Press Release
March 21, 2021

EXCERPTS FROM TRANSCRIPT OF INTERVIEW OF SENATOR PANGILINAN WITH DZBB

DOBOL B BANTAY BALITA SA KONGRESO
African Swine Fever State of Calamity and Covid-19 Response (c.33m)

Time started: 10:07 AM Time ended: 10:34 AM

Interview with Senator Francis Nepomuceno Pangilinan (SFNP)

DZBB | Nimfa: Nagpapadeklara ang Senado kay Pangulong Duterte ng state of calamity dahil sa matinding epekto sa hog industry ng African swine fever (ASF). Ngayon, ano ba ang epekto, ano ba ang mangyayari kapag may declaration ng state of national calamity? At bakit national calamity eh samantalang sinasabing dito lang sa Metro Manila kapos ang supply ng baboy at sa Luzon lang mayroong ASF?

Nasa atin ng linya si Sen. Kiko Pangilinan na Vice Chairman ng Senate Committee on Agriculture, at naging kalihim naman siya ng P-Noy administration ng Food Security...Presidential Adviser on Food Security.

Magandang umaga po sa inyo, Sen. Pangilinan!

DZBB | Isa: Good morning po.

SFNP: Hi, good morning Nimfa and Isa, Yes, good morning sa inyong dalawa at sa mga nakikinig.

DZBB: Yan sir, salamat po sa inyong pagpapaunlak.

Senator, yung tungkol doon sa inyong -- inaprubahan na ito sa Senado -- na resolusyon po calling on the president, para po ideklara 'yung state of calamity dahil sa ASF, bakit po at ano ang scenario kapagka may declaration ng state of national calamity?

SFNP: Well, unang-unang siyempre, napakataas ng presyo ng baboy sa Metro Manila, partikular, umaabot na ng mahigit P400 tapos wala ka pang mabili o kung bibili ka man, ay under the table. Ika nga, palihim dahil nga mayroon ngang ceiling, price ceiling. Ang problema talaga ay supply at malaking dagok nga itong African swine fever para sa ating industriya ng magbababoy.

Ang estimate ng Department of Agriculture, papalo na sa P60 billion ang nawawala dahil over 4 million pigs ang pinatay na, kusang pinatay o ci-null para maiwasan iyong dagdag na pagkalat pa. Pagka-nagkasakit kasi dapat patayin; kung hindi, makakahawa pa ng iba.

So, malaking naging epekto nito sa industriya ng magbababoy. The entire industry is almost P300 billion worth sa isang taon. So iyong declaration of state of calamity will address itong indemnity, itong dagdag na panggastos sa biosafety, ibig sabihin iyong pagpoprotekta at pagkokontrol ng labas-pasok na mga baboy para hindi [na] kumalat.

Ito ang tawag nga dito ay Covid ng mga baboy kasi walang gamot dito, wala pang lunas ito at ang kanyang mortality ay halos 100%. Ibig sabihin oras magkasakit, eh talagang wala na, tuluy-tuloy na't mamamatay na yung baboy.

Kaya hindi [natin] maaring pabayaan na lang itong sitwasyon, and so iyong state of calamity declaration will allow the parang executive order iyan. Magkakaroon ng executive order and it will allow the national government to augment itong pondo ng DA para sa calamity relief, para sa calamity rehabilitation, indemnity, kasama iyan. And so, mayroon tayong disaster fund sa national government, ipinasa iyong budget for 2020 [sa] halagang 20 billion.

At finally ang sinasabi ng DA, P2.6 billion lang ang pondo nila ngayon for 2021 sa African swine [fever] at kinakailangan pa nila ng -- ang budget nila na estima nila para matugunan ito ay halos mahigit P8 billion -- so may halos P6 billion kulang.

DZBB | Nimfa: So ibig sabihin kulang po?

SFNP: Kulang. And pag kulang iyan ay hindi siya equipped at wala siyang kapasidad para talagang maging epektibo.

We've done this before in 1995, yung foot-and-mouth disease nagkaroon ng state of calamity declaration. Nakapaglaan ng dagdag na pondo, and we were able to address that problem. Nagkasolusyon.

