Press Release
October 9, 2020

Transcription of the interview of Sen. Francis Tolentino with Laging Handa PTV4

Usec. Rocky : Magandang araw po, Senator.

SFNT : Magandang araw po sa inyo at magandang araw po sa ating mga tagasubaybay.

Usec Rocky: Welcome po sa Laging Handa public briefing, Senator. Bigyan daan po natin ang tanong ng ating kasamahan sa media mula po kay Evelyn Quiroz ng Pilipino Mirror. In early July of this year, you said you will file a bill to the effect of the additional electricity cost paid for the employees working from home amidst restrictions triggered by the pandemic should be deducted from their tax payments. Nakapag-file na daw po ba kayo tungkol dito?

SFNT: Opo na-file na po natin 'yan. Nakapending lang po sa Committee pero 'yong isa po nating panukala noon, 'yong three gives law, nai-file na rin po natin 'yan at ang ginawa po natin ay isinama na lang po natin 'yan sa Bayanihan 2. So ngayon for implementation na po 'yan. 'yong atin pong mga kababayang nasa GCQ and ECQ, 'yong pagbabayad niyo ng kuryente, hulugan nang tatlong buwan. May one month grace period, gayon din sa telepono at ganoon din po sa tubig. Hindi lang po sa Metro Manila kundi sa buong Pilipinas. For implementation na po 'yan at palagay ko nauna nang mag-implement 'yong ibang utilities dito sa Metro Manila.

Usec. Rocky : Anong masasabi niyo sa naging pagbubukas ng klase nitong Lunes?

SFNT: Alam niyo hayaan natin dito mag-assess 'yong DepEd. Pero kung natatandaan niyo rin, tayo rin po 'yong isa sa mga nagpanukala ng batas na baguhin 'yong existing law na mas maaga 'yong bukas kung kaya nga po tayo 'yong nagsulong na ma-postpone ng October 5. Kung natatandaan ninyo, mahabang usapin 'yan at 'yan naman po ay natupad at hindi naman po naging panukala na lang 'yan, nagawa na po 'yan. Itong mga glitches po siguro, hayaan po natin mag-usap dito ang DepEd, DICT kasama na rin siguro ang PTV. Kasi sinabi ko noon as early as June na kasama dapat ang PTV4 at IBC13 dahil kayo 'yong government networks na dapat makatulong dito. So I will hold my comment. Hayaan muna natin si Sec. Briones na mag-fine tune. Kasi ngayon lang naman gagawin ito kaya normal lang po na may glitches talaga.

Usec. Rocky : Kukumustahin rin po natin 'yong mga floating quarantine ships sa bansa. Kamusta na raw po ito?

SFNT : Hindi rin po sa pagbubuhat ng sariling bangko, ito 'yong mga unang panukala ko, kung hindi ako nagkakamali, Abril pa po ito e. nilabas na natin to and mabuti naman si Sec. Tugade ay pumayag. So hindi lamang po 'yong floating quarantine ships ang nagamit, 'yong sa 2go, kundi 'yong docking area dito sa Port area ay ginagamit na rin. Ang alam ko tuloy-tuloy pa rin po sila pero ang talagang pakay dito ay wala nang mag-quarantine dito na mga parating nating mga kababayan galing sa ibang bansa. At nakauwi na sila sa kanilang mga mahal sa buhay nang walang COVID, negative po sila. So ginagamit na po 'yon. 'Yon po yung mga unang panukala ko noong kasagsagan ng simula pa lang ng COVID, ng pandemiya, at naipatupad naman. Salamat sa DOTr.

Usec Rocky : Sa inyong privilege speech nitong nakaraang buwan, binuksan niyo ang issue ukol sa IRRs sa mga ipinatutupad na mga batas. Ano po ba itong IRR at sino ba dapat ang gumagawa nito?

