Press Release
May 28, 2024

Transcript of Phone patch Interview: Senator Risa Hontiveros with Aljo Bendijo on DZXL-RMN Manila
May 28, 2024

Q: Opo, mainit pa rin po ang usapin dito po sa investigation in aid of legislation na sinusulong niyo po dyan sa Senado sa issue po ni Bamban Mayor Alice Guo. Senator, reaction nyo po dito po sa sinabi po ni civic leader Teresita Ang See denouncing ito pong move ninyo dyan sa Senado sa kaso nga o issue ni Alice Guo na umano ay witch hunting. Dapat na mag-focus tayo doon sa issues. Dapat in aid of legislation, attack daw ito na tinatawag ng Filipinos of Chinese heritage ma'am.

Senator Risa Hontiveros (SRH): Naku, nakakalungkot naman. Hindi po talaga yan attack sa kahit sinong Pinoy na may Tsinong heritage. Isa na ako doon, ang aking maternal great-grandmother ay purong Tsina. Ito po ay hindi witchhunt. Hindi ito tungkol sa pulitika. Ito talaga Sir Aljo ay tungkol sa national security na natin. Ito'y tungkol sa paglabag sa karapatan at kagalingan ng mga babae at batang Pinoy. Ito'y tungkol sa kung gaano kaluwag pala yung regulatory framework natin sa mga POGO bilang business model.

So nagsimula lahat ito sa POGO, pati yung koneksyon ni Mayor Alice Guo dyan sa POGO. At babalik-balik pa rin sa POGO. Kung paano ito konektado sa mga krimen at posibleng sa geopolitics. Kaya nga pumasok yung usapin ng pag-imbestiga sa espionage, sa posibleng surveillance at hacking activities labas dyan sa POGO complex sa Bamban.

Q: Kaya nga nakapagtataka kung bakit napakayaman po nitong si Mayor Alice Guo, na kwestyonable ang kanyang pagkakakilanlan at saan niya nakuha ang iyong mga dokumento, paano siya nakapagnegosyo, paano po siya naging mayor diyan sa Bamban. Tama ho ba?

SRH: Ayun na nga po. Nung pangalawang hearing, akala natin mas maliliwanagan na tayo sa pagkatao niya. Kaya lang, mas lalo lang lumabo kasi ang daming, I'm sorry no, ang daming kasing kasinungalingan. Oo. Kaya nga, anak siya ng kasambahay na pangalan ay Amelia Leal. Iniwan lang daw siya sa tatay niya pagkatapos siyang iluwal. Pero nung tinignan namin yung birth certificate niya, yung nanay niya na si Amelia Leal nga ay kasal pala sa tatay niya na si Angelito Guo. Okay.

O, natuklasan din namin na may tatlong kapatid pa pala siya sa magkapareho magulang. Eh take note Sir Aldo, nung nakaraang hearing pa, sabi niya wala siyang kapatid. Eh inamin niya nalang ito. Nung hinarap na namin sa kanya yung ebidensya ng mga birth certificate at travel records nila magkakasama. Kapwa incorporator din ang mga kapatid niya sa napakaraming negosyo.

Malabo pati ang nasyonalidad ng tatay niya. Sabi niya, Chinese daw ang tatay niya. Pero sa birth certificate niya, Filipino ang nakalagay. Pero sa incorporation papers naman, Chinese ulit. Sabi na naman nung nakaraang hearing, half Chinese, half Filipino daw. So ano ito, multiple choice?

At ito pa ha, kahit isang matinong childhood memory, wala siyang maibahagi. So sino ba siya talaga, bakit siya nagsisinungaling tungkol sa pamilya niya? Ano ang tinatago at bakit kailangan itago? At alam niyo bilang public servants, transparency ang isa sa pinaka-basic at pinakamahalagang katangian. Kaya katakataka talaga na napakalabo ng pagkakilanlan niya.

Q: Ano pong aasahan pa ng taong bayan dito sa, ipagpapatuloy niyo po ba ang investigation na ito in aid of legislation?

