Press Release
October 8, 2020

REVILLA, SINUPORTAHAN ANG PAGBIBIGAY KAPANGYARIHAN SA PANGULO SA PANAHON NG NATIONAL EMERGENCY

Bilang Chairperson of the Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation ay nagpahayag ng suporta si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. bilang co-author at co-sponsor ng Senate Bill No. 1844 sa ilalim ng Committee Report No. 130.

Ito ang "An Act Authorizing the President to Expedite the Processing and Issuance of National and Local Permits, Licenses and Certifications in Times of National Emergency".

Ang Republic Act No. 11032 o ang "Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018" na nag-amyenda sa Republic Act No. 9485 o ang "Anti-Red Tape Act of 2007", ay naglalayong mapadali ang mga requirements at proseso upang maiwasan ang katiwalian at korapsiyon.

Inamin ni Revilla na marami pang dapat gawin bago pa nila marating ang kanilang malinis na mithiin sa pamahalaan ngunit inaasahang maaabot nila ang tagumpay.

Sinabi pa ni Revilla na ang pagtahak umano sa gitna ng pandemya ay nagdulot ng maraming kamulatan at isa na dito ang mga dapat unahin sa panahon ng national emergency na dapat mabilis ngunit tamang aksiyon mula sa ating mga namumuno.

Binigyang diin ni Revilla ang naging karanasan niya sa paghahatid ng tulong sa mga nangangailangan ngunit naging balakid ang maraming papeles na kailangan tulad ng permits, licenses, sertipikasyon at iba.

Dahil umano sa panukalang batas na ito ay magkakaroon ng kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na pabilisin ang mga kailangang papeles, suspendihin o ikansela ang pagkuha ng dokumento at gawing permanente na ang proseso o pagkansela ng iba pang kailangan sa pagkuha ng naturang dokumento.

Malaking tulong din umano ang naturang panukala sa ating bansa na makapaghanda sa ano mang trahedya na darating at mapabilis ang pagbangon ng ating ekonomiya tulad ng kasalukuyan nating sitwasyon.

Bago nagtapos si Revilla sa kaniyang talumpati ay pinuri niya si Majority Leader, at Subcomittee Chairperson, Senator Migz Zubiri, dahil sa panukalang ito kasabay nang paghikayat niya sa mga kasamahang tulungan itong maisabatas.

News Latest News Feed