SFNT : Alam niyo po, ang IRR ginagawa po ito ng mga ahensya ng pamahalaan na binigyan ng mandato na ipatupad 'yong batas. Subalit noong mga naunang panahon, siguro po bata pa kayo, bata pa tayo, e wala naman po talagang IRR. Ang natatandaan ko pong naglabas ng IRR ay 'yong Department of Labor noong araw dahil medyo masalimuot 'yong pagpapatupad ng batas. Pero may mga batas tayong walang implementing rules. Naipatupad naman nang maayos. Kagaya po ng Revised Penal Code tungkol sa mga krimen. 'Yong New Civil Code, wala pong mga implementing rules 'yan. Noong nauso po itong IRR, napag-aralan ko po na mayroong konting abuse. Minsan po 'yong IRR ay salungat doon sa batas na ginawa ng Kongreso. Minsan naman po walang ginawang IRR kaya hindi maipatupad 'yong ginawang batas dahil nakalagay po minsan doon sa last line ay subject to the issuance of implementing rules and regulations. So ang sinabi ko po doon sa privilege speech ko ay panahon na para tuldukan itong nagiging abuso ng ginagawa ng IRR dahil salungat po doon sa batas na nilalabas ng Kongreso. Ang Kongreso lang po, ang Senado ang may karapatan, sa ating Saligang Batas, na gumawa ng batas. At 'yong IRR ay hindi po ginawa 'yon ng elected representatives ninyo. Kaya sumang-ayon po sa akin 'yong mga kasamahan ko sa Senado na busisiin po ito. Lahat po ng salungat sa batas na mga implementing rules at kung maaari, iakyat sa Korte Suprema para maisaayos. Halimbawa po, mayroon pong halimbawa isang batas na nagbibigay ng karapatan. Halimbawa sa Palawan, sabihin natin, mayroong isang batas na ginawa na gawing international airport 'yong San Vicente sa Palawan. E pagdating sa IRR e baka naman po gawing maiksi 'yong runway. E papaano po magiging international airport 'yon? So ito po 'yong mga kumplikasyon na sinasabi ko na sa paggagawa ng IRR, kung kailangan 'yong IRR, ay dapat po pinapakita rin sa Kongreso para wala pong maging hadlang o balakid.

Usec. Rocky : Ano po 'yong nakikita niyong maaring solusyon para dito?

SFNT : Alam niyo po masalimuot 'yong paggawa ng batas. Tama po 'yong sinabi ng ibang kasamahan ko na kapag gumawa ng batas, gawin nang kumpleto. Wala nang loopholes para hindi maging dahilan 'yong IRR. Ganoon din 'yong naging problema natin sa GCTA. Ganoon din 'yong naging problema natin sa PhilHealth. So ang nakikita ko pong solusyon:

1. Paggawa ng pagbalangkas ng batas, gawing komprehensibo. 2. Sabihan 'yong implementing agency in charge na 'pag ginawa niyo 'yong IRR, kung binigyan din kayo ng direktiba na gumawa ng IRR ay ipakita niyo muna doon sa komite sa Senado na ito 'yong IRR namin. Para makita namin kung talagang parehas. Maaring sabihin ng iba unconstitutional 'yon pero mas unconstitutional naman po, 'yong bureaukrasya ng pamahalaan, executive ang gagawa ng batas dahil sa saligang batas, ang gagawa ng batas ay Kongreso. Hindi po naming dine-delegate 'yong paggawa ng batas sa ating iba't ibang departamento o sa executive. Ito po ay binigay ng Saligang Batas, ng Konstitusyon ng Pilipinas sa Senado at sa Kongreso. At 'yon lamang pong mga halal na mambabatas ang dapat gumawa ng batas.

Usec. Rocky : Tinawag niyo rin po ang pansin ng DOST, DOH at FDA kaugnay ng gagawing clinical trial sa bansa. Saan at ano ang naging problema? May kakulangan ba o gap pagdating sa coordination efforts sa pagitan ng mga ahensya?