SRH: Opo. Dahil mas marami pang tanong ang ipinapanganak ng mga sagot o half sagot o kasinungalingan. At kailangan namin kumpletuhin ang aming pagtingin kung meron ba tayong mga batas na dapat amyendahan or palitan. Dahil kung hindi sila maayos at kumpletong ipinatutupad.

Bago yung susunod na hearing, magkakaroon po muna kami ng isang executive session. Dahil meron po tayong mga ahensya kasama ng mga intelligence agencies na kailangan daw nilang sabihin ang lahat pa nang alam nila. Pero hindi muna in open hearing. Kaya in executive session. Noong nakaraang hearing namin, na sabi nga na, na ang DOJ, ang BIR, ang PAGCOR at yung mga intel agencies nga ay makakasama dito.

Pagkatapos ng executive session na yan na pili na muna ang resource persons at pasensya, hindi muna imbitado kayong media, magdadaos kami ng susunod na hearing. So napaka-importante po nito.

Q: Senadora Hontiveros ang gagawin po ninyong investigation, hindi lang sa issue po ng citizenship ni Mayor Guo. Opo, kumalat na po ito. Dahil kine-question din yata ng Kongreso ngayon, yung involvement naman ng ibang mga Chinese businessmen din, 'di umano'y mga drug lords. At nakabili ng mga napakaraming ari-arian sa Pilipinas. Kinukwestyon din yun. Opo. So ngayon, itutuloy lang natin ng investigation, magkakaroon ng executive session at asahan natin talaga malilinawan ang lahat ng mga issue na ito tungkol dito sa citizenship issue, yung POGO operation na kayo ba'y, kailan ho ba talaga mawawala na ang POGO operation sa Pilipinas, senadora?

SRH: Yan ang magandang tanong. Matagal na halimbawa na ilabas ni Sen. Sherwin ang kanyang committee report. Sa Senate Committee on Economic Affairs na nagrerekomendang paalisin na ang mga POGO sa loob ng tatlong buwan. At karamihan naming mga miyembro ng kanyang committee ay pumirma ng committee report na iyan. Kaya hinog na hinog na sana, overripe na nga sana, mailabas yan sa plenary para ma-adopt namin.

So hindi ko alam ano pang iniintay ng buong gobyerno. Sana nga, at ito ipinanawagan ko sa isang nakaraang hearing ng Senate Committee on Women, sana nga si Presidente na ang magsalita at paalisin na talaga niya ang lahat ng POGO na iyan.

Dahil sa apat na taon ng imbestigasyon ng Senate Committee on Women, natukusan namin kung paano ang POGO ay konektado sa prostitution, konektado sa illegal recruitment at detention. Sa mahabang panahon nakita natin konektado siya diyan sa pastillas scam. At ngayon dumako na nga dito sa human trafficking, sa crypto scamming, money laundering.

Dalawa pa nga sa kasosyo ni Mayor Alice Guo sa Zun Yuan sa Bamban ay prime suspect sa pinakamalaking money laundering case sa Singapore. Tapos dito sa Bamban POGO nakita natin posibleng ang POGO ay konektado pa sa espionage. So national security na rin.

Kumbaga walang mabuting idunulot ang POGO, panay kasamaan. At mismo sa labi ni Mayor Alice Guo, naitanong tuloy yung ibang mga issue tungkol sa kanyang sarili. Dahil bakit ang isang mayor na lumalabas na malalim ang koneksyon sa POGO, meron pang ibang mga misteryo tungkol sa personal niya.

Naitatanong tuloy, bakit ba inililihim yung mga yun? Meron bang mas malaking aktor pa maaring sa labas ng ating bansa? Na nasa likod niya at nasa likod ng lahat ng ito na ginagamit lang ang POGO bilang cover.

Q: Titingnan siguro din dito, ma'am, yung sistema, proseso diyan sa local civil registrar's office, sa PSA, kung bakit nakakakuha sila ng mga dokumento?

