Press Release
September 5, 2022

West Philippine Sea Joint Exploration
Privilege Speech ni Sen. Robinhood C. Padilla

Setyembre 5, 2022

Ginoong Pangulo, mga pinagpipitaganang miyembro ng lupon na ito, isa pong magandang hapon sa inyong lahat.

Assalaam-Alaikum warahmatullahi wabarakatuhu.

Ang inyong lingkod ay tumitindig ngayong hapon sa bisa ng kolektibo at personal na pribilehiyo upang talakayin ang isang paksang hindi lamang malapit sa sikmura -- ngunit lalo't higit ay direktang tumatama sa sikmura ng mga Pilipino.

Mga minamahal na kaibigan, kababayan, magiging isang napakalaking kabulaanan kung mayroong sinumang magsasabi na hindi niya nararamdaman sa kahit anong paraan ang hagupit na hatid ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado. Ito ay bunsod ng tumataas na pangangailangan, kakulangan sa suplay ng petrolyo. At ang nasa tuktok na dahilan ay ang kasalukuyang geo-pulitikal na tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Kaalinsabay ng suliraning ito ay pagbagal ng pag-unlad ng ekonomiya na siya namang nagtutulak ng pagtaas ng presyo ng pagkain, tubig, transportasyon, kuryente, gamot, at mga pangunahing pangangailangan sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Sa madaling salita: Parang switch na isang gatilyo mo lamang ay hahatak pataas sa presyo ng lahat ng bagay; parang switch na isang gatilyo mo lamang, lahat ay aaray.

Ayon sa datos, noong August 30, 2022, kung ikukumpara ang presyo ng petrolyo noong nakaraang taon (2021) sa presyo sa kasalukuyan o yung tinatawag na year-to-date prices, mayroong net increase na P19.155 kada litro ng gasolina, P37.80 sa bawat litro ng diesel, at P33.20 kada litro ng kerosene. Nakakakilabot po ito, mahal na Pangulo!

At pati po sa mga matatawag po nating mga progresibong bansa katulad ng First World Countries, sila po ay nakakaranas na rin ng pagtaas ng presyo ng iba't ibang bilihin ganoon din po ng kanilang petrolyo.

Para po sa mga may kumportableng pamumuhay, maliit na bagay ang pagtaas na ito.

Pero sa tulad ni Tatay Erning na isang jeepney driver namamasada sa kahabaan ng Taft Avenue sa Maynila, inaagaw nito ang natitira niyang pag-asa. Ang kanyang P300 na kita noon sa buong araw na biyahe, ngayon ay hindi pa umabot sa P100. Paano nga naman nito pupunan ang mga sikmura ng kanyang asawa at mga anak sa kanya lamang umaasa?

Paano niya babayaran ang lumobo niyang utang nang mawalan siya nang kita noong naka-lockdown tayo dahil sa pandemya? Ano ang kinabukasan ng limang anak niya na mas pinili na lamang tumigil muna sa pag-aaral sapagkat kailangang unahin ang pagtugon sa mga sikmurang kumakalam?

Narito rin po ang kwento ng driver na si Kenneth Cuevas mula sa Bacoor, Cavite. Panoorin po natin ito:

[1 minute video interview]

Ginoong Tagapangulo, mga kapwa kong Senador, ilan lamang ang kwento ni Tatay Erning at Kenneth sa libo-libong kwento ng mga kababayan nating umaalma na ngunit walang magawa kundi igapang ang araw-araw.

Batid ko na hindi kayang ipikit ng Senado ang kanyang mga mata sa kababayan nating palubong nang palubog sa kahirapan. Hindi kailanman tatakpan ng Senado ang kanyang tenga sa nakakabinging daing ng ating mga kababayan.

Ginoong Tagapangulo, maaaring ako ay masasabing baguhan bilang miyembro ng lupong ito. Ngunit katulad po ninyong lahat, ang pagmamalasakit po at pag-ibig sa ating mga kababayan ay hindi bago sa aking puso.