SFNT : Balikan ko 'yong unang tanong niyo sa akin. Kahit tingnan niyo po 'yong batas ng pagke-create ng DOST o maging 'yong kanilang IRR, maging 'yong FDA. Hindi naman po nakalagay doon sa batas na 'yong DOST ay kasali sa mga clinical trials. Dahil ang clinical trials po ay tungkol po ito sa medisina. Ginagalang ko po ang DOST, kaibigan ko po 'yan sina Dir. Solidum tungkol sa bulkan, sa mga lindol pero 'yong clinical trials po ay tungkol po sa human anatomy, tungkol po ito sa medicines and medical devices ang kailangan po ay 'yong mga doktor sa kalusugan. So kaya ko po tinanong 'yon kasi maraming lumalabas na mga balita at ito'y inamin rin ng DOST na sila ay involve sa clinical trials at lumagda na sa ibang CDA, sa ibang kasunduan para dito. CDA ang tawag nila. So tinatanong ko po bakit napunta sa DOST? Ginagalang ko po 'yon, mga scientist po 'yon pero dapat po ito purely Department of Health mandate to include the Food and Drug Administration na bahagi ng DOH family. So napakadelikado po ito e kasi papunta na po sa phase 3 sa ibang bansa. Sa Europa, sa States 'yong vaccine. 'yong sa Tsina, 'yong sa Russia, phase 2 pa lang yata 'yon, 'yong clinical trials. So ang Sistema po nito kasi 'yong controlled trials at maging 'yong randomized controlled trials na dapat health authorities ang may hawak kasi maselan po itong tungkol sa bakuna. Hindi po ito isang pagsusukat lang ng sapatos, pagsusukat ng damit na 'pag nasukat ay okay na. Dahil pumapasok po ito sa katawan. Ang tawag po diyan ay invivo testing. So maraming mga lugar na nagkaroon na ng human guinea pigs so ito po 'yong gusto kong malaman na maging transparent. Hindi po dapat ito lihim at kung sino po talaga 'yong tamang ahensya na gumawa nito. Kasi may pondo rin pong ibibigay sa kanila at ito po ay magiging bahagi na ng World Health Organization Solidarity Trial na tama po 'yong proseso natin. Ayaw po nating mapunta sa hindi tamang proseso 'yong kalusugan ng ating mga kababayan lalong lalo na kung ang pinag-uusapan ay COVID-19. Napakasensitibo po nitong usapin at sabi ko nga dapat isang ahensya lang ang humahawak nito. Mamaya, budget hearing ng Department of Health ay siguro notice ko na sa kanila ito. 'Yon 'yong mga itatanong ko sa kanila kasi minsan iba 'yong sagot ng isang ahensya, minsan iba 'yong sagot ng ahensya. Lahat naman po ito ay sang-ayon para sa kabutihan ng ating mga kababayan.

Usec. Rocky : Sa pagsisimula ng clinical trial sa bansa, hinimok niyo rin po 'yong mga LGUs na magkaroon ng malinaw na communication plan. Ano ang dapat maging strategy para dito upang maging mas epektibo ang clinical trials sa mga LGUs?

SFNT : Alam niyo po kasi medyo scientific ito e. 'Yong phase 1 kasi hindi naman po lahat buong Pilipinas, alam po ni Gov. Alvarez natin sa Palawan. Hindi po lahat ng Pilipino masa-subject sa clinical trials. Ang Phase 1 po ay binubuo ng less than 100 at ang dapat sa phase 1 ay 'yong mga healthy participants. 'Yong phase 2 pwede na pong more than 100, 300 pero pwede na pong may kasama rito na mga infected ng COVID-19. Phase 3 ito na po 'yong libo-libo. So hindi po lahat ng sector sa buong PIlipinas ay magiging bahagi nito. Pipili lang 'yan depende nga sa usapan ng kung sino po 'yong developer manufacturer ng vaccine. Kung ito man ay galing sa Estados Unidos o Tsina o ibang bansa at kung sino po yong ahensya na nararapat kaya sabi ko maging transparent dito. 'Yong LGUs, siguro sa pagpili ng ilang mga participants, na dapat voluntary din at may consent, 'yon po 'yong magiging role ng LGUs. At 'pag nadevelop na 'yong vaccine, dito na po sa pamamahagi ng bakuna ay malaki po ang magiging role ng LGU. Lalong lalo na sinabi ng pangulo na uunahin po 'yong mahihirap nating mga kababayan. At ang sinasabi ko naman maging doon sa DILG budget hearing, dapat nakahanda na po ang DILG para sa ganoon 'yong mga LGUs ay mayroong mga refrigerators, may mga freezers kasi 'yong temperature po ng paglalagyan ng bakuna ay napakasensitibo po noon. Kapag nagkamali po tayo, e mapapawalang bias po 'yong bakuna. So ito po 'yong isang mahaba-habang usapin pa. Ano 'yong dapat na freezer na gagamitin, so bahagi po dyan ng LGU. At kung 'yong mga LGU naman ay mayroong mga sariling mga cold storage plants kagaya po sa Palawan, e maaari na rin po sigurong gamitin iyon. Mahaba pa po ito kaya nga dapat may isang ahensya na talagang nakatutok dito.