SRH: Opo. Of course, alam naman natin na marami kahit sa ating mga kababayan ay late nakapagrerehisto ng ating birth. Pero karamihan yan sa mga valid na dahilan. Nagkakaroon lamang ng problema kapag ang simple at dapat klarong-klarong dokumento na birth certificate ay 'di ba walang ikukwestyon, puro mga facts ang nakalagay diyan. Ang problema, sa dokumento ni Mayor Alice Guo at sa sarili niyang mga salita, napakalabo, contradictory, half lies, half truths ang nasasabi tungkol sa simple birth certificate.

Sa nakaraang mga hearing namin, nakita na natin na yung mga POGO companies na iyan, nakakakuha ba naman ng mga Philippine passport, birth certificate, pati ID ng mga SSS, PAGIBIG, PhilHealth para sa mga chain ng empleyado nila. At recently, yung Philippine Embassy sa Bangkok ay nagulat sa atin na yung Thai authorities nakapag-aresto ng apat na Tsino na nagpapanggap Pilipino gamit yung mga Philippine government documents o IDs natin.

So problema talaga. Ang daming kailangang ayusin at higpitan sa ating mga regulatory agencies kahit dito sa lumalala at matagal nang malaking problema ng Pogo.

Q: Asahan pa natin ipatatawag nyo rin ang ina ni Mayor Alice Guo, ma'am?

SRH: Pag-uusapan namin yun pagkatapos ng executive session. Dahil palagay ko maraming makaklaro or maaaring may mga mapapabulaanan sa aming executive session para talagang gawing mas papuntang final at definitive yung huling mga issue at tanong na kailangan namin itanong sa aming mga resource person.

Q: Opo. Reaksyon nyo lang po dito. Pasensya lang po senadora ha. Itatanong ko na lang din po sa inyo ito. Dahil pumalag ngayon ang Pilipinas sa pinatupad na apat na buwang unilateral fishing ban nga dyan sa South China Sea kung saan kabilang ang ilang bahagi ng West Philippine Sea. Reaksyon niyo po dito bilang senator, ma'am?

SRH: Opo. Sumasang-ayon ako sa statement ng Department of Foreign Affairs na yan ay labag sa international law. Partikular labag yan sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS. Dahil walang isang bansa, kahit pa Tsina, na pwedeng sumakop sa buong South China Sea at magpatupad sa bahagi natin ng South China Sea na ang West Philippine Sea. Na atin yan, hindi sila pwedeng magpataw ng unilateral na fishing ban at labagin ang karapatang makapangisda ng ating mga mangingisda. Wag po nilang sabukang gawin yan dahil pag ginawa nila yan, e baka mapilitan nila ang Pilipinas kasuhan ulit sila sa korte.

Q: Maiba po tayo. Ano po ang inyong stand dito po sa divorce bill?

SRH: Well, yan po ay matagal nang tapos ang aming committee report sa pagdinig niyan sa Senate Committee on Women. Iniintay na lang na ma-report out siya sa plenaryo para nga sa interpellation and debate. Sana mabigyang daan yan sa lalong madaling panahon at hindi kumbaga i-archive lang sa isang drawer. Dahil ang tanging pakay niyan ay bigyan ng chance sa second chance sa pag-ibig, pagtataya, isang buong family life ang mga tao na matagal nang nawala sa pagitan nila ang esensya ng pagiging kasal. Ano po? Yung pagmamahal, yung pagmamalasakit sa isa't isa, yung araw-araw na companionship at pagkalinga sa isa't isa.

Marami pong sa mga divorce advocates, karamihan babae, meron ding mga lalaki, sabi nila, matagal na silang ang relasyon nila ay ang katangian ay sa halip na yung mga katangian ng isang kasal, ang katangian ay either karahasan o kapabayaan o talagang wala na, absent na sila sa isa't isa. So bakit ipipilit kahit ng mga masaya naman sa ating bokasyon sa buhay, may mga masaya namang kasal at pamilyado, bakit naman ipagkakait sa iba na magkaroon din ng tsansa sa ganoong klaseng makataong buhay?

Q: Opo, maiba po ako. Ano po ang inyo namang saloobin dito po sa pagpapalit ng liderado dyan sa Senado, sa katauhan po ni Sen. Chiz Escudero na sinabi niyang hindi na bago sa mga senador yung pagpapalit ng liderado dyan sa Senate?