Ganoon din noong 2014, noong ako'y Food Security Secretary, yung cocolisap, nagkaroon ng state of emergency declaration sa Region IV-A. Dalawang milyong puno ang apektado, nakapaglaan ng dagdag na pondo and after 6 months, nasugpo yung pagkalat ng cocolisap at nabigyan pa ng dagdag na ayuda at suporta ang ating magniniyog.

DZBB | Nimfa: Senator Pangilinan, may mga tanong po kami ni Isa tungkol diyan ano ho, mabigyan daan lang ho natin, may flash report lang po kami ano ho, Senator?

SNFP: Sure sure, go ahead

(Flash report)

DZBB: Yan nakakalungkot yung report ni Divine...Anyway mga Kapuso balikan natin si Senator Kiko Pangilinan.

Sir, ine-explain po ninyo na sa state of calamity, yan ay magbibigay daan para ma-tap natin paggamit yung calamity funds, ano ho? May nakikita ho kayong halaga na kinakailangang ilabas ng gobyerno para po maging sapat na pantulong doon sa mga apektadong itong ASF?

SFNP: Well ang sinumite sa atin ng Department of Agriculture sa committee hearing -- kasi nga tayo iyong nag-privilege speech at naglaan ng resolusyon, nag-file ng resolusyon tungkol nga dito -- ang estima nila for 2021 alone, they need around P8 billion. Humihingi ang ating mga magbababoy ng mga P10,000 per head para lang makabawi sa kanilang mga naging danyos. So 'yun ang halaga na hinihingi nila, around P8 billion.

DZBB: Ah, so P10,000 po ang dapat na compensation doon sa magbababoy kapag iyong baboy niya ay ci-null o pinatay dahil may ASF?

SFNP: That's right at saka importante iyan dahil magkakaroon ng reporting system. Kasi ngayon palihim eh. Tinatago et cetera. Baka nga iyong iba ibinebenta ulit.

DZBB: Eh kasi po ang binabayad ay P5,000 ngayon.

SFNP: That is right. Parang iyong iba, natutukso pa, ibebenta pa. Although hindi naman nakakahawa, di ba hindi natin...

DZBB: Delikado ba kainin yung karneng may ASF?

SFNP: Pag niluto daw wala namang problema, hindi talaga nakakahawa iyong African swine fever na lumilipat sa tao. So iyon naman ay good news. Pero iyon nga, pero pagka hindi mo kasi iyan ini-report at hindi mo dinispose na ng tama, kahit patay na iyan pwede pang kumalat iyong swine virus, iyong swine fever virus. So, talagang dangerous sa pagkalat kaya dapat talaga i-report.

DZBB: Ayan po, eh Senator Pangilinan dito po sa declaration ng state of calamity because of the ASF nga po, inirekomenda na raw ng Department of Agriculture so nasa pangulo na. Meantime po habang hinihintay ang desisyon diyan ng pangulo, ang kasama po doon sa concerns ninyo sa Senate ay number one, iyon pong balak na pag-iimport ng baboy dahil kulang nga iyong supply para daw po siyempre matapalan kung ano yung pagkukulang, at pangalawa ibaba ang taripa para iyong import mura, mura babagsak sa merkado. Iyan pong dalawang yan ay tinututulan ninyo sa Senado, bakit po? Una sir, doon sa importation ng baboy.

SFNP: Well, hindi tayo against importation per se pero iyong kinekwestyon natin ay iyong dami ng i-iimport, kasi 400 million kilos eh. Iyon ba talaga ang kinakailangan? Talagang kulang ang supply, that's why stop-gap, ibig sabihin panandaliang remedyo ay mag-import.

Pero ayaw nating mag-import ng napakarami, dahil iyan naman ay direktang makakaapekto sa lokal na industriya. Dahil mura ang pag-import ng karneng frozen, karneng galing sa abroad, maapektuhan din iyong lokal.

Gusto natin pababain iyong presyo, pero huwag naman at the cost of wala na tayong kapasidad na magkaroon ng babuyan sa lokal. It will affect the local industry.

Pangalawa, yung taripa. Ngayon pa lang inamin na doon sa hearing na ang laki na ng kinikita, kahit na 40% at 30% ang taripa, gusto pa nila ibaba sa 5%. So sobra-sobra.

Alam mo ba, ang landed cost computations nila anywhere between $2.5 per kilo to $3 per kilo ang imported na karne.

