Press Release
March 1, 2023

SPEECH OF SENATOR MANUEL "LITO" M. LAPID
ON P.S. RES. NO. 316

RESOLUTION
CONGRATULATING AND COMMENDING THE WINNERS OF THE 2022 GALING POOK AWARDS

Mga ginagalang kong kasama sa bulwagang ito, isang karangalan para sa akin na mag-sponsor ng resolution nating ito na nagbibigay_pugay sa sampung mga programa mula sa mga lokal na pamahalaan na nagwagi sa 2022 Galing Pook Awards.

Ang Galing Pook Awards ay unang inilunsad noong 1993 kung saan nagkaroon ng pambansang kampanya para sa pinakamakabago at malikhaing mga proyekto ng mga lokal na pamahaaln na nagbibigay solusyon sa mga pangkaraniwan at pang araw-araw na suliranin na kinakaharap ng ating mga kababayan. Sinusuri sa pamamagitan ng isang multilevel screening process batay sa mga positibong resulta at epekto, pagsulong ng partisipasyon at empowerment ng mga mamamayan, innovation, transferability at sustainability at kahusayan ng paghahatid ng serbisyo ng programa sa komunidad.

Ang mga itinanghal na nagwagi ng Galing Pook Awards taong 2022 ay ang mga sumusunod:

THE GREEN WALL OF ALCALA (ALCALA, CAGAYAN)

Pagkatapos maranasan ang pinakamalalang pagbaha sa loob ng isang siglo, na sumalanta sa sampung libong (10,000) pamilya at nagpalubog sa limang libong (5,000) kabahayan. Inilunsad ng lokal na pamahalaan ang Green Wall of Alcala na may layuning magtanim ng mga puno sa malawak na bahagi ng bayan at gamitin ang pamamarang "agro-forestry" sa pagsasaka upang iwasan na muling maulit ang pangyayaring tinaguriang "100-year old" flood.

ADVANCING AND SUSTAINING GOOD GOVERNANCE AND COMMUNITY ACTIONS TOWARDS RESILIENCY AND EMPOWERMENT (BASILAN PROVINCE)

Ang peace and good governance initiatives ng pamahalaang panlalawigan ng Basilan kung saan mahigit 364 na mga kasapi ng mga rebeldeng grupo ang matagumpay na napababa ang armas at nagbalik sa kanilang komunidad kung saan sila ay mapayapang nagsasaka at nangingisda.

BATAAN PUBLIC-PRIVATE PARTNERSHIP PROGRAMS (BATAAN PROVINCE)

Ang programang public-private partnership ng pamahalaang panlalawigan ng Bataan ay magandang halimbawa ng pagtutulungan at pagkakaisa ng pamahalaan at ng pribadong sektor para sa pagsusulong ng kaunlara ng bayan. Isa sa matatagumpay na proyekto sa ilalim ng Bataan Public-Private Partnership Programs ay ang "The Bunker" isang seven-story na haligi na tatayong sentro ng pamahalaang panlalawigan ng Bataan.

BALIK-BIÑAN PROJECT: TOURISM DEVELOPMENT THROUGH HERITAGE CONSERVATION (BIÑAN CITY, LAGUNA)

Ang proyekto ng pamahaalng bayan ng Biñan ay may layuning panatilihin ang lokal na kasaysayan at tradisyon ng bayan ng Biñan. Isinama ng pamahalaang lungsod ang pagkakakilanlang pangkultura nito sa mga pangunahing proyekto ng pamahalaang sa edukasyon, kalusugan, agrikultura, pabahay at imprastraktura, kapayapaan at kaayusan at pag-unlad ng ekonomiya. Ang pamamahalang nakabatay sa kultura ay naging isa sa mga pangunahing prayoridad ng lungsod. Nanguna ito sa mga pagsisikap sa muling pagpapasigla sa bayan ng Biñan na mayaman sa kasaysayan at kultura.

FROM BLACK TO GREEN: FISHPONDS, ECO-TOURISM AND FULL EMPLOYMENT (BRGY. CAYABU, TANAY, RIZAL)

Ang pagsusulong ng pamahalaang bayan ng Tanay sa Barangay Cayabu ng food security at sustainability sa gitna ng pandemya at epekto ng climate change sa malalayong lugar ng mga kabundukan ng Tanay. Sa pagtutulungan ng pribadong sektor at ng pamahalaan sinisigurong may sapat na pagkain sa hapag kainan at dagdag na pagkakakitaan ang mga pamilya sa pamamagitan ng komprehensibong programa sa agrikultura.

