Press Release
December 12, 2006

Transcript of Radio interview with Senate President Manny Villar (DZAR)

Mukhang sumuko na ang liderato ng Kamara ngunit inaapura naman nila ang con-con?

SPMV: Hindi naman kami pwedeng bigyan ng deadline. Kami ay nagmi-meeting at gusto namin kasi kumpleto itong aming pagtatalakay ng proposal na iyan. Sa pagbabago ng Saligang Batas, mas gusto namin iyong sigurado at nalalaman namin kung ano talaga ang sentimyento ng ating mga kababayan. Nakita namin nitong nakaraang linggo na talagang nagpakita ng galit ang ating mga kababayan. Ayaw naming magkamali. Gusto naming malaman kung ano ba talaga ang kanilang gusto sapagkat hindi naman totoo na nahahati ang tao sa dalawa, sa con-con o sa con-ass, dahil meron pong pangatlo o pang-apat. Iyong pangatlo, iyong con-con pero pagkatapos ng eleksyon, at iyong pang-apat ay talagang naniniwala naman na hindi naman kailangang galawin pa ang Konstitusyon sa mga panahon ngayon. Iyong apat na iyan, pare-pareho naming kino-consider iyan at hindi lamang iyong con-con proposal ni Speaker. Iyan ay aming patuloy na tinatalakay. Hindi kami sumusunod sa anumang pressure subalit hindi kami nakikipag-away. Ito na ang gusto kong sabihin sa ating mga kaibigan sa Malaking Kapulungan na huwag naman silang magtatampo sapagkat ang Senado naman ay ginagawa lamang ang kanilang tungkulin. Ang paniniwala namin ang pagbabago ng Saligang batas ay hindi pwede ang gray area. Dapat diyan ay sundin natin nang maliwanag ang Saligang Batas at mahalaga sa lahat ay iyong isang proseso na katanggap-tanggap sa tao at hindi iyong mukhang ipinipilit sa ating tao iyong pagbabago. Iyon ang ayaw namin at iyon ang aming sisiguraduhin sa aming pagtatalakay sa mga darating na linggo, kung ano iyang bagay na iyan na matatanggap ng ating mga kababayan.

Sinasabi ng DBM na wala pong budget para sa con-con. Makakahabol pa ba sakaling pagtibayin ang budget nito o kaya isabay ang con-con election sa 2007?

SPMV: Makakahabol pa kung makakahabol. Ang problema lang kung gusto nating ihabol. Ang paniniwala namin kasi ang pagbabago ng Saligang Batas ay hindi isang bagay na matter of life and death. Dalawampung taon na tayop diyan at ngayon lang naman parang nagkakaroon ng impression na talagang kailangang amyendahin iyan. Hindi naman maaaring i-delay. Isa pa nais ko ring banggitin na meron tayong barangay elections sa 2007. Iyan naman ay pwede ring isipin na pwede kung saka-sakali na tayo ay magkakaroon ng proposal na ganyan.

At least iyong barangay elections ay apoliticalhindi partisan politics?

SPMV: Oo, iyan iyong parang pinag-aralan talaga. Kung sasabihin nating Oktubre, parang pinag-aralan talaga at hindi parang minadali at parang hinog sa pilit, ika nga sa Tagalog.

Ano po ang talagang dahilan sa pag-atras ng Asean summit?

SPMV: Iyong bagyo, siguro isa iyan sa kadahilanan subalit napakahirap paniwalaan na bagyo lamang ang tanging dahilan, bagamat nalulungkot din ako dito sa bansa natin at nakakaawa ang mga taga-Cebu. Talagang itoy malaking disappointment sa ating mga Cebuano at hindi lamang sa kanila kung hindi maging sa buong Pilipinas, subalit lalung-lalo na sa kanila dahil talagang ito iyong kanilang tinatawag na debut sa international scene. Pero nang ma-cancel, talagang malaki panghihinayang. Anyway, ito ay dapat ding tingnan natin bagamat hindi natin dapat masyadong pag-usapan openly kung meron talaga tayong rason na nakakahiya pagkat ito ay pangit din naman na malaman sa buong mundo na kung merong kadahilanan na hindi sa bagyo ang pagkakansela niyan. Bagamat interesado tayong malaman, mapapahiya kasi ang bayan natin. Dapat at least malaman natin maski na medyo quietly lang. Hindi naman tama kung talagang hindi bagyo ang talagang naging kadahilanan niyan at may dapat managot din diyan.

May pag-asa pa ba na maihabol ang 2007 budget bago magtapos ang taon?

SPMV: Kagabi, nagkita kami ni Speaker de Venecia dahil gusto ko naman talagang ipaalam sa kanya na hindi naman nakikipag-away ang Senado. Inimbita kami ni Don Emilio Yap ng Manila Bulletin. Hindi kami nakikipag-away at talagang kami ay ginagawa lang namin ang aming trabaho. Kaya napag-usapan namin at nag-propose ako ng dalawang bagay lamang at napagka-isahan namin ni Speaker na iyong pagpasa ng budget ay aming mamadaliin bago matapos ang taon. Isa pa, pagtutulungan namin iyong reconstruction ng Bicol at ng Samar sapagkat medyo alam natin naman na nasalanta ng bagyo, ilalagay namin sa budget. Doon sa bicameral conference, medyo lalagyan namin ng malaking halaga itong rehabilitation ng Bicol Region at ng ating mga karatig na lalawigan para naman iyong ating mga naapektuhan na kababayan doon ay at least matulungan natin sa darating na budget.

Iyon pong mga tagaCantanduanes ay hindi nabibigyan ng tulong na siyang unang tinamaan at nasalanta ng bagyo?

SPMV: Babanggitin ko iyan sa mga otoridad. Ngayon pa lamang ay lalakad na ang 200 truck na caravan na nagdadala ng mga pagkain sa ka-Bikolan. Dalawang daang truck iyan at lahat ay nag-contribute diyan na mga government agencies kasama ang Senado. Tatawagan ko ang Vice President natin na siyang mangunguna riyan para at least makarating sila hanggang Catanduanes. Baka maubos iyong 200 trucks bago makarating ng Catanduanes at least maitawag natin. (end)

News Latest News Feed