

SEN. WIN: Kaya dito sa ating panukala, walang minimum balance. Meron tayong dalawang napakalaki, dambuhalang government bank, ito ang Landbank at DBP sila na ang magbibigay ng bank account sa iyo automatic. Hindi mo na kailangan magpakita ng ID dahil lahat tayo mabibigyan national ID mandato na 'yan ng batas. So itong national ID mo meron ka nang national ID number doon nakakabit na 'yan sa bank account mo.

Q: Pero sana huwag 'yung bank account tulad ng tinatawag nilang cash card kasi hindi mo pwedeng lagyan ng savings at may expiry date.

SEN. WIN: Ito walang expiry date ito habang andyan ka ang bank account mo ay andyan. At hindi lang naman ayuda ang ibinibigay, may scholarship program, may iba pang programa ang pamahalaan na nagbibigay ng tulong. Nakita ko ang pagbibigay ng cash, pagbibilang ng cash, paglalagay sa envelope, katakut-takot na hirap ang pinagdaraanan ng ating mga kawani sa gobyerno at ang nakakatakot din dahil nga lumalabas sila nagdi-distribute ay baka mahawaan din sila, mawawalan tayo ng magdi-distribute.

Q: Magandang shift ito since cashless na ngayon ang transaction. Ang isang tanong dito ang isyu ng data privacy lalo't alam nating naha-hack din ang system ng cashless payment. Kapag ganun, sino po ang hahabulin ng consumers?

SEN. WIN: Dalawa 'yan, unang-una meron tayong National Data Privacy Commission na talagang babantayan ang ating privacy. At pangalawa meron tayong mga ahensya kagaya ng DICT na tinitignan naman ang mga hackers so protektado ang ating information at protektado rin ang ating bank account. At mas safe sa bank account dahil kapag physical cash, ilalagay mo sa bahay mo baka maholdap ka pa, manakawan ka pa. Sa bangko hindi mawawala 'yan as long as buhay ang account mo, andyan lang ang cash mo.

Q: Marami pa rin pong hindi marunong sa ATM. Itong DICT at iba pang sangay ng gobyerno, sila ang magiging sumbungan o magmomonitor sa transaksyon?

SEN. WIN: Correct. At ang tao natututo. Marami tayo, like for example ang mga magulang ko senior citizen na rin pero gumagamit pa rin sia ng ATM at mas kumbinyente dahil wala na silang inaalalahanan na cash kumbaga diretso na lahat sa bangko. Kagaya ngayon, nakita ko rin ang pagdi-distribute pinag-uusapan natin dito almost 60-70 million katao na bibigyan ng ayuda so ang hirap kasi imagine 60-70 million, maglalagay ka sa envelope, kukuha ka ng cash, talagang katakut-takot na oras at trabaho ang ginagawa.

Q: Saka 'yung pila ng tao.

SEN. WIN: 'Yun ang mahirap pa 'yung pila.

Q: Lalo na kapag ayuda ng gobyerno, magkikita-kita sa covered court, hindi natin alam ngayon.

SEN. WIN: Correct, lalo na sa pandemya mahirap. Hindi pwedeng magkumpol-kumpol ang tao pero ganun ang nangyayari, minsan nag-uunahan. May nakita nga ako sa balita kahapon, 3am nakapila na ang tao, para pagbukas ng ATM ay makukuha na nila, kawawa ang tao.

Q: Paano ang hindi masyadong techie lalo'y maraming Pinoy na lumang modelo ang gamit?

SEN. WIN: Dapat matuto tayo, Joel dahil diyan na papunta ang buong mundo. Ang paggamit naman ng ATM o pagbubukas ng bank account, hindi naman ganun kakumplikado dahil sa sistema na pinag-iisipan natin, bibigyan ka ng bank account, bibigyan ka ng ATM. Pagdating ng pera pwede ka pumunta sa bangko o sa ATM, 'yung pinakamalapit sa iyo. At paggamit ng ATM ngayon hindi naman kumplikado very clear naman ang instructions, sasaksak mo ang card mo, 'yung pin at lalabas naman ang pera. So ibig sabihin matuto rin tayo dahil para sa kabutihan din naman natin ito.