SRH: Well, hindi naman po kami lumahok doon ng aking minority leader na si Senator Koko Pimentel dahil nais talaga naming manatiling minority. And kahit nagpalit ang liderado sa Senado, ipagpapatuloy po namin ang paggampan sa aming papel bilang fiscalizer, bilang check and balance, sa loob at labas din ng Senado.

So tuloy lang yung aming paghahain ng mga panukalang batas at resolusyon para sa imbestigasyon in aid of legislation. Tuloy din yung aming pagdebate sa taunang budget. At kapag nakakahanap naman kami ng common advocacies sa aming mga colleagues sa majority, nakakatawid kami maraming beses para magpasa ng mga legislative work namin. At kapag naman kailangan namin pumuna o maghahain ng mga rekomendasyon o alternatibo, aming ginagawa yun.

Tulad yung unang dalawang taon namin bilang minorya, halimbawa sa mga issue ng sugar smuggling fiasco, yung confidential and intelligence funds, yung Maharlika Fund, pati po yung paggunita sa pagpataw ng Batas Militar noong 1972. So itutuloy lang po namin yung aming tungkuling iyon.

Q: Opo. Ano po ba ang tsansa ng ChaCha ngayon sa Senado ma'am?

SRH: I think naka-deep freeze pa rin yung People's Initiative pero kailangan pa rin bantayan yung mga signature forms na na-fill up nila dati. Kasi andun pa rin sa ating mga local COMELEC offices at kailangan bantayan na hindi gamitin pa rin ng mga advocates ng pekeng People's Initiative noon kung i-revive nila yung kanilang effort. At lalo na sa Senado, in suspended animation din naman yung kanilang Resolution of Both Houses.

I think and I hope na ang buong Senado ay mulat pa rin na hindi ChaCha ang pangunahing issue ng ating mga kababayan at hindi yun ang pangunahing trabaho ang dapat namin atupagin.

Q: Opo. Last question na lang po. Kumusta na po ang kaso po o issue, kaso na lang ni Pastor Quibuloy po ma'am.

SRH: Well, oo. Tatlo pa rin active warrants of arrest ang out para sa kanya. Dalawa mula sa korte. Isa mula sa korte ng Davao City, isa mula sa korte ng Pasig City. At yung warrant din ng Senado na paharapin na siya sa wakas sa pagdinig ng Senate Committee on Women. And recently, nagtawag pansin na may dalawang unit ng PNP Special Action Force na pumunta sa Davao City upang sila ang gumampan sa dating mga tungkulin ng kapulisan sa Davao City.

So harinawa, papunta na sa isang definitive na aksyon mula sa panig ng gobyerno para humarap na siya sa mga korte, humarap na siya sa Senate Committee on Women din. At higit sa lahat, lumapit na yung araw na mabigyan ng hustisya ang kanyang mga ibiniktimang mga babae. At mga noo'y menor de edad.

Q: Opo. O sa pangkalahatan, mensahe na lang po Senator Hontiveros sa ating mga tagapakinig at nanonood sa mga oras na ito. Go ahead po Sen.

SRH: Maraming salamat po sa lahat ng mga tagapakinig. Maraming salamat din po sa inyong interes dito sa mga mahalagang issue na bilang mga Pilipino ay ating pong inaalam. Sana po sa mga susunod na panahon, patuloy pang lumawak. Humigpit ang ating pagkakaisa upang itaguyod ang karapatan at kagalingan ng bawat babae at batang Pilipino. Lalo pong lumalim ang pagkakaisa natin bilang isang bansa, bilang iba't-ibang mga sambayanan sa loob ng ating bansa. Na dapat ang paggogobyerno, ang pagpapatakbo ng ekonomiya, ang pakikiisa sa loob ng ating lipunan ay pangunahing interes natin. At hindi natin papayagan ng anumang masamang negosyo, ang anumang paglabag sa ating mga batas at lalo na ang pakikialam ng sino mang posibleng ibang bansa para pangunahan ang ating pambansang interes. At gagawin po natin yan bilang mga Pilipino lahat, anuman ang ating mga heritage pero tapat kay inang bayan.

News Latest News Feed