TREKKING TO UNLOCK COMMUNITY AILMENTS AND DIFFICULTIES (TUCAD) (GOA, CAMARINES SUR)

Ang pagmomobilisa ng mga volunteers ng pamahalaang bayan ng Goa upang maabot at mabigyan ng serbisyong medikal ang kanilang mga kababayan nakatira sa mga liblib at malayong lugar sa kabundukan.

"I-BIKE" A PROGRAM PROMOTING THE DEVELOPMENT OF THE ILOILO CITY BIKE CULTURE (ILOILO CITY);

Ang programa ng pamahalaang panlungsod ng Iloilo na nagtataguyod ng alternatibong transportasyon at pagpapalaganap sa kamalayan ng mga mamayan ang malasakit sa kapaligiran at kalusugan, gayundin ang pagpapalawak ng mga bike lanes sa lungsod.

YARU: A WHOLE-OF-COMMUNITY APPROACH TOWARDS DISASTER MANAGEMENT (ITBAYAT, BATANES)

Matatagpuan sa hilagang dulo ng bansa, ang munisipalidad ng Itbayat ay lantad sa malalakas na serye ng mga bagyo taun-taon. Gayunpaman, napapapanatili nila ang zero-casualty record sa pamamagitan ng kanilang diwa ng sama-samang pagkilos na kilala bilang "Yaru". Dahil sa "Yaru, ang buong komunidad ay nagsasama-sama upang tulungan ang isa't isa na maghanda, umunlad, at makabangon mula sa bawat sakuna.

LIBERTAD FISH FOREVER SAVINGS CLUB (LIBERTAD, ANTIQUE)

Ang proyekto ng pamahalaang bayan ng Libertad na may layuning tugunan ang mga suliranin kinakaharap ng mga komunidad sa tabing dagat, tulad ng mabilis na pagbaba ng stock ng isda, mas maraming bilang ng mga mangingisda, climate change, iligal na pangingisda, mahinang pangangasiwa ng pangisdaan, pangingisda ng mga komersyal na mangingisda sa dagat, pandemya, at hindi matatag na mga pamilihan--karamihan sa mga mamamayang bahagi ng sektor na ito ay kulang kung hindi man walang sapat na kaalaman sa pananalapi o financial literacy o access sa pangunahing insurance upang maprotektahan sila laban sa kawalang katiyakan.

Ang programa ay nagbigay sa komunidad ng pagsasanay at kinakailangang kaalaman sa pananalapi. Layunin nitong mabawasan ang sobra sobrang panghuhuli ng isda, at kaalaman sa epektibong climate change adaptation at mas ganap na lumahok sa pamamahala ng kanilang mga pangisdaan para sa pagpapanatili ng yamang dagat.

BASTA PIDDIGUEÑO, AGRIHENYO: CONSOLIDATED FARM PRODUCTION SYSTEM (PIDDIG, ILOCOS NORTE)

Ang proyekto ng pamahalaang bayan ng Piddig na kinumbinsi ang kanilang mga magsasaka na lumipat sa pinagsama-samang sistema ng pagsasaka. Ang Consolidated Farm Production System ay isang komprehensibong programa na layung punan ang mga pangangailangan ng mga maliliit na magsasaka mula sa pagsasanay, kaalamang teknikal at mga kagamitan.

Sa likod ng bawat mauunlad na mga komunidad ay ang isang local government unit na tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan nito. Sa gitna ng krisis na hatid ng pandemya, ang tagumapay ng inyong mga proyekto ay tila liwanag sa gitna ng dilim na ang bawat kwento tungkol sa pinagdaanang mga suliranin, paghihirap at sakripisyo maging mga paunang tagumpay ay inspirasyon at huwaran na sa mas marami pang mga local government unit na handang maglingkod sa bayan at baguhin ang kinasasadlakan ng mga kanilang mga mamamayan.

Kaya mga kagalang galang na mga kasama sa bulwagang ito, ating kilalanin at bigyang pagpupugay ang mga natatanging proyekto ng ating mga LGU na huwaran hindi lamang sa kanilang mga lugar kundi ng buong sambayanan. Ang kanilang tagumpay ay nagbibigay ng pag-asa sa ating bansa na kaya nating makapagsagawa ng makabuluhang pamamahala sa ating mga bayan.

Congratulations po sa mga Galing Pook Awardees. Mabuhay po kayo.

News Latest News Feed