DZBB: So ibig sabihin nasa P150 ang imported, opo.

SFNP: Yes, tapos, tapos 400 million kilos ang gusto nila pa-import. So ano halaga noon? Sa $3, that's $1.2 billion, hindi ba?

DZBB: Tiba-tiba.

SFNP: Ang laking halaga niyan. Halos P50 billion, tapos papatungan mo ng kita ng P40 per kilo -- ang laki ng kikitain dito. Pero ang nakita rin natin, hindi naman pinapasa iyong mababang presyo sa merkado. Halos--

DZBB: Ibig sabihin ibebenta pa rin po nila sa halagang prevailing market price pa rin na P300 to P400?

SFNP: Siguro ibaba nila nang kaunti, pero parang sa bigas di ba? Sabi rice tariffication, bababa ng P7 hanggang P10 per kilo, eh 'di dapat sana P32 ang kilo iyong bigas ngayon pero hindi eh. Bumaba siguro P3.

DZBB: So ang sinasabi po ninyo Senator Pangilinan ay sige mag-import pero hindi kasing dami ng gusto nilang 400 million kilos, 400,000 metric tons at kung mag-import nga, hindi kailangang ibaba yung taripa. Wag galawin 'yung taripa?

SFNP: That is right. Kasi kung sa 30% lang na taripa -- ibig sabihin kung $3 iyan, papatawan ka ng 30% na babayaran mo sa gobyerno. 30% of $3. Gusto nila ibaba sa 5%, so mawawalan din ng kita ang gobyerno.

DZBB: By how much po? Magkano po yung mawawala?

SFNP: Ang estima namin mga P11 billion. At iyong taripa, ang layunin niyan para iyong industriya na apektado ay pwedeng gamitin iyong pondo para mabigyan ng suporta.

Eh 'di nawala rin iyong suporta sa magbababoy dahil iyong taripa binaba. Eh talagang merong... sabi ko nga eh ang laki, tiba-tiba ang kumikita rito. Binaba na 'yung taripa, tinaas pa ang volume noong pwedeng i-import. So talagang kinakailangan busisiin, kaya mayroong committee of the whole hearing tungkol dito.

DZBB: Senator, tanong ko lang po, doon po sa state of calamity, ipapasakop na rin po ba yung mga manok. And sa palagay niyo ba kapag halimbawa nagpasya na ang pangulo na magkaroon ng state of calamity, sasapat na ho ba ito para matulungan yung ating mga farmers, mga magbababoy? Kasi ang dinadaing nila, Senator, itong panahon ng pandemya double-whammy sa kanila yan eh: naapektuhan na sila ng pandemic, naapektuhan pa sila ng ASF.

SFNP: Yes, well, that's now up to the executive department na ipakita na talagang iyong assistance ay hindi magiging makupad. Pero nga ang importante may pondo, ang importante mayroon silang kapasidad, kinakailangan ngayon maimplementa nang tama iyan. Kaya nga kasama din doon sa dagdag na pondo, iyong mga magbababoy na nalugi na, nawalan na ng pinagkakakitaan dahil nawala na iyong mga baboy nila -- temporarily sila ang pwedeng gawing mga biosafety protocol guards, iyong magbabantay ng checkpoints etcetera.

Kailangan bigyan ng cash-for-work. Habang malaki ang nawala nilang kita diyan sa babuyan nila -- dahil naubos, nangalahati na -- bigyan sila ng cash-for-work para mayroon silang kinikita at panggastos para sa araw-araw at sila ang imobilisa para sa border control, biosafety protocol, pagbabantay, pagdi-disinfect, et cetera. Bigyan sila ng cash for work para may panggastos sila sa araw-araw. At iyong pondo na iyon, manggagaling sa calamity fund.

DZBB: Opo, how about po dun sa mga manok, ipapasakop po ba yun sa state of calamity?

SFNP: Hindi, hindi pa naman, wala naman kasing ano sa manok. Ang problema lang sa manok, sumosobra ata ang import kasi pagka nawala na yung baboy sa merkado, karamihan talaga ang alternatibo ay manok.

DZBB: Kasi mahal din ang isda.

SFNP: Syempre binabantayan din natin. O kaya isda.