Q: Magiging epektibo po kaya ang online payments kung may problema sa internet connectivity?

SEN. WIN: 'Yun nga. Dapat talagang ayusin 'yan. Hindi pwedeng hindi maayos 'yan dahil ang internet connectivity natin ay talagang mahina pa rin so patuloy din talaga dapat ayusin ng ating mga telcos.

Q: If ever po ang magiging bangko ay mga government-owned?

SEN. WIN: Correct. Landbank and DBP.

Q: Maraming masungit diyan, Sir?

SEN. WIN: Dapat mag-improve din sila, maging customer friendly rin sila.

Q: Tatawagin itong One Filipino, One Bank Account?

SEN. WIN: Correct, 'yun po ang title nitong proposal natin at parang kaakibat ito ng national ID natin. This year meron na tayong 20 million na mga kababayan natin na mabibigyan po ng national ID at itong bank account ay kaakibat ng national ID.

Q: May minimum deposit ba ito?

SEN. WIN: Wala naman, wala naman. Dito sa proposal natin automatic nga, di mo na kailangan buksan. For example, meron ka nang national ID bubuksan na agad ng gobyerno ang bank account mo, ipapadala na sa iyo ng gobyerno ang iyong passbook, ATM card automatic na siya agad.

Q: Magandang kasabay nito ang national ID para wala nang hingin pang dokumento?

SEN. WIN: Oo, ngayon meron na tayong national ID kahit na wala kang passport or ang trabaho mo kasi marami tayong mga kababayan ang trabaho pang-araw-araw, kunwari tindera ka so wala ka namang ID na ganyan so automatic na ngayon ang national ID bibigyan ka ng national ID at itong One Filipino, One Bank Account ay bibigyan ka ng bank account.

Q: Maganda ito kasi madali ang record.

SEN. WIN: Correct, madali ang record kasi sa Landbank at DBP.

Q: Alam na alam kung sino ang mga mahihirap na nag-open

SEN. WIN: Kagaya ng mga magsasaka natin, marami tayong ayudang binibigay diyan, sa mga mangingisda natin, sa agri pero ang pagbibigay din manu-mano so ngayon diretso na with your bank account, diretso na agad sa magsasaka natin.

Q: Wala nang daraanan baka mapulitika pa?

SEN. WIN: Totoo rin 'yun. May nakikita akong ganyan din. Saka maraming doble-doble, nung isang araw lang nakita ko may patay. Ngayon with national ID at ganitong bank account, 'yung patay matatanggal na 'yun.

Q: Hindi na mabubuhay ang patay. Kasi physically they have to go to the bank.

SEN. WIN: Correct.

Q: Meron bang counterpart sa Kongreso?

SEN. WIN: Ito po ay ihahain pa lang natin sa Senado at marami tayong mga kaibigan sa Kongreso na gusto rin itong konseptong ito so hindi ko nakikitang problema ang paghahain ng panukalang batas na ito.

Q: Sana mapabilis dahil hindi natin alam hanggang saan ang pandemyang ito.

SEN. WIN: Correct, maaaring tumagal pa. Marami ngang nagsasabing dalubhasa na pwede pang tumagal. Mga international na dalubhasa kaya dapat maghanda lang tayo.

Q: Sumabay na rin sa pagbabago.

SEN. WIN: Correct, 'yung mga pangit na katangian 'yun ang baguhin.

Q: Mensahe sa publiko

SEN. WIN: Unang-una, Joel maraming salamat at sa DWWW isa sa pinakasikat at kilalang-kilalang istasyon dito sa amin sa Valenzuela. Totoo 'yan. Hindi kita binobola lalo na sa mga senior citizen natin kaya thank you very much.

News Latest News Feed