Naaalala ko pa po noong unang talakayin ito ng ating G. Pangulo, pinaguusapan ang pagtaas ng kuryente na sinundan ni Sen. Tulfo na sinundan ni Sen. Villanueva at ni Sen. Revilla hanggang sinundan pa ng lahat ng senador ang pagpapahirap at pagtaas sa singil ng kuryente.

Ipagpaumanhin po ninyo ngunit katulad po ninyo, hindi ko magawang magwalang-kibo kung batid ko sa aking isipan na mayroon tayong natatanging yaman na maaaring maging tugon sa ating masalimuot na kalagayan.

Mga kaibigan, ang tinutukoy ko ay ang napakayamang reserba ng langis at gas sa pinagtatalunang bahagi ng West Philippine Sea na ayon sa US Energy Information Administration ay may mula 0.8 hanggang 5.4 bilyon na bariles ng langis at 7.6 hanggang 55.1 trilyong cubic feet ng natural gas.

Sinasabi ng mga pag-aaral na malaking bahagi ng reserbang ito ay matatagpuan sa Recto (Reed) Bank na may napakalaking potensyal upang maging kapalit ng Malampaya natural gas fields sa sandaling maubos ang suplay nito sa 2027.

Alam naman natin na noon pa man ay isa na ang ating bansa sa mga net importers ng enerhiya. Base sa ulat ng Kagawaran ng Enerhiya, umakyat pa ng 87.9 percent o $11.15 bilyon ang net oil imports ng ating bansa noong 2021 kumpara sa ating inangkat noong 2020 na may kabuuang $5.93 billion. Katumbas ito ng 22.2 milyong litro ng langis ng inimport noong 2021 kumpara sa ating inangkat noong 2020 na 15.13 milyong litro.

Malinaw na mayroon tayong lumalaking pangangailangan sa enerhiya.

Sa kasamaang-palad pa, tayo po ay nangungulelat at naghahabol palagi, nakikipagsapalaran sa merkadong pandaigdig sa petrolyo dahil wala po tayong sapat na produksyon. Mula noong 1970s pa tayo naghahanap ng sarili nating langis sa ating bakuran ngunit hanggang ngayon, tatlo pa lamang ang pansarili nating proyektong pang-petrolyo na umabot sa komersiyo: ang Malampaya Gas Project, ang Galoc Oilfield, na pawang sa katubigan ng Palawan, at ang Alegria Oilfield na nasa Cebu.

Matagal na tayong iniwan ng ating mga kapitbahay na bansa tulad ng Indonesia, Malaysia, at Vietnam, na mga exporter pa nga ng petrolyo, sa kabila ng katotohanan na magkakalapit ang ating geological setting, lalo na sa karagatan.

Isipin na lamang natin - gaano kalaki ang mababawas sa ating inaangkat kung magkakaroon tayo ng sariling pagkukunan ng langis at natural gas?

Wala pong duda, hitik at nag-uumapaw ang ating likas na yaman sa Dagat Kanluran.

Ang mga salitang ito ay hindi mga hilaw na salitang nagmumula sa isang istrangherong nagpapanggap gamit ang mababaw na pagtingin sa tunay na kalagayan ng ating teritoryo sa Dagat Kanlurang Pilipinas.

Hindi po tulad ng iba, nakita po mismo ng aking mga mata nang personal ko pong pinuntahan ng inyong lingkod ang Isla ng Kalayaan na itinampok sa isang dokumentaryong pinamagatang "Isang Linggong Pag-ibig" .

Isang linggo po tayong naglayag, nag-ikot, nanirahan sa mga kapuluan ng Pag-asa Islands Mayo noong nakaraang taon.

Sa tulong ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard na nakatalaga sa Naval Station Emilio Liwanag, nakapagbigay po tayo ng tulong sa ating mga kababayang naninirahan sa isla. Nagkaroon din po tayo ng pagkakataong makapagpatrolya sa karagatang sakop ng Isla Pag-asa.