DZBB: Lahat nga po mahal na, ano?

SFNP: Ang problema lang sabi nga eh, may biro di ba, napaka-heartbroken na daw ng baboy ngayon. Alam niyo bakit?

DZBB: Bakit po?

SFNP: Kasi ayaw na niyang magmahal. Ayaw na, heartbroken na siya, ayaw na magmahal, sobra-sobra na daw.

Anyway, so apektado din ang manok pero kailangan lang imonitor. Pati diyan mayroong mga reklamo na nag-o-overimport. So, baka, baka maitanong din yung problema ng importasyon, kasi mayroon ding tinatawag diyan na na technical malversation dahil mini-misdeclare iyong quality ng karne, kasi kung halimbawa offals -- ibig sabihin ng offals iyong mga balat, tainga --

DZBB: Bituka opo...

SFNP: Iyan mga lamang-loob, 'yan, 5% lang ang taripa.

DZBB: Ah, so kahit na laman yung mga hita siguro, mga pecho, dine-declare po na offal o lamang loob para mas mababa ang tax.

SFNP: Yes, pag kasim, liempo, 'yan 30% iyan ang taripa, so sa $3, 30% ng $3 ang ibabayad mo pagka-kasim at liempo. Pero pagka-laman loob, 5% lang ang babayaran mo. So maraming nagmi-misdeclare kasi siyempre may tongpats.

DZBB: Iyon na nga po iyong kasunod kong tanong, iyong tongpats. Sir, paano kung halimbawa hindi pagbigyan ng pangulo iyong sa state of calamity, mukha namang pagbibigyan, recommendation na rin ng DA, pero iyong sa taripa at saka iyong huwag damihan iyon pong aangkatin na baboy, eh mukhang doon tayo nakaabang pa sa desisyon ng pangulo. Ano po ang magiging konklusyon ninyo? Pwede bang sabihin na, ah ano iyon kukunsintihin iyong tongpats doon, driving force daw po kasi, driving force nung maraming importation at local tariff yung tongpats.

SFNP: Well, wala pa naman tayo roon kaya nga sana magkaroon ng hearing bago magka-desisyon ang Malacañan para mas dagdag na impormasyon ang makukuha natin at magkaroon ng dagdag na kaliwanagan, dahil kung naalala niyo noong nag-PhilHealth hearing tayo, initially ayaw tanggalin di ba itong mga opisyal ng PhilHealth. Eh dahil sa hearing natin at naisiwalat itong mga malalaking pondo na kung saan-saan inilalagay na hindi naman Covid-related ay napilitan tanggalin o pinag-reresign itong mga involved doon sa katiwalian.

So in other words, sana itong committee of the whole hearing will also serve as a check and will guide the executive department na gumawa ng tamang desisyon sa usapin ng pag-iimport at pagbababa ng mga taripa.

DZBB: Isang tanong na lang po ako, Senator Pangilinan tungkol dito sa isyu sa baboy, sa manok. Dun sa situation ngayon, ito merong allegations na may mga tongpats tapos parang...iyong policy ba na, tawag dito, may sinasabi rin na kulang din sa pagbabantay kaya laganap iyong ASF, all other factors na considering all other factors, may nakikita ho ba kayong pangangailangan na i-overhaul, palitan ang mga nasa Department of Agriculture, o kaya yung mga nasa yung committee na MAV committee, yung silang nagrerekomenda ng additional importation?

SFNP: Ulit, magandang masagot 'yan pagkatapos nating makita itong mga impormasyon na nais nating makuha. Sa ngayon may mga nagte-text na sa atin at nagbibigay ng guidance tungkol dito. So, pinaghahandaan natin para sa hearing. So we will see pag lumabas doon sa hearing kung mayroong kabababalaghan na nangyayari at mayroong ebidensya, eh baka sakali magkaroon ng revamp, pero kung hindi naman, we will see. Hintayin natin.

