Press Release
October 7, 2020

OPENING STATEMENT OF SENATOR MANUEL "LITO" M. LAPID
on the bills renaming DEL MONTE AVENUE to FERNANDO POE JR AVENUE
Submitted to the Senate Committee on Public Works
October 7, 2020

Senador Manny Pacquiao, taga-pangulo ng Committee on Public Works, sa mga ginagalang kong miyembro ng komiteng ito, sa mga resource persons at mga panauhin, magandang hapon sa inyong lahat.

Una, nais ko po munang pasalamatan si Sen. Pacquiao sa agarang pagdinig sa Senate Bill No. 1822 na naglalayong pangalanang Fernando Poe, Jr. Avenue ang kasalukuyang Del Monte Avenue sa Quezon City.

Aking pong iniakda ang panukalang ito bilang pagbibigay-pugay at pag-aalala kay Fernando Poe, Jr. (FPJ) na kilala nating lahat bilang "King of Filipino Movies" o "Da King". Siya ay isang idolo at haligi ng pelikulang Pilipino. Si Da King ay gumanap sa halos tatlong-daang (300) pelikula sa kabuuan ng kanyang apatnapu't-anim na taong propesyon. Sa ilan sa mga ito, siya pa mismo ang direktor, prodyuser at iskritor. Kaya na lamang bilang pagkilala sa kanyang malaking ambag sa sining at kultura, siya ay hinirang na National Artist for Cinema noong 2006.

Bagamat nakamit niya ang tugatog ng kanyang karera sa industriya, nanatiling malapit sa puso ni FPJ ang masang Pilipino. Nag-uugat ito dahil na rin sa kanyang karanasan at pinagmulan bilang mahirap na nagsumikap at nagtiyaga upang maingat ang sarili at pamilya - napilitang tumigil ng kolehiyo nang mamatay ang kanyang ama, naging "breadwinner" ng pamilya, nakapasok na "messenger boy" sa mga film studios, naging stuntman hanggang sa makakuha ng mga tampok na papel sa mga pelikula. Bilang pagpapatotoo sa kadalasan nyang karakter sa pelikula at TV, si FPJ ay maituturing na isang bayani at kampyon ng mga inaapi, naghihirap at ordinaryong mamayang Pilipino sa pamamagitan ng kanyang mga pagkakawanggawa, at pag-aabot ng tulong sa iba't-ibang uri at paraan.

Mahabang oras ang ating kakailanganin para mailahad lahat ng mga tagumpay, papuri at pagkilala na naabot ni FPJ, gayundin ang mga naitulong at nabigay niya sa ating lipunan. Samakatuwid, si FPJ at ang kanyang legasiya at pangalan ay nakakamit na ng kahalagahang kultural at pang-kasaysayan sa ating bansa at hindi maikakailang pinagmumulan ng "national pride."

Isa sa mga pamana ni Da King sa atin ay ang FPJ Productions na matatagpuan sa Del Monte Avenue sa Quezon City. Ang FPJ Productions ang nagsilbing "pandayan" ng mga maalamat na obra maestra na pinagbidahan, sinulat, dinirek o nilikha ni FPJ. Ang panukalang tatalakayin ng komite ngayon ay naghahangad na pangalanan ang nasabing daan na "Fernando Poe, Jr. Avenue." Sa pamamagitan nito, maiuukit sa pambansang kamalayan ang alaala at buhay ni Fernando Poe, Jr., lalong-lalo na sa mga susunod na henerasyon.

Batid natin na may mga agam-agam sa panukalang ito. Kaya naman mainam na mayroon tayong ganitong pagdinig para mapag-usapan at mapakinggan ang ilan sa mga pag-aalala at pag-aalinlangan sa panukalang ito. Hindi natin nais na iisantabi ang mga magagandang alaala ng lugar na ito, bagkus ating dinadagdagan ang mayaman nitong kasaysayan sa pamamagitan ng pagkilalang igagawad natin kay FPJ na tunay namang nagbigay dangal dito bilang isa sa mga kilalang anak nito.

Maraming salamat po.

News Latest News Feed