Press Release
August 26, 2020

OPENING STATEMENT of Senator Manuel "Lito" M. Lapid
on SBN 1596, AN ACT ENSURING PHILIPPINE FINANCIAL INDUSTRY RESILIENCY AGAINST THE COVID-19 PANDEMIC
August 26, 2020

Senator Grace Poe, taga-pangulo ng Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, sa mga ginagalang kong miyembro ng Senado na nasa committee hearing na ito, sa mga resources persons at guests, magandang umaga sa inyong lahat.

Unang-una, nais kong pasalamatan si Senator Poe dahil kabilang sa pag-uusapan sa pagdinig ng komiteng ito ang isang panukalang naniniwala akong makakatulong sa ating mga institusyong pampinansiyal na katulad nating lahat ay sadyang apektado rin ng kasalukuyang pandemya. Ang panukalang "Financial Institutions Strategic Transfer o FIST Act" ay may layuning bumuo ng FIST Corporations na siyang susuporta at tutulong sa ating mga institusyong pampinansyal katulad ng mga bangko, sa pamamagitan ng pagbili at pangangasiwa ng mga tinatawag na "Non-Performing Assets o NPAs" nito na may kaakibat na mga incentives at fee exemptions.

Sinusulong ko ang panukalang ito dahil alam ko ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga banko at iba pang mga institusyong pampinansyal sa ating ekonomiya. Alam natin kung gaano karaming problema ang dulot ng pandemyang COVID-19. Ang ating gobyerno po ay patuloy na tumutugon sa mga ito sa maraming paraan at isa na rito ay ang community quarantine. Ngunit ang mga ito ay mayroong mabigat na epekto sa ating ekonomiya - isa na diyan ay ang pagbagsak ng ating Gross Domestic Product o ang GDP. Isa po sa kadahilanan nito ay ang paghinto ng mga negosyo - marami ang nawalan ng trabaho at bumaba ang produksyon ng ating bansa. Sanga-sangang mga epekto po ang maari nating kaharapin kapag hindi naagapan ng mabilis at maayos ang mga problemang ito: loan defaults, pagbaba ng kumpiyansa ng publiko sa mga bangko at sector ng pananalapi at sa dulo ay ang pagbagsak ng ekonomiya.

Layunin ng panukalang ito na magtaguyod ng mga polisiya at institusyon na magpapalakas sa ating sector ng pananalapi nang sa gayon mas masiguro ang daan tungo sa pagbangon ng ekonomiya ng ating bansa. Naniniwala ako na ang matatag na institusyon ng pagbabangko at pananalapi ang magsisilbing pundasyon ng ating ekonomiya sa pag-ahon mula sa pandemya.

Maraming salamat po.

News Latest News Feed