Press Release
May 20, 2024

SENATOR RONALD "BATO" DELA ROSA
COMMITTEE ON PUBLIC ORDER AND DANGEROUS DRUGS
MOTU PROPRIO PUBLIC HEARING AND INVESTIGATION
ON THE ALLEGED PDEA LEAKS
MAY 20, 2024

OPENING STATEMENT

Magandang umaga sa lahat!

Walang labis, walang kulang.

Iyan po ang madalas nating pamantayan o sukatan sa pang-araw-araw nating pamumuhay. Sa palengke, ang gusto natin ay sakto sa timbang; ang pera natin, tinutumbasan ng karampatang halaga nito. Kung sa pakikinig ng balita, ang gusto nating marinig ay ang puro at walang halong personal opinion mula sa mga reporter. Hindi rin naman nalalayo ang standard nating ito pagdating sa performance ng ating gobyerno. Ang boto ng mamamayan ay tiwala na dapat tapatan ng serbisyo -- walang labis, walang kulang.

Nitong mga nakaraang pagdinig, mayroong pagkukulang sa pag-iingat ng mga dokumento at impormasyon. Maliwanag na mayroong nagmalabis sa kapangyarihan kaya may PDEA leaks. Mayroong umabuso sa ipinagkaloob na tiwala. Para sa isang ahensya na ang pundasyon ay confidentiality, peligro ang dulot sa mga kawani at ahente na bumubuo rito sa tuwing may breach.

Hindi naman po siguro maituturing na pagmamalabis kung hahanapan ng taumbayan sa mataas na standard ang ating gobyerno. Dahil ganyan po ang hamon ng paglilingkod sa pamahalaan: ang hindi magmalabis sa ipinagkatiwalang kapangyarihan, at hindi magkulang sa serbisyong inaasahan.

Mula noong una nating pagdinig ng PDEA leaks, sinikap ng inyong Committee on Public Order and Dangerous Drugs na manatiling nakatutok sa layunin nito. Iyon ay ang alamin kung bakit may di umano'y confidential documents na naipuslit mula sa case file folders ng PDEA. At paano maiiwasan na mangyayari itong muli sa pamamagitan ng pagbalangkas ng mga batas. Walang labis, walang kulang.

Maraming salamat po at dalangin natin na sa pagdinig natin ngayong araw ay mabawasan na ang labis na pagkakahati-hati sa opinyon ng ating mga kababayan at mapunan na ang mga kakulangan sa polisiya.

News Latest News Feed