DZBB: How about ano po [Agriculture] Secretary [William] Dar? Sa ngayon, hindi na po kailangan na --

SFNP: Ako, you know, in fairness to Secretary Dar, pagpasok niya six months later, Covid na. So talagang naapektuhan talaga pati ang kanyang normal na kapasidad na makapag-deliver. Ako, to be honest, I have no -- Nagtrabaho na ako sa executive department, talagang may burukrasya, na in fact nung nasa executive department ako, sabi ko nga sa NFA eh anim na rehiyon, kinasuhan natin ng administrative cases mga taga-NFA mismo iyong mga --

Hindi lahat ng NFA masama, pero mayroong mga ilan-ilan. In fact, by their very nature talagang mahusay na mga public servants ang ating mga rank-and-file at ilang mga opisyal diyan magagaling. Iyong mga ilan lang talagang paligid doon sa sistema o nakain na ng sistema. You know we filed cases against a number of traders, as well as NFA personnel in Region III, Region IV, Region V, Region VI, CARAGA, and NCR. Anim, so I'm saying that because in fairness to Secretary Dar, he inherited a bureaucracy, maraming nakapaligid sa kanya na, matitigas ang ulo. So ako, I still have trust kay Secretary Dar. I have no reason to doubt his capacity and integrity, but I cannot say the same for a few around him, a number of those around him.

DZBB: Senator, iibahin ko lang usapin, kahapon record-breaking iyong Covid-19 cases o bagong kaso ng Covid-19 sa ating bansa, 7,999, your thoughts about it po? At ano po iyong mga dapat, kasi hindi po maiiwasan senator na ang masisisi dito iyong gobyerno, di ba? Na kulang sa ganito, sa ganoong bagay, sa iba pang isyu. Ano po iyong mga dapat natin matutukan sa ngayon kasi wala tayong kasiguraduhan hanggang kailan po iyong ganitong sitwasyon na pataas iyong kaso ng Covid-19?

SFNP: Hay.

DZBB: Napa-hay si senator. Huminga nang malalim.

SFNP: Well alam mo as early as April, sinabi na ng Senado, ng mayorya, na dapat magbitaw na sa tungkuin si [Health Secretary Francisco Duque III] dahil nga doon sa nakitang mga kakulangan. Iyon ang problema kapag kinukunsinti ang either katiwalian o kakulangan, eh di ba, uulit-ulitin yan. At nariyan tayo ngayon.

Pero having said that, kinakailangan talaga, ang nakita natin ang solusyon base na rin sa karanasan ng ibang-bansa -- kailangang ano na eh, hindi na misteryo eh: contact tracing, more testing, isolation.

Ang World Health Organization ang nagsabi, sa Metro Manila, 4 na bayan lamang o 4 na lungsod lamang sa 17 ang mayroong effective contact tracing. Eh kung hindi mo kino-contact tracing yung mga na-expose, kakalat, hindi maa-isolate. Kapag hindi na-isolate kakalat -- number one. Number two, 'yung vaccine rollout, di ba? Kailangan paigtingin and hopefully by second quarter, lalarga na iyan. So kailangan talaga double-time or triple-time...Nabanggit ko ito sa isang interview last week, I continue to trust Secretary [Carlito] Galvez and I think he is doing his best pero sabi nga nila you cannot soar like an eagle if you are surrounded with turkeys. So, baka sakali, baka sakali.

DZBB: Sino iyong turkey, sir? Sino iyong turkey?

SFNP: Well, alam na natin iyon, kasi paulit-ulit naman di ba? So hanggang ngayon, iyon pa rin ang -- hindi lang tayo ha? At syempre, gusto ko rin linawin, sana maintindihan ng mga nakikinig, hindi naman mali na mag-reklamo, hindi naman mali na magreklamo at pumuna. Sabi nga sa nabasa ko nga sa social media, di ba kung ikaw ay kumain sa restaurant, isa kang nagbabayad -- parang taxpayer di ba, nagbabayad ka ng para sa serbisyo? Eh kung ang restaurant ang inihain na pagkain may ipis, di ba karapatan mo magreklamo? Kasi nagbabayad ka. Kinakailangan iyong serbisyo maayos. Di ba hindi naman pu-pwedeng sasabihin ng waiter, "Ikaw puro ka reklamo, di ba, tumulong ka nalang". Pwede ba naman [...]

DZBB | Nimfa: So ang pinag-uusapan natin din si Secretary Francisco Duque III, i-push na natin, Isa. Unfortunately, wala kaming time po ngayon na makuha iyong side niya, pero sir, kahapon -- well, in fairness nagpapakita siya ng sipag kahapon sumama siya sa Parañaque ba, Isa?