Habang kami po ay naglalayag, nakatagpo kami ng malalaking Chinese vessels at isang Vietnamese vessel sa mga lugar na nakapalibot sa Reed Bank na nasa loob pa rin ng territorial waters at exclusive economic zone ng Pilipinas. Hindi lamang po ito traditional fishing vessels -- naglalakihang industrial vessels po ang mga ito.

Sariwang sariwa pa sa ating alaala ang kalagayan sa dakong iyon ng ating bansa. Aktuwal at personal ang aking karanasan - nakadaong kami sa iba't ibang pulo ng Pag-asa, bumabad sa init ng araw at sumuong sa katubigan. Higit sa lahat, lumubog tayo sa araw-araw na pamumuhay ng ating mga tanod baybayin. Malinaw ang ating natutunan, at mas naging masidhi ang damdamaning makabayan.

"Isang linggong pag-ibig" - ngunit hindi dito natatapos ang aking pagtatangi sa West Philippine Sea. Hindi po natapos dito, mahal na Pangulo.

Isa po ang ating napagtanto: gaano man kahaba at karubdob ang ating debatehan sa Senado, gaano man kasigasig ang ating mga tanod baybayin sa Pag-asa Islands, gaano man kahaba ang hanay ng barko ng Tsina - hindi natin mapagkukunwari: walang konkretong hakbangin para malinang at mapakinabangan ang nag-uumapaw na yaman ng bansa sa West Philippine Sea.

Minsan na po nating nabuksan ang malalim na usapin na ito. Noong Nobyembre 2018, sa ilalim ng pamumuno ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, pumasok tayo sa isang Memorandum of Understanding para sa Pakikipagtulungan sa Pagpapaunlad ng langis at gaas sa West Philippine Sea kasama ang Republika ng China. Nilagdaan ito ng dating Kalihim Panlabas na si Teodoro Locsin, Jr. at Pandayuhang Ministro ng Tsina na si Ginoong Wang Yi.

Gayunman, matapos ang tatlong taong negosasyon at talastasan, tinapos ang usapan dahil sa nakikitang posibleng isyu sa Konstitusyon.

Masalimuot ang usapin sa West Philippine Sea. Ngunit hindi maaaring magsawalang kibo at pikit-mata ang gobyerno lalo na kung para sa kapakinabangan ng Pilipinas.

Tulad ng aksyon ng ibang mga bansa, ang kooperasyon o joint development ay sinimulan sa mga usaping legal at katanggap-tanggap para sa mga estado.

Narito ang Japan-Korea 1974 Agreement para sa joint development ng mga lugar na nasa continental shelf. Ang Bahrain-Saudi Arabia 1958 Agreement naman ay ukol sa joint development sa lupain na itinuturing na sakop ng Saudi Arabian Continental Shelf.

Sa ibang legal na kasunduan para sa joint development, tinitiyak ng mga estado ang geographical areas kung saan lilinangin ang mapagkukunang yaman. Kasama na rito ang kasunduan ng Norway at United Kingdom noong 1976 sa Frigg Field Gas Reservoir kung saan tukoy ang lugar ng joint development base sa usaping geographical at geological. Kung hindi naman geographical areas ang basehan, maaaring pag-usapan ang joint development batay sa anyo o uri ng land deposits na tutukuyin ng mga nagkakasundong bansa tulad ng 1960 Agreement ng Austria at Czechoslovakia ukol sa common land deposits ng natural gas at langis.

Bagamat ang mga bansang ito ay may mga alitan sa kanilang soberaniya, nagkaroon sila ng pagkakaunawaan. Mahal na Ginoong Pangulo, hindi naging hadlang ang alitan at kanilang saligang batas upang pakinabangan ang kanilang yamang gas at langis.

Ginoong Pangulo, simple lang ang ating punto base na rin sa kasaysayan at mga pag-aaral: ang joint development ay isang paraan at pagkakaunawaan kung saan maaaring maiwasan ng mga bansa ang isyu ng soberanya sa pamamagitan ng magkasamang paggalugad at pagpapaunlad ng likas na yaman sa isang napagkasunduang lugar.