Usec Rocky : Napakalinaw po at at least napapaintindi niyo po sa amin ang mga dapat proseso pagdating sa pagkakaroon ng bakuna. Bilang chair namn po sa ginagawang Senate committee ng Urban Planning at human settlements, gaano po ba kahalaga 'yong agarang pagtugon ng pamahalaan sa housing sector lalo na ngayon po na may COVID-19? Paano po nakakaapekto itong pandemiya sa sinasabing back log o kakulangan po sa housing sector?

SFNT : Naku napakalaking epekto po niyan, dito po natin makikita na una pala talagang matibay na quarantine facility ay ang tahanan, 'yong bahay. So papaano ka magkakaroon ng isang tamang quarantine facility kung wala kang sariling bahay? So ito po 'yong mga napag-uusapan sa housing sector. Napakalaki nga ng back log, tama 'yong sinabi mo kaya long range po ito. Kagagawa lang po ng ating Department of Human Settlements and Housing at ang primary resource na kailangan dito talaga ay pera panggastos sa pabahay. So mahaba haba po ito at nagiging bahagi rin po tayo sa pag-uusap nito habang dinirinig din 'yong confirmation ng bagong secretary of Housing. So babalikan ko po 'yon, napakahalaga po ng tahanan dahil 'yon talaga ang tamang quarantine facility para maging ligtas po tayo. Kasi stay at home. Paano ka magse-stay at home kung wala kang home?

Usec. Rocky : Ngayong pirmado na po ang Bayanihan 2, kabilang po dito 'yong hinain na 3 gives payment. Ano pong masasabi niyo?

SFNT : Kanina nabanggit ko 'yan, nagpapasalamat ako at naging bahagi po 'yan. Talagang sinulong po natin 'yan. Mabiyayaan po 'yong ating mga kababayan na nasa iba't ibang lugar na walang pambayad ng kuryente at tubig at maging telepono. So pagbibigay lang po iyan ng lifeline para sa recovery. Mahaba-haba pa po ito. Mayroon silang paraan makapaghulugan, makapagbayad nang tatlong hulugan, 3 gives doon sa kanilang mga utilities. Kasi sabay-sabay na ngayon pagpasok ng mga anak nila, naghahanap ng pambili ng tablet, gano'n din 'yong pagpasok ng mga may anak na sa kolehiyo, 'yong pangmatrikula. So napakahirap talaga ng usapin sa gastusin ngayon.

Usec. Rocky : Mensahe sa mga nakikinig at nanunood.

SFNT : Siguro po tulungan natin itong mga initiatives ng pamahalaan. Nakita naman natin na maging sa mga survey, 92 percent ata 'yong pagbigay ng approval sa response ng ating pangulo. Tulungan po naitn nang sa gano'n makabangon agad tayo. Napakahirap po nitong ganitong sitwasyon-'yong ekonomiya, 'yong pangkabuhayan. Maging 'yong normal na ginagawa natin pang-araw-araw dati ay na-disrupt. Wala pa tayo, hindi lang naman tayo ito, maging sa ibang bansa, ay ganoon din ang nangyayari. So ang papel po na maitutulong ng ating mga kababayan ay ang pakikipagkaisa at pakikipagtulungan sa atin mga awtoridad nang sa gano'n ay malagpasan na natin itong napakahaba na sitwasyon ng pandemiya.

Usec. Rocky : Salamat po.

SFNT :Maraming salamat din po.

News Latest News Feed