DZBB | Isa: Nung Friday.

DZBB | Nimfa: Ah nung Friday. Namimigay ng face shield sa Parañaque at saan ba sa Makati?

DZBB | Isa: May hawak siyang pamatpat...

DZBB | Nimfa: Oo.

SFNP: Pero ang alam nating solusyon contact tracing. Tama iyan, magbigay ka ng mask, tama naman 'yan. Pero saan kulang? Kulang sa contact tracing para maisolate. At kulang sa testing din.

DZBB: At kailangan po ba siyang sumama sa ganoong field work, sir? Kailangan niya po bang sumama sa ganoong field work?

SFNP: Well, kung wala na siyang ibang ginagawa pero iyon na nga, sana paigtingin ang contact tracing. Alam mo, binabasa ko lang kahapon, alam mo ba ilan ang kaso sa Taiwan? Ilan ang namatay? Sampu.

DZBB: Mula noong pandemya, sir?

SFNP: At alam mo kung ilan ang kaso? 900 cases, isang taon na sila, di ba? In other words, kaya naman eh, kaya kung tama ang patakaran.

Pati itong mga curfew. I respect the steps taken by the mayors but they also know that curfew alone without contact tracing, without isolation, without more testing, it will not work and we've seen that in the last year. Nahuli ang contact tracing, hanggang ngayon hindi pa kumpleto, iyong testing nahuli rin kaya di ba? [Kaya] nagkaganito.

DZBB: Sa Senate po ba, Senator, meron pa rin bang push or panawagan na mag-resign na si Secretary Duque, kasi ngayon, halimbawa po sa social media, ang lakas po ng ganoong panawagan. Siyempre, social media lang po iyon. Papano naman po iyong sa kabuuan ba, at kayo sa Senado, dati meron ba kayong ganoon na call na "O, mag-resign na.". Ngayon po ba na ito, tumataas na naman iyong cases, panahon na po ba na magbitiw siya sa puwesto si Secretary Duque?

SFNP: Eh kung noong mas mababa yung number of cases, pinag-reresign na siya, ngayon na mas marami ang cases hindi na siya dapat magreresign? So, dapat. Ako, sa akin sana, magkaroon ng kaliwanagan ang Malacañang at aminin na kailangan nang maghanap ng iba. Dahil gaya lang ng ginawa nila sa PhilHealth, di ba? Ang sa akin, hindi dapat kinukunsinti ang palpak, kasi kapag kinunsinte, uulit-ulitin. Iyon lang naman ang sa 'kin.

In the end, of course, buhay ng ating mga kababayan, milyon-milyong trabaho ang nakataya. Libu-libong buhay ang nakataya. Daan-daang libong buhay ang kailangan iligtas sa sakit. At trilyong pisong ekonomiya ang nakataya. So sana, magising na ang mga namumuno at hanapan ng totoong solusyon itong makupad na management ng Covid.

DZBB: With that sir, maraming salamat po sa inyong oras Senator Pangilinan.

SFNP: In the meantime, wash your hands, mag-maskara. Galit-galit muna, 'ika nga. Mag-iwas muna lalo na ngayon nagkakaroon ng dagdag na mga variants. So, matindi ang pagkalat ng Covid, kaya dapat mag-ingat tayong lahat at magtulungan. Maghanap ng paraan. Tulong-tulong, at sa pamamagitan ng ating pagdadamayan at pagtutulungan sa isa't isa, malalagpasan din natin itong pagsubok na ito.

DZBB: Ayan, maraming salamat, thank you po, ingat po palagi.

SNFP: May isa pa akong joke.

DZBB: Ah, go, go Senator! Nakakadawala na po kayo, Senator, sige po.

SNFP: Baka lang naulit ko na ito pero baka iyong iba hindi pa naririnig. Dati kapag ikaw ay kumain ng karne baboy, magkaka-highblood ka. Ngayon nakikita mo lang iyong presyo ng karneng baboy, highblood ka na. Kaya kailangan natin ayusin iyong supply at iyan ang tinatrabaho natin sa Senado.

Maraming salamat, magandang araw, thank you, thank you very much!

DZBB: Thank you so much po sir, salamat!

News Latest News Feed