Sa mga joint development agreements, madalas na lumilitaw ang mga elemento ng lawak ng lugar; uri ng kontrata; mga kaayusan sa pananalapi; ang proseso ng pagpili ng mga concessionaires o mga operator; ang haba ng kasunduan; at ang kalikasan at gampanin ng joint management body.

Marami rin pong bansa ang nakapaghanap at ngayon ay nakikinabang sa mga partnership sa mga kapitbahay nilang bansa gaya ng Malaysia at Thailand, o kaya'y sa mga pribadong kumpanya pangpetrolyo, tulad ng Vietnam, Malaysia, at Indonesia.

Kung nagawa ng mga bansang ito na magsigasig sa pag-aaral at pairalin ang bukas na isip at diplomasya, bakit hindi natin muli bigyang pansin at konsiderasyon ang usaping ito?

Gaano man kaganda at kabuti ang ating mga batas, tali ang kamay ng Kongreso para iangat ang buhay ng ating mga kababayan. Ang ibig ko pong tukuyin, kahit ano man ang pagsisikap nating paunlarin ang ekonomiya sa pamamagitan ng batas, wala tayong mararating kung hindi natin gagamutin ang kung tawagin nga ni Dr. Gerardo Sicat ay orihinal na kasalanan o original sins - ang mapanupil at mahigpit na restriksyon ng Konstitusyon sa usapin ng ekonomiya.

Hindi na natin maikakailang isa po sa mga dahilan kung bakit tayo po ay naiiwanan na ng ating mga kalapit bansa ay dahil sa kakulangan ng pondo o investment. Mayroon po tayong mga batas na pinangunahan na ng Presidential Decree 87 noon pang 1972, at maraming beses nang in-amendahan, upang makaakit tayo ng mga oil companies sa pribadong sector.

Nandyan din ang mga bahagi ng 1987 na Konstitusyon, partikular sa Artikulo 12, Seksyon 2, na siyang nagpatibay pa sa ilang aspeto ng PD 87 upang palawakin ang kakayahan ng gobyerno na maisulong ang mga industriya lalo na ang industriyang pang-petrolyo.

Tatawagin ko po ang pansin natin sa isang bahagi nito sa nasabing seksyon, na nagsasaad:

"The exploration, development, and utilization of natural resources shall be under the full control and supervision of the State. The State may directly undertake such activities, or it may enter into co-production, joint venture, or production-sharing agreements with Filipino citizens, or corporations or associations at least sixty per centum of whose capital is owned by such citizens."

Nais ko po sana na tayo po ay tumutok sa sinabi ng Konstitusyon na maaaring pumasok ang estado sa paghanap, pagpaunlad, at paggamit ng likas yaman ng Pilipinas. Natural lamang na ang Pilipinas ay dapat mayroong ganap na kontrol at superbisyon ngunit nararapat din nating pag-isipan kung paano isasagawa ang paghanap, pagpaunlad, at paggamit kung mayroon tayong kakulangan sa pondo.

Ayon po sa karanasan sa iba't ibang panig ng mundo, sa bawat sampung well na binutas, minosquito, nilamok o binabarena sa lupa, isang lamang ang maaaring tumama sa petrolyo; at sa bawat sampung tama ng petrolyo, isa lamang ang magiging sapat ang laki para mahigop at magamit nang hindi malulugi ang naka-diskubre. Daan-daang milyong dolyar po ang usapan sa bawat well. Malinaw na napakahirap po para sa ating bansa na solohin ang gastos sa petroleum exploration.

Ginoong Pangulo, sa katunayan po, sa pagbubukas ng ika-19 na Kongreso, isa ang Resolusyon Numero 9 na humihikayat kay Pangulong Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. upang buhayin ang ating bilateral na usapan sa pagitan ng ating bansa at People's Republic of China patungkol sa kooperasyon pagdating sa oil and gas development sa Dagat Kanluran ng Pilipinas.

Batid natin ang naging bukas na pahayag ni former Chinese Ambassador Jiu Jianchao kay Presidente Bongbong Marcos na sana ay muling mabigyang pagkakataon ang diskusyon sa joint exploration sa pagitan ng ating mga bansa. At ayon sa ating Press Secretary Secretary Trixie Cruz-Angeles, pag-aaralan ito ng executive.

Ginoong Tagapangulo, ang sa ganang akin naman po ay isang mapagkumbabang panawagan na maging bukas tayo sa abot ng ating makakaya sa mga pamamaraang nakikita natin na maaaring makatulong upang ibsan ang nararamdamang sakit ng ating bayan, lalo ang naghihikahos nating mga kababayan.

Gaano man kahirap o kakumplikado, tayo naman po ay tumutugon sa tawag upang bisitahin ang balangkas ng ating Saligang Batas kung naaayon pa ito sa mga hamong dala ng ating modernong panahon. Sa katunayan, noong nakaraang Biyernes lamang ay ginanap natin ang ating ika-tatlong pagdinig sa upang usisain, pag-aralan, at talakayin ang mga panukala sa rebisyon ng ating Saligang Batas.

Ngunit habang umuusad pa lamang ang ating diskusyon, hindi naman po siguro kalabisan na hilingin sa sangay ng executive, na siyang tagapagpatupad ng mga umiiral na batas, at sa Presidente, bilang arkitekto ng ugnayang panlabas, ang karampatang aksyon sa paksang ito.

Para sa akin, hindi lang dapat pag-aralan kundi simulan na ang pakikipag-usap sa kabilang panig patungkol sa joint exploration. Tiwala po ako sa ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos na hindi niya pababayaan ang soberanya at ang ating Saligang Batas.

Sa kasalukuyan, wala pa pong kasunduan ukol sa joint exploration. Sakaling uusad ito, hayaan po nating mag-usap nang walang panghuhusga muna ukol sa usaping soberanya at Konstitusyon. Sapagkat sa puntong ito, ako ay naniniwala na hindi makakatulong ang agarang pagharang sa usapin ng joint development. Nakatiwangwang lang po ang ating yamang gas at langis.

Habang patuloy ang debate at bangayan dito sa Maynila, ang West Philippine Sea po ay pinamumugaran ngayon ng malaking industriyal na barko ng Tsina; ang iba po ay nagkukubling fishing vessels. Huwag naman po sana mangyari na bago pa man tayo makarating sa isang kasunduan ay wala na tayong mabubungkal dahil naubos na ang ating inaasahang likas-yaman.

Noong Sept. 2 lang po, Mahal na Pangulo, nasa balita ang malapit na pagkaubos ng tuna sa WPS. Ang sabi ng expert, 5-10-15 years wala na. Ganyan po. Hanggang ilang taon o dekada pa tayo maghihintay?

Ginoong Pangulo, habang sinasambit ang talumpating ito ay nabalik sa aking kaisipan ang aking natutunan sa aking isang linggong paglalakbay sa Isla ng Pag-asa:

Walang imposible sa pursigido. Ang ating tagumpay ay nakasalalay sa kung sa hanggang saan ang itataya natin upang maabot ang ating mga mithiin.

Ginoong Pangulo, bilang pagtatapos ay hayaan ninyong muli kong ulitin ang ating panawagan na mabigyang pansin ang Resolusyon Bilang 9 na humihikayat kay Pangulong Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. upang buhayin ang ating bilateral na usapan sa pagitan ng ating bansa at People's Republic of China patungkol sa kooperasyon pagdating sa oil and gas development sa Dagat Kanluran ng Pilipinas.

Kung hindi pa po natin sisimulan, saan pa? Kung hindi po ngayon, kailan pa po tayo aaksyon?

Muli po Mahal na Pangulo, maraming salamat po. Salaam! Inshallah.

News Latest News Feed