Press Release
August 11, 2014

Imbestigasyon sa kontrobersyal na Makati carkpark building,
isinusulong ni Trillanes

Sa pamamagitan ng Senate Resolution 826, hiniling ni Senador Antonio "Sonny" F. Trillanes IV sa Senate Blue Ribbon Committee na magsagawa ng imbestigasyon patungkol sa di-umano'y overpriced na mga gusali sa lungsod ng Makati kabilang ang 11 palapag na carpark building na dahilan ng pagsasampa ng kasong plunder kay Bise Presidente Jejomar Binay, at ang 22 palapag na gusali ng Makati City Hall.

Sa ilalim ng Resolusyon 826, sinabi ni Trillanes na "Karapatan ng mga Pilipino na malaman ang mga usaping may kinalaman sa mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa katiwalian at plunder. Dagdag pa rito, pangunahing tungkulin ng lehislatura na maprotektahan ang bidding at procurement procedures laban sa paggamit ng pondo ng bayan para sa mga personal na interes, pati na rin ang matiyak na ang nasabing pondo ay ginagamit para sa kapakinabangan ng mga mamamayan.

Nitong Hulyo 22, sinampahan ng kasong plunder ang dating Makati Mayor at ngayo'y Bise Presidente Jejomar Binay; ang kanyang anak, Mayor Jun-Jun Binay; at 23 iba pang sangkot sa di-umano'y "unconscionable overpricing" sa pagpapatayo ng 11 na palapag na carpark building na nagkakahalaga ng P1.56 billion. Bagama't base sa taya ng National Statistics Office (NSO) sa kasalukuyang halaga ng pagpapatayo ng mga mamahaling gusali sa bansa, ito ay nararapat sa halagang P798,200,000.00 lamang.

Ayon sa SRN 826, nitong 31 Disyembre 2013, umabot sa P2,367,679,633.95 ang nagastos para sa nasabing gusali, base sa tala ng COA noong 17 Pebrero 2014. Ang kontrata para dito ay hinati sa limang bahagi na labag sa kasalukuyang procurement law ngunit himalang nakuha ng iisang contractor lamang. Sa makatuwid, ang lokal na pamahalaan ng Makati ay gumastos ng halagang P2.4 bilyon para sa nasabing gusali, at kung saan P1.6 bilyon dito ay sobra sa nararapat na presyo. Ang overpriced na halagang ito ay maaari sanang makapagpatayo ng higit sa 3,000 na silid-aralan, na may palikuran at mga furniture.

"Ang P2.4 bilyong halaga ng 11 na palapag na Makati City carpark building ay tunay na nakagugulat kung ikukumpara sa halaga ng mga magagarbong gusali sa bansa tulad ng 46 na palapag na Shang Grand Tower, ang ika-19 sa pinakamataas na gusali sa bansa, na pinatayo sa haling P2 bilyon lamang," ani Trillanes.

Nabanggit din sa nasabing resolusyon ang di-umano'y overprice sa halaga ng pagpapatayo ng 22 na palapag na gusali ng Makati City Hall na itinayo noong 1990's, na umaabot sa P240,000.00 kada metro kwadrado, na mas nakagugulat at di katanggap-tanggap.

"Ito ay higit na mas malaki ng P100,000.00 kada metro kwadrado sa kabuuang gastos ng dalawang palapag na pabahay ng National Housing Authority (NHA) para sa mga sundalo at pulis sa ilalim ng AFP/PNP Housing Project, na pinasimulan ng Pres. Benigno S. Aquino III, na nagkakahalaga ng P140,000.00 bawat yunit, " sabi ni Trillanes.

Kasama sa nasabing resolusyon ang pagpapaimbestiga sa mga ulat sa di-umano'y maling paggamit ng pondo ng lokal na pamahalaan para sa kampanya ng dating local executive kasama ang pag-pondo sa mga byahe nito at ang pagho-host sa pagbisita ng mga executive ng ibang lokal na pamahalaan; ang di umano'y P230 Milyon na infomercial campaign na nagsimula noong 2009 gamit ang pondo ng Lungsod ng Makati; mga maanumalyang proyekto at mga ghost employees, at marami pang pa. Ang mga nasabing anomalya ay naganap sa ilalim ng pamumuno nina Bise Presidente Jejomar Binay bilang dating Mayor ng Makati at ng ngayo'y Mayor Jun-Jun Binay.

"Ang oversight function na ito ng Senado ay isang pagkakataon ng Bise Presidente upang linisin ang kanyang pangalan, kung siya nga ay tunay na inosente. Kung hindi naman, ito ay pagkakataon upang mas lalong makilala siya ng ating mga kababayan bilang isa sa mga naghahangad na maging sunod na Presidente ng bansang ito," paliwanag ni Trillanes.

News